Migrante

Domestic workers sa Singapore may araw na ng pahinga, pero karapatan nila di pa rin lubos na kinikilala


Magkakaroon ng kaunting panahon ng pahinga ang domestic workers sa Singapore, marami sa kanila’y Pilipino, mula sa lingguhang trabaho nila. Pero sa kabila nito, nakita ng isang grupong pangkarapatang pantao na hindi pa rin tumutupad ang naturang bansa sa mga pandaigdigang istandard sa paggawa.

Mapa ng Singapore. (worldtravels.com)
Mapa ng Singapore. (worldtravels.com)
Mapa ng Singapore. (worldtravels.com)

Magkakaroon ng kaunting panahon ng pahinga ang domestic workers sa Singapore, marami sa kanila’y Pilipino, mula sa lingguhang trabaho nila. Pero sa kabila nito, nakita ng isang grupong pangkarapatang pantao na hindi pa rin tumutupad ang naturang bansa sa mga pandaigdigang istandard sa paggawa.

Sa desisyon ng Manpower Ministry ng Singapore noong Marso 5, may karapatan ang mga domestic worker ng lingguhang rest day mula sa trabaho.

Pero para sa Human Rights Watch (HRW), pangdaigdigang grupong pangkarapatang pantao, “kapiraso” pa lamang ito ng mga repormang kailangang gawin ng gobyerno ng Singapore kaugnay ng pagtrato nito sa migrant domestic workers.

Sinabi ng HRW na nahuhuli pa rin ang Singapore sa pagpapatupad ng mga istandard na itinakda ng Convention No. 189 on Decent Work for Domestic Workers na inaprubahan ng International Labor Organization noong Hunyo 2011.

Kabilang sa mga istandard na itinakda ng naturang kumbensiyon ang istandard sa oras sa paggawa (working hours), minimum wage, kompensasyon sa overtime, social security, proteksiyon tuwing nagbubuntis, at arawan at lingguhang panahon ng pahinga.

Singapore ang isa sa siyam na mga bansa na hindi nag-apruba sa naturang kumbensiyon.

Kasabay nito, nag-aalala rin ang HRW na maaaring maabuso ng mga employer ang opsiyong inilatag ni Manpower Minister Tan Chuan-Jin na maaaring magbayad na lamang ang mga empolyer sa kanilang mga trabahador imbes na ibigay pa ang rest day sa kanila.

Para sa HRW, bulnerable sa abuso ang naturang opisyon. Maaari umanong papirmahin na lamang ang mga domestic worker ng mga employer nila kapalit ng kakarampot na bayad sa halip na hayaan silang tamasahin ang lingguhang pahingang araw.

Sinabi rin ng gobyerno ng Singapore na ipapatupad ang naturang reporma sa mga trabahador na sakop lamang ng bagong mga kontrata na magsisimula sa Enero 2013. Hindi nito binigyang pansin ang pagsasantabi sa mga foreign domestic worker sa ibang susing proteksiyon ng paggawa na nakasaad sa Singapore’s Employment Act.

“Makakabuti para sa kalagayan ng migrant domestic workers ang pagkilala ng gobyerno ng Singapore na batayang karapatan sa paggawa ang lingguhang isang araw ng pahinga,” pahayag ni Nisha Varia, senior women’s rights researcher sa HRW. “Pero dapat maipatupad ngayong taon ang mahalagang repormang ito at maipatupad sa lahat ng domestic workers at sa kasalukuyan nilang mga kontrata.”

Sinabi naman ni Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante International, na bagamat tagumpay na ang naturang desisyon ng gobyerno ng Singapore para sa mga migrante, hindi pa rin sila pinapayagang hayagang magtayo ng mga organisasyon ng mga Overseas Filipino Worker sa naturang bansa.

“Malaking tagumpay at ginhawa sa ating mga kababayan sa Singapore,” ani Martinez. “Pero dapat pa rin maigiit sa pamahalaan ng Singapore na payagang magtayo ng organisasyong OFW.”

Sinabi pa ni Martinez na ang tagumpay na ito ay nagmumula sa patuloy na paggiit at pakikibaka ng domestic workers, mga organisasyong migrante at tagasuporta nila, para sa pagkilala sa domestic work bilang paggawa.

Pero kinikilala rin niyang malayo pa ito sa istandard na itinakda ng ILO Cinvention.

May tinatayang 206,000 na migranteng domestikong manggagawa na nakaempleyo sa Singapore. Nanggaling ang karamihan dito mula sa Pilipinas, Sri Lanka at India.

Ayon sa HRW, karamihan sa domestic workers ay nagtatrabaho nang pitong araw sa isang linggo para matustusan ang mga bayarin sa kanilang employment agencies. Masahol pa, may paghihigpit pa rin sa pag-alis nila sa trabaho kahit sa panahon ng kanilang time-off.