Ang kakaiba sa North Korea
Kasama ang isang delegasyon ng mga progresibong mambabatas, aktibista at mamamahayag, nagtungo ang awtor sa binansagan ng kanluraning midya na “pinakamalungkot na bansa” at nakita ang ligaya at ginhawa ng mga mamamayan dito
Pyongyang, Democratic People’s Republic of Korea (DPRK)—Malinis, maayos, moderno, kosmopolitan at masaya ang punong lungsod na ito ng binansagang pinakamalungkot na bansa ng sinungaling na kanluraning midya.
Dumating ako at lima pang delegado ng Philippines-Korea Solidarity Committee for Peace and Reunification in the Korean Peninsula (PKSCPRKP) sa DPRK noong Abril 10. Kami ay dumalo sa pinakamalaking pagdiriwang ng bansang ito sa kanyang kasaysayan para sa sentenaryo ng kapanganakan ng tagapagtatag ng DPRK, si Kim Il Sung. Ang aming delegasyon ay pinangunahan ni Anakpawis Representative at PKSCPRKP Chairperson Rafael “Ka Paeng” Mariano at PKSCPRKP bise presidente Norma Biñas. Kabilang sa aming grupo si Gabriela Rep. Luzviminda Ilagan, Kilusang Mayo Uno Vice-Chairperson Joselito Ustarez at television reporter Alfonso Tomas Araullo.
Habang naglalakbay kami sa iba’t ibang bahagi ng Pyongyang patungo sa mga kumperensya at pagtitipon, naghamunan ang aming grupo kung sino ang makakakita ng sinampay sa mga bintana ng nagtatayugang gusali. Wala kaming nakita.
Wala rin kaming nakitang dumi sa malalawak na kalsada ng kabiserang lungsod na ito. Walang pulubi, walang iskwater, at walang pasaway na drayber sa kalsada. Malinis din ang kanilang mga lawa, estero at ilog at marami sa kanila ang namimingwit sa mga ito para maglibang.
Sa halip, punumpuno ang Pyongyang ng mga bulaklak ngayong tagsibol at tapos na ang kanilang paglilinis ng kanilang mga gusali matapos ang isang mahabang taglamig. Ang mamamayan ay kuntodo postura, mula sa mga bata hanggang matatanda. Ang kalalakihan ay naka-‘Amerkana’ at ang kababaihan ay nakasuot ng kanilang tradisyunal na terno. Ayon sa isang napagtanungang Koreano, pangkaraniwan lang naman ang ’Merkana sa kanila, kahit ang magsasakang nagmamaneho ng traktora.
Nakakagulat ang mga ito sa mata ng isang tagasubaybay ng balita mula sa kanluraning midya. Ayon sa kanila, nagugutom at naghihirap ang mamamayan ng DPRK at sila ay aping-api ng kanilang sosyalistang pamahalaan.
Ang aking nakita ay matataas at makabagong mga gusaling tirahan ng mga mamamayan. Libre ito, alay sa kanila ng kanilang pamahalaan. May bayad ang kuryente at tubig subalit napakamura lamang, ayon sa kanila.
Sa bawat sulok ng lungsod ay may liwasan at palaruan ang mga bata. Napakarami ring pampublikong gusali tulad ng mga museo, teatro, istadyum, circus, skating rink, at iba pa. Dinala kami sa kanilang Music Information Center kung saan libreng mag-download ng musika at isang exhibition hall kung saan nakakita kami ng daang libong bulaklak. Ang lahat ng ito ay libreng puntahan ng kanilang mga mamamayan.
Libre ang pagpapagamot sa mga ospital ng DPRK. Wala naman kasing pribadong ospital, pribadong serbisyo at pribadong tubo sa bansang ito. Libre rin ang pag-aaral mula day care hanggang kolehiyo. At hindi matatawaran ang kalidad ng edukasyon sa kabataang DPRK. Dinala kami sa Kaeson Middle School (na binansagan nilang Korea-Philippines Friendship School) at mayroon lamang 18 mag-aaral sa isang kwarto, may kanya-kanyang computer, microscope, at iba pang mahahalagang kagamitan. Inalayan ang aming grupo ng kanta’t sayaw ng mga bata at sila na ang pinakamahusay sa lahat ng aking napanood na palabas ng mag-aaral.
