Kawaning kontraktuwal: Seguridad, benepisyo para sa lahat
Idiniin ng Kalakon, hanggang kontraktwal ang mga manggagawa, hindi magiging sapat ang pamamahagi ng mga benepisyo. Ipinananawagan nila ang regularisasyon ng lahat ng kawani.
Nanawagan ang Kawani Laban sa Kontraktwalisasyon (Kalakon) para sa makatarungang seguridad at benepisyo para sa lahat ng mga empleyado sa gobyerno sa kabila ng anunsiyong pamamahagi ng year-end bonus at cash gift ng Department of Budget and Management (DBM) nitong Nob. 4.
Ayon sa grupo, patuloy na naisasantabi ang mahigit 900,00 na manggagawang nasa ilalim ng job order (JO) at contract of service (COS).
“Habang ang ilang kawani ay tumatanggap ng insentibo bilang pagkilala sa kanilang sakripisyo, ang mga JO/COS workers ay patuloy na nakararanas ng sistematikong paglimos ng karapatan,” sabi ng grupo sa kanilang pahayag.
Nakatakdang makatanggap ang mga regular na kawani ng year-end bonus na nagkakahalaga ng isang buwan nilang sahod at P5,000 na cash gift.
Idiniin ng Kalakon, hanggang kontraktwal ang mga manggagawa, hindi magiging sapat ang pamamahagi ng mga benepisyo. Ipinananawagan nila ang regularisasyon ng lahat ng kawani.
Inaapela rin nila ang DBM-COA Joint Circular No. 2, s. 2024 na nagtatakdang tapusin ang direktang pag-hire ng JO/COS workers sa Dis. 31. Ayon sa grupo, isa itong hakbang na magpapalala ng kanilang kawalan ng proteksiyon nila sa trabaho.
“Naniniwala ang Kalakon na ang tunay na reporma ay nakaugat sa pagkilala sa dignidad ng bawat manggagawang gobyerno—JO, COS o plantilla man,” pahayag ng grupo.