Migrante

OFWs tagumpay laban sa panukalang Philhealth premium hike


Ikinagalak ng mga grupo ng Overseas Filipino Workers (OFW) ang pag-atras sa planong pagtaas nang 160% sa singil ng Philhealth premium fees. Inilabas noong Pebrero ang Memorandum Circular No. 007, series of 2012,na nag-aatras ng pagpapatupad ng pagtaas ng singil ng Philhealth premiums sa Enero 1, 2013. Saad ng Philhealth na ito ay para “sa […]

Philhealth

Ikinagalak ng mga grupo ng Overseas Filipino Workers (OFW) ang pag-atras sa planong pagtaas nang 160% sa singil ng Philhealth premium fees.

Inilabas noong Pebrero ang Memorandum Circular No. 007, series of 2012,na nag-aatras ng pagpapatupad ng pagtaas ng singil ng Philhealth premiums sa Enero 1, 2013. Saad ng Philhealth na ito ay para “sa konsiderasyon ng mga hiling ng civil society at mga non-government organization na iatras ang pagpapatupad ng nasabing premium sa gitna ng pandaigdigang krisis na nagreresulta sa pagbabalik sa bansa ng ilang bilang ng OFWs.”

“Ang Philhealth memo ay tagumpay ng lahat ng OFWs na ipinarinig ang kanilang protesta,” ani Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante International. “Patunay ito na sa pagkakaisa ng OFWs laban sa di-makatarungang pagsasabatas ng estado kasama ang legalisadong pangongotong, ay makakamit ang mga kongkretong resulta.”

Naunang inilabas ng Philhealth ang Circular 022 na epektibo sa Hulyo ngayong taon. Dito, magtataas sana ng singil ang Philhealth. Para sa OFWs, tataas ito mula sa kasalukuyang P900 ay magiging P2,400 kada taon. Inaasahang isasama ang mga bagong manggagawa sa dahil rekisito ang Philhealth para sa Overseas Employment Contract (OEC).

Sa kabila ng naturang tagumpay, inilinaw ni Martinez na hindi pa tapos ang laban.

“Pag-aatras lamang ito, hindi kanselasyon ng pagtataas ng singil,” aniya. Sinabi pa ni Martinez na patuloy na kakalap ang Migrante ng mga lagda para sa kampanyang petisyon laban sa taas-singil ng Philhealth premium fee.

Patuloy din silang makikipagtulungan sa ibang sektor na maaapektuhan rin ng nasabing pagtaas, kasama ang empleyado ng gobyerno, pangkaraniwang manggawa, maging ang mga manggagawang pangkalusugan.

Tinagurian ang kampaya bilang isang “Pandora’s Box”, mula sa mitolohiyang Griyego na nagpakawala ng lahat ng kasalanan nang buksan.

“Ang kampanya laban sa Philhealth premium hike ay nagsisilbing Pandora’s Box sa dami ng reklamo sa kainutilan nito na tugunan ang serbisyo sa OFWs at sa kanilang pamilya,” ani Martinez. “Patuloy kaming kakalap ng accounts at ulat mula sa OFWs sa buong daigdig at ilalahad ito sa mga kinauukulang ahensiya.”

Pinabulaanan ng Migrante ang ipinagyayabang ng gobyerno na ang kasalukuyang dagdag-bayarin sa Philhealth ay tutugon upang “makamit ang unibersal na serbisyong pangkalusugan.”

Ani Martinez, “libre dapat ang serbisyong pangkalusugan. Ipinapakita lamang ng tangkang pagtaas sa singil sa Philhealth ang kaganiran sa tubo ng gobyerno.”

Samantala, sinabi pa ng lider-migrante, patuloy ang “kalunus-lunos, kawalang-katuturan, at madalas ay wala pa ngang serbisyo” na Philhealth sa mga OFW at sa kanilang pamilya.