Migrante

Pinoy sa ibang bansa, tutol din sa Balikatan


Kaliwa’t kanang protesta laban sa kasalukuyang Balikatan Exercises ang idinaos ng mga Pilipinong naninirahan o nagtatrabaho sa ibang bansa gaya ng Estados Unidos, Netherlands, Hong Kong, Australia, at Canada. Sa New York, nasorpresa ang mga opisyal ng Philippine Consulate nang magsagawa ng lightning rally sa lobby ng konsulado ang mga kasapi ng Bagong Alyansang Makabayan- […]

Tutol sa interbensiyang militar ng US ang mga Pinoy sa Netherlands (Contributed Photo/ Bayan Europe)

Kaliwa’t kanang protesta laban sa kasalukuyang Balikatan Exercises ang idinaos ng mga Pilipinong naninirahan o nagtatrabaho sa ibang bansa gaya ng Estados Unidos, Netherlands, Hong Kong, Australia, at Canada.

Sa New York, nasorpresa ang mga opisyal ng Philippine Consulate nang magsagawa ng lightning rally sa lobby ng konsulado ang mga kasapi ng Bagong Alyansang Makabayan- USA at International Action Center kahapon.

Ayon kay Yves Nibungco ng Anakbayan New York/New Jersey, “We denounce all foreign intervention our country, whether China or the US. It puts our country in unnecessary danger of being caught in the crossfire between China and the US.”

Panoorin ang bidyo:

“As a US citizen, I don’t want my tax dollars to murder Filipino people. US out of the Philippines!” sabi naman ni Caleb Maupin ng International Action Center-New York, na lumahok din sa protesta sa loob ng konsulado.

Nagsagawa rin ng kilos-protesta ang mga Filipino-American sa Los Angeles, California noong Abril 16, ang pagdating sa Pilipinas ng 4,500 na tropang Amerikano at umpisa ng Balikatan 2012.

Protesta kontra Balikatan sa Los Angeles, California (Contributed Photo/ Hiyasmin Quijano)

Ayon sa Bayan-USA, mayroong limang dahilan kung bakit dapat labanan ng mga Pinoy sa US ang presensiyang militar ng US sa Pilipinas. Sinabi ng grupo na labag ito sa soberanya ng bansa; binabayaran ito ng mga mamamayang Amerikano nang walang kamalay-malay; magdudulot ito ng mga paglabag sa karapatang pantao gaya ng pagkamatay ng mga sibilyan at paglikas ng mga komunidad; magdudulot ito ng mga kaso ng karahasan laban sa kababaihan gaya ng rape at prostitusyon; at mag-iiwan ng toxic wastes sa Pilipinas.

“US intervention, not China, is the greatest threat to peace and security in the Philippines,” ayon sa Bayan USA.

Samantala, sa Hong Kong, nagtungo sa harap ng opisina ng Philippine Consulate General ang halos 200 Overseas Filipino Workers (OFW) para iprotesta ang Balikatan. Sumama sa mga OFW ang ilan ding tagasuportang Indonesian, Nepalese, at Taiwanese na tutol sa paghihigpit ng kontrol ng US sa Asya-Pasipiko.

“Balikatan in the Philippines is just part of the larger scheme of redeployment of US troops in countries in the region – Japan, Australia, South Korea and Philippines – that are best suited as springboards for politico-military actions. In the light of the crisis still besieging US, the US is scrambling to remain control over resources in Asia-Pacific and the Middle East through military posturing,” pahayag ng International League of Peoples Sruggles (ILPS)-Hong Kong & Macau.

Mga OFW sa Hong Kong, pinababasura ang Visiting Forces Agreement (Contributed Photo/ ILPS-Hong Kong)

Sinabi pa ng grupo na bukod sa kagustuhan ng US na makontrol ang kapangyarihan ng Tsina sa rehiyon, layon din nitong durugin ang mga rebeldeng Moro at rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas na Moro Islamic Liberation Front at New People’s Army, na direktang panghihimasok sa mga usaping internal ng bansa.

Nangako ang mga OFW na patuloy na ipoprotesta ang presensiyang militar ng US sa Pilipinas at sa iba pang bansa sa Asya Pasipiko at Gitnang Silangan, kung saan naiipit din ang maraming Pilipino sa mga giyerang agresyon ng Estados Unidos.

Nagkaroon din ng katulad na mga pagkilos sa Canada, Australia, Netherlands ang mga Pilipinong nananawagan ng pag-alis sa bansa ng mga tropang Amerikano.

Anila, paiigtingin pa nila ang presyur sa gobyernong Aquino habang papalapit ang Abril 30, kung kailan nakatakdang mag-usap sa Washington ang matataas ng opisyal ng gobyerno ng Pilipinas at US para sa karagdagan pang mga tropang Kano sa Pilipinas.