Alyansa vs pribatisasyon ng sebisyo sa tubig lumalawak

May 29, 2012

Nagtipon ang kinatawan ng iba't ibang water districts sa bansa para ihayag ang pagtutol sa pagsasapribado sa serbisyo ng tubig. (Pher Pasion)

Nagtipon ang kinatawan ng iba't ibang water districts sa bansa para ihayag ang pagtutol sa pagsasapribado sa serbisyo ng tubig. (Pher Pasion)

Nagkaisa ang iba’t ibang water districts sa buong bansa laban sa ikinakasang pagsasapribado sa serbisyo ng tubig batay sa Senate Bill 2997 o Water Sector Reform Act of 2012 na panukalang batas ni Sen. Edgardo Angara.

Inihayag nila ito sa naganap na kumperensiya ng Water System Employees’ Reponse o Water, isang pederasyon ng mga kawani sa water districts at iba pang water utilities o service providers sa bansa, na ginanap sa National Council of Churches in the Philippines sa Quezon City.

Tinatayang mahigit 500 water districts sa buong bansa ang sasailalim sa batas na ito na tinatayang makakaapekto sa 30,000 manggagawa, ayon sa Water.

Income generating na ito at hindi na ito serbisyo. Negosyo na ito,” diin ni Eric Avanzado, pangalawang pangulo para sa Luzon ng Water.

Kasabay ng pagsasapribado ng serbisyo sa tubig na tulak ng programa ng Public-Private Partnership ng administrasyong Aquino, pinangangambahan ang pagtaas ng singil sa tubig.

Ayon sa Water, nakaranas ng ibayong taas-singil sa tubig ang mga konsiyumer sa Kamaynilaan matapos maisapribado ang Manila Water Sewerage System noong 1997.

Panahong ito, tumaas nang tumaas ang singil ng tubig sa ilalim ng Maynilad (449%) at Manila Water (845%) na nakabili sa MWSS.  Nagkaroon pa ng matinding water shortage noong 2010, ayon sa Water.

“Bilang mga nasa serbisyo ng tubig, lantad sa mga manggagawa ang kakulangan (sa tubig) at kakulangan ng akses ng mga mamamayan ang serbisyo ng tubig, kahit sa operasyon ng mahigit sa 500 water districts sa bansa. Imbes na maglaan ng pondo upang magkaroon ng dagdag na serbisyo sa tubig sa buong bansa, pribatisasyon ang inaatupag ng gobyerno,” pahayag ni Avanzado.

Ipinanawagan din ng Water ang dagdag sa annual national appropriations para sa serbisyo sa tubig at maging sa subsidyo upang mapabuti ang kasalukuyang mga pasilidad.

Nananawagan din sila ng suporta sa maliliit na water service providers at pagpapaunlad ng kapasidad ng kasalukuyang water districts upang pataasin ang kanilang  serbisyo sa koneksiyon ng tubig. Hangad din ng mga lumahok sa kumperensiya na ibaba ang singil sa tubig at magkaroon ng serbisyo sa tubig ang bawat tahanan lalo’t higit ang mga mahihirap.