6 months, 6 months na buhay ng kawaning kontraktuwal


Kaysa paglikha ng dagdag na mga plantilla item, inilabas ang CSC-COA-DBM Joint Circular No. 1, Series of 2025 na naglilimita sa pagpasok ng mga JO at COS at ang pagtutulak na idaan ang pagkuha ng mga tauhan sa mga manpower agency.

Kinilala ng gobyerno ng Pilipinas ang problema sa dumaraming bilang ng mga kontraktuwal sa loob ng sariling bakuran. Ngunit imbis na regular na trabaho, pagpapailalim sa mga manpower agency ang solusyon ng administrasyon.

Sa pagtatapos ng 2025, sinabi ng Civil Service Commission (CSC), Department of Budget and Management (DBM) at Commission on Audit (COA) ang problema sa lumalaking bilang ng mga kawaning job order (JO) at contract of service (COS) sa mga ahensiya ng gobyerno habang hindi naman sumasabay ang regularisasyon.

Ngunit kaysa paglikha ng dagdag na mga plantilla item, inilabas nila ang CSC-COA-DBM Joint Circular No. 1, Series of 2025 na naglilimita sa pagpasok ng dagdag na mga JO at COS at ang pagtutulak na idaan sa mga manpower agency ang pagkuha ng mga kontraktuwal.

Sa pinakahuling tala ng CSC noong Oktubre 2025, nasa 919,868 ang bilang ng mga kawaning JO at COS. Mayorya sa mga ito, o mahigit 650,000, ay nasa mga pamahalaang lokal at ang 918,000 ay nasa mga ahensiya sa ilalim ng ehekutibo. 

Ayon sa tala ng DBM, ang kabuuang bilang ng mga JO at COS ay kalahati na ng halos 2 milyong regular na kawani. Sa kabila ng malaking bilang, hindi sila nakatatamasa ng mga benepisyo at walang umiiral na employer-employee relationship sa pagitan nila at ng mga ahensiya.

Hindi rin itinuturing ng gobyerno bilang serbisyo publiko ang panahon ng kanilang paninilbihan sa kabila ng kanilang signipikanteng bilang at paggampan ng mga esensiyal na tungkulin sa iba’t ibang ahensiya at opisina ng gobyerno. 

Ayon kay Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage) secretary general Manny Baclagon, ang joint circular ng tatlong ahensiya ay hindi lang naglilimita sa pagpasok ng mga bagong kontraktuwal, lumilikha din ito ng pangamba ng tanggalan sa mga kasalukuyang kontraktuwal dahil sa posibilidad na ipaloob sila sa mga manpower agency at idaan sa bidding process.

“Kapag hindi nanalo ang manpower agency [sa bidding], mawawalan rin sila ng trabaho,” paliwanag ni Baclagon. 

Mahigit dalawang dekada nang COS si Nemuel Sapungan bilang isang utility personnel. Nakatuntong siya ng kolehiyo bagama’t hindi na natapos ang kanyang pag-aaral dahil kinailangan nang magbanat ng buto.

Taong 1997 nang unang pumasok bilang isang janitor si Sapungan sa University of the Philippines (UP). Halos isang dekada siyang nanilbihan sa UP bago nasama sa 138 na mga janitor na inalis sa trabaho dahil sa bagong terms of reference sa ibang manpower agency.

“Kung mababalikan sa history ng UP, nag-picket kami ng halos eight months sa harap ng [Quezon Hall]. Ang mga janitor, ’yong UP [Janitorial Services Association] ang nag-conduct ng picket sa UP noong 2006. Ang panawagan namin, ma-reinstate, maipabalik kami sa trabaho,” pagbabalik-tanaw ni Sapungan.

Dagdag nito, malinaw sa kanilang mga janitor na dapat silang ituring bilang empleyado ng pamantasan dahil ang pinagsisilbihan nila ay ang mga estudyante, guro, kawani at opisina ng pamantasan at ang nagpapasahod sa kanila ay gobyerno. 

Ayon sa kasabihan, kapag may nagsarang pintuan, may magbubukas na panibago. Sa isang banda, totoo ito para kay Sapungan.

Nakahanap siya ng trabaho bilang “secretariat support assistant” sa isang pambansang ahensiya. Aniya, pinaganda lang ang pangalan pero sa aktuwal nasa linya pa rin ng utility ang kanyang trabaho. Hindi na siya agency-hired, pero ganoon pa rin aniya ang kalakaran, isa pa rin siyang COS sa loob ng halos 13 taon.

Aniya, malaki ang papel na ginagampanan ng mga kagaya niyang utility personnel sa mga ahensiya na dapat ding kilalanin ng gobyerno.

“Multi-tasking kaming mga utility, nag-e-electrical kami, nagpa-plumbing kami, tapos minsan gagawa kami ng pang-admin na trabaho,” ani Sapungan. Sa kanilang ahensiya, hindi bago ang mga reklamo tungkol sa mga dagdag na gawaing pinapagawa sa mga COS. Sa kabila nito, malayo pa rin para sa kanila ang maging isang regular. 

