Pluma at Papel

Bahay-Kubo Ko’y Giniba


bahay-kubo ko’y giniba / nang nananangis ang hangin / sa mga dahon ng punong mangga / at nababagabag titig ng araw / sa tinuklap na pawid-bumbunan / unti-unting ginilit-nilagari / buto ng natuyong lalamunan

bahay-kubo ko’y giniba
nang nananangis ang hangin
sa mga dahon ng punong mangga
at nababagabag titig ng araw
sa tinuklap na pawid-bumbunan
unti-unting ginilit-nilagari
buto ng natuyong lalamunan
binaklas kawayang kasukasuan
nilansag patpat na mga tadyang
waring babaing nanambitan
nang laslasin-hubarin
blusa’t paldang sawaling
nakabalot sa kariktan ng katawan
minaso’t pinalakol
hita’t tuhod na tumutol
hanggang tuluyang lumuhod
bumukaka’t nagpaubaya
sa sumisikdong tiyan ng lupa
saan ngayon maghohosana ang diwa
sa minimithing ligaya at laya?

naglalambitin ngayon
sa telon ng mga luha
puti-itim-asul-pula
ayaw lumisang mga alaala
dumadaluhong mga eksena
ng mga orasyon ng pagsamba
sa katalik na ideolohiya
para sa pinakasisintang
la tierra pobreza
sa kalansay ng kubong giniba
naglipana mukhang umiyak-tumawa
mga diwang nalasing-nabaliw
mga labing sumigaw-nagmura
mga dibdib na hitik ng ngitngit
butuhang daliring nakikipagniig
sa pinsel at baril
sa tinta at pluma ng paghihimagsik
ngayong kubo ko’y giba na
at gabi’y maulap-masigwa
saan makikipagromansa
talisik ng isip
at pintig ng puson at dibdib
para marating minimithing langit
ng dustang kauring alipin ng lintik?

oo, bahay-kubo ko’y giniba
katawa’y nagkalasug-lasog
mga buto’y sumabog-nadurog
inatadong laman naagnas-nabulok
ngunit pagsinta sa irog
ay di mababaog
di masasaid ang libog ng pusod
di mamamatay ang liyab at alab
ng angking pag-ibig
sa mga kauring kayakap ng lungkot
silang mga buto ay lumalagutok
sa inyong asyendang moog ng balakyot
silang katawan ay inyong hinuthot
sa inyong pabrika sa dibdib ng lungsod
habang kayo nama’y nagpapakabusog
sa pawis at dugo ng aming alindog
kayong panginoong walang pakundangan
sa aming dignidad at kinabukasan
mayroon ding hangganan
hanggang sumisibol ang damong luntian
sa gubat at bundok
hanggang lumilipad ang malayang ibon
sa bukid at gulod
hanggang dumaramba marahas na alon
sa pader ng dagat
bahay-kubo namin ay di mapipigil
sa pagbabanyuhay
tungo sa lunggating pantay na lipunan!