Sa aming walong araw sa DPRK, nagkaroon kami ng pagkakataong makabisita sa mga lugar labas ng Pyongyang. Dinala kami sa himlayan at templo ng kanilang sinaunang haring si Ju Mong. Papunta’t paroon, nakita namin ang malawak na taniman ng prutas at gulay. Pagpunta namin sa Bundok Paektu, ang kanilang sagradong lugar, may irigasyon para sa kanilang palayan. Sa gitna ng kabukiran ay ang mga baryo ng magsasaka. Makikita na maging kanilang mga pesante ay nakatira sa mga condominium na pangarap lamang ng maralita sa Pilipinas.
Sa bansang ito lamang ako nakasaksi ng buong-buong suporta sa kanilang mga artista. Ang mga artistang biswal ay may mga sariling lugar kung saan sila nakakapag-trabaho ng walang inaalala. Sa katunayan, may day-care para sa kanilang mga anak sa loob ng mga compound habang sila ay nagpipinta o nag-iiskultura. May mga tindahan din para sa kanilang mga obra. Napakaraming malalaking teatro para sa kanilang mga mang-aawit, musikero at mga artista sa entablado. At palaging punuan ang kanilang mga pagtatanghal. Hindi rin matatawaran ang kalidad ng kanilang presentasyon. Mataas ang uri ng kanilang arte at klasikal ang tipo. Huwag maghanap masyado ng kanluraning pop music sa bansang ito. Hindi sila mahilig sa basura.
Isang malisyosong pelikula sa YouTube ang aking napanood bago ako pumunta sa Korea. Ipinakita ng pelikula na nagsisipayatan ang mga sundalo ng DPRK dahil umano sa kasalatan ng pagkain. Hindi ko ito nakita sa higit isang linggo ko sa bansang ito. Ang totoo, maraming maghanda, masasarap ang pagkain at matakaw ang mga taga-DPRK. Hindi sila tumataba dahil balanse ang kanilang mga putahe na lamang lagi ang gulay. Sa katunayan, laging huli ang kanin at pampuno lamang kumbaga. Wala ring kanluraning fastfood sa Pyongyang. Ice cream lamang ang natikman kong kanluraning pagkain dito. At tila bawal sa kanila ang tamad. Kahit sa malayong bahagi man ng syudad ang kanilang patutunguhan, nilalakad lamang nila ito. Madalang ang taksi o pribadong sasakyan sa Pyongyang. Ito ang dahilan kaya maganda ang kanilang pangangatawan at maluwag palagi ang kalsada. Hindi rin sila naghihinayang sa pudpod na swelas. Napakamura sa kanila ang sapatos.
Walang pinakabagong modelo ng cellphone o tablet o laptop o music player ang mga taga-Pyongyang. Marami ang may cellphone dito subalit mga luma na ito kumpara sa ibinebenta sa Pilipinas. Madalang silang may internet sa kanilang mga bahay at walang Facebook at Twitter. Kakaunti rin ang channel sa kanilang cable television. Subalit mayroon silang bahay, trabaho, nakakabuhay na sahod, libreng edukasyon at pagpapagamot. Hindi na masamang kapalit sa mga makabagong kagamitang madali rin namang masira o maluma.
Ang mahirap unawain sa mga kanluranin, kapitalista at burgis na lipunan ay ang walang kapantay na debosyon ng mga mamamayan ng DPRK sa kanilang mga lider. Nakita ko nga kung paano nila dakilain sina Kim Il Sung, Kim Jong Il at ngayo’y si Kim Jong Un. Kabaliktaran ito kung paano kamuhian at gawin nating katatawanan ang ating mga pangulo at pulitiko sa Pilipinas. Ito ay dahil tunay din namang kabaliktaran ang pagkalinga ng sosyalistang lipunan ng DPRK sa kanilang mga mamamayan kung ihahambing sa kung paano naman tayo binubusabos ng papet at korap nating pamahalaan.