“‘Yon pa rin ang mga pangarap namin, na ma-regular ang lahat ng kontraktuwal, para kahit papaano magkaroon man kami ng benepisyo na tinatanggap ng mga [regular] employee] na kapag dumating ka sa retirement, at least kahit papaano may compensation sa matagal na pagtatrabaho,” sambit ni Sapungan.

“Natatakot silang magregularisa kasi nga takot mismo ang gobyerno nating humawak ng responsibilidad,” tingin ni Sapungan.  

Sa isa pang pambansang ahensiya, pareho din ang karanasan ng mga COS ayon kay Peter Pagran. Sa kanilang ahensiya, kahit ang mga lisensiyadong propesyonal ay nalulugi sa barat na suweldo at kawalan ng plantilla item.

“Kung sa technical na usapin dapat mas marami ang permanent kaysa [sa] JO at COS. Pero katulad sa opisina namin, parang more than 40 kami, parang ang permanent lang ay pito,” pagbabahagi ni Pagran.  

Daing ni Pagran, dahil walang umiiral na employer-employee relationship sa mga kagaya niyang COS, itinuturing pa rin silang mga pribadong manggagawang inuupahan lang ang serbisyo.

Sa pagpapatupad ng joint circular, kahit ang mga propesyonal kagaya niya ay kailangang pumailalim sa manpower agency kung nanaising pumasok sa mga ahensiya ng gobyerno.

Liban sa kawalan ng katiyakan sa trabaho, katotohanan din para sa mga COS ang mababang sweldo at kawalan ng mga benepisyo.

Si Pagran, isang propesyonal sa information technology, ay tatlong taon nang COS sa isang pambansang ahensiya. Tuwing anim na buwan, kailangan niyang mag-renew ng kanyang kontrata, batay sa pangangailangan ng ahensiya at kahandaan ng pondo 

Hangad ni Pagran na maging isang guro sa kolehiyo. Kaya bagama’t mas mataas ang sinasahod noon sa isang pribadong kompanya at mas may katiyakan sa trabaho, lumipat siya sa gobyerno para makapagpatuloy ng kanyang masterado. 

Aniya, sa loob ng tatlong taon, mabagal ang pag-usad ng taas-sweldo, regularisasyon, at sariling-pasan niya ang pagbabayad sa PhilHealth, Social Security System (SSS) at Pag-IBIG. Sa internal na patakaran ng kanyang ahensiya, simula ngayong 2026, awtomatiko nang iaawas sa kanilang premium buwan-buwan ang hulog nila sa PhilHealth, SSS at Pag-IBIG.

Liban sa walang parte ang ahensiya sa kanilang kontribusyon, wala ring leave ang mga JO at COS. Mahigpit na ipinapatupad sa kanila ang no work, no pay na iskema. Nitong Enero 2026, sa bisa ng CSC Memorandum Circular No. 1, Series of 2026, binibigyan na ng limang araw na wellness leave ang lahat ng mga nagtatrabaho sa gobyerno. Sa ahensiya ni Pagran, hindi pa sila naaabisuhan tungkol sa implementasyon ng naturang wellness leave.

“Kung maipapatupad siya, eh ‘di mabuti, pero dapat i-consider nila na bayad pa rin kami,” ani Pagran.

Ayon sa Courage, katotohanan din para sa mga JO at COS ang kawalan ng overtime pay, kawalan ng promosyon, pagkakaltas ng mas mataas na withholding tax sa suweldo, pagiging target ng diskriminasyon at pag-aalis ng karapatang mag-unyon. 

Para kina Sapungan, Pagran at iba pang JO at COS sa gobyerno, regular na trabaho at pagtaas ng suweldo ang kailangan nila.

Ayon kay Pagran, malaking balakid laban sa regularisasyon ang malaganap na korupsiyon sa gobyerno.

“Isa sa sinasabi ni DBM, walang budget, walang plantilla position, pero bakit trilyon ang nakakamal ng mga matataas na posisyon sa gobyerno?” giit ni Pagran. 

Liban sa paglaban sa korupsiyon, idiniin din ni Pagran ang halaga ng paglikha ng mga batas na magbibigay proteksiyon at katiyakan sa trabaho sa mga JO at COS.

Aniya, malaking bagay din kung bibigyang-diin ng gobyerno ang pagtatayo ng pambansang industriya para lumikha ng trabaho at lumikha ng pondo na tutustos sa suweldo ng mga kawani at pampublikong serbisyo para sa lahat.  

Para naman kay Sapungan, ang pagsasama-sama ng mga kontraktuwal na kawani ay napakahalaga para iparinig ang boses ng mga JO at COS sa administrasyon. Bagama’t hindi ito tutumbas sa isang unyon, mahalaga pa rin ito para makapagdemanda ng ilang benepisyo ang mga kontraktuwal.

“Napakahirap mangyari [ang mga pagbabago] kapag walang unyon o asosasyon. Sana kahit mga COS magkaroon ng isang samahan na hindi sasagkaan, hindi tutulan ng admin o ng ahensiya, ‘yon ang magpapatatag ng kanilang community sa loob ng ahensiya,” pagbabahagi ni Sapungan.