Madaling-Araw Sa Puso Ng La Tierra Pobreza
Pasintabi sa ilang linya sa tulang tungkol sa Aprika ni Patrice Emery Lumumba, unang Presidente ng Demokratikong Republika ng Congo na pinatay ng mga kalaban niya sa pulitika sa udyok diumano ng Central Intelligence Agency o CIA ng Amerika

Pasintabi sa ilang linya sa tulang tungkol sa Aprika ni Patrice Emery Lumumba, unang Presidente ng Demokratikong Republika ng Congo na pinatay ng mga kalaban niya sa pulitika sa udyok diumano ng Central Intelligence Agency o CIA ng Amerika.
sa loob ng ilang dantaon
parang hayop kang nagdusa
ikaw, indio, ng aking la tierra pobreza
dinurog-giniling ang iyong mga buto
hanggang maging abong ipinatangay sa hangin
ikinalat sa kagubatan at kabukiran
ng puting mga panginoon ng dusa’t inhustisya
nagniningning na mga templo ang itinayo
ng iyong mang-aalipin
para pangalagaan ang iyong kaluluwa
para panatilihin ang iyong pagdurusa.
karapatan nilang matindi kang bugbugin
karapatan nilang walanghabas kang latiguhin
karapatan mong manangis at mamatay
walang katapusang gutom
walang hanggang tanikala
nililok nila sa iyong katawan…
sa luntiang kumot ng kasukalan
parang dambuhalang ahas na gumagapang
palapit sa dinusta mong kabuuan
lilingkisin ka ng kamatayan.
sa iyong leeg isinabit nila
bakal na bola ng karalitaan
asawa mo’y pinagsamantalahan
perlas na maningning ng iyong tahanan
sinakmal-sinaid di masukat mong yaman.
parang tunog ng mga tambol sa karimlan
hinagpis ng mga kaluluwang nilapastangan
parang lumalagaslas na agos ng ilog
luha’t dugo ng mga biktima ng kalupitan.
oo, mula sa banyagang dalampasigan
naglakbay sila tungo sa iyong inang-bayan
sandata’y krus at espadang itinarak
sa puso mo at isipan
upang la tierra pobreza mo’y pagharian
ginawang kalabaw ang iyong mga anak
sa mga lupain nilang kinamkam
ginawang turnilyo’t martilyo
bisig ng iyong mga supling
sa mga pabrika nilang gilingan ng laman
habang ipinangangaral sa sangkalupaan
mahabagin ang diyos sa kanyang nilalang
ngunit lagi kang nananangis, indio
pinaiilanlang sa hangin melodiya ng panambitan
habang sa harap ng naglalagablab na apoy
nagsayaw ka nang nagsayaw, indio
hanggang kumulo ang iyong dugo
hanggang sumilakbo ang iyong puso
sinindihan mga mitsa ng paghihimagsik
ginilitan ng leeg dating mga panginoon
ngunit nahalinhan ng bagong diyus-diyosang
umaalipin sa iyo hanggang ngayon
kasabuwat pa’y ilang kalahi mong mandarambong!
oo, indio, ng aking la tierra pobreza
daan-daang taon kang inalipin
at inaalipin hanggang ngayon
ng mga panginoon ng dusa’t pagsasamantala
ngunit sa lagablab ng apoy
ng sigang sinindihan
ng mga aninong kalansay na ngayon
patuloy na magsasayaw at maglalamay
sa karimlan ng gabi
sa burol at kagubatan
mga kapatid mong magigiting
itititik ng kanilang mga dugo
sa naninilaw na damuhan ng pag-asa
laya mong labis na sinisinta
masdan mo ang pagputok ng umaga
samyuin ang halimuyak ng ligaya
tutuyuin ng amihan sa mukha mo
luha ng dalamhati ng lahi
kapag tuluyang nag-apoy
naglagablab-nag-alipato
naghihimagsik na mga talahib
sa mga burol at sabana
magdiwang ka, indio!
umindak kang buong sigla
sa kadensa ng bagong lirika
madaling-araw ay daratal na
sa puso ng ating la tierra pobreza!