Patuloy na hamon sa manggagawa sa midya
Ang mga hamon ng industriya ng midya ang paniguradong magsisilbing hamon para sa mga manggagawa na patuloy na maniwala, lumaban at kumilos.
Maraming puwedeng mangyari sa 11 na taon. Maaari na ritong bumuo ng pamilya, magtapos ng hayskul at kolehiyo. Pero sapat bang panahon ito para kalimutan ang isang matagal na laban?
Taong 2014 nang magsimula ang hamon para sa mga talent ng media giant na GMA Network.
Alinsunod sa polisiya ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na nagtatakda sa mga independent contractors na mag-isyu ng resibo para sa kanilang talent fees, naglabas ng memorandum ang network na nag-uutos sa lahat ng talents nito na sundin ang naturang patakaran.
Ngunit inulan ito ng binatikos ng mga talent dahil sa pagiging mabigat at dagdag na gawain na ito.
“Kailangan namin magpagawa ng resibo na ang pangalan ng ‘kompanya’ namin ay kami, kailangan namin mag-bookkeeping, magpa-register at kung ano-ano pa,” sabi sa Pinoy Weekly ni Lian Buan, 36, isa sa mga talent ng GMA Network noon at senior investigative reporter ng Rappler ngayon.
Nakiusap ang mga talent noon sa kompanya na pagaanin ang hinihinging requirement. Ngunit idiniin ng GMA na hindi ito posible dahil “independent contractor” ang mga talent at nasasaklaw sa polisiya ng BIR.

Para kay Buan, hindi lang siya isang independent contractor. Siya ay isang regular na manggagawa ng kompanya noon.
Sa inilabas na desisyon ng Korte Suprema nitong Ene. 22, ideneklarang regular na mga empleyado ang 94 na miyembro ng Talents Association of GMA (TAG) na siyang kinabibilangan ni Buan.
Nagsilbi bilang segment producer ng programang State of the Nation with Jessica Soho si Buan sa loob ng halos anim na taon mula Nobyember 2010 hanggang Hulyo 2016. Sa trabahong ito, kasama siya sa daily newscast team bilang writer at producer sa newscast na umeere sa programa gabi-gabi. Naging segment producer din siya ng special features segment na Assignment Pilipinas at pumupunta siya ng field para sa special feature stories.
Sa madaling sabi, katulad ng trabaho ng mga regular na manggagawa sa GMA ang trabahong ginagawa ni Buan pero hindi siya kinikilala ng kompanya na regular.
Hindi nag-iisa si Buan sa karanasang ito. Dahil sa dami ng mga mangaggawang dumadaan sa ganitong trato, binuo nila ang TAG na may layong ipaglaban na regular silang empleyado ng kompanya sa parehas na taong inilabas ang mapang-abusong memorandum.
Sumali si Buan sa TAG dala ang paninindigang mali ang pagiging kontraktuwal.
“Nakita ko ‘yong krisis na ‘yon bilang opportunity para mabago ang sistema hindi lang para sa akin, kundi para sa lahat,” sabi ni Buan.
Mahabang laban
Unang layunin ng TAG na makipagsundo sa mga kondisyon ng polisiya ng BIR. Ngunit malayo ang naging reyalidad. Ang naging tugon ng kompanya, alukin ng promotion ang ilan. Isa si Buan sa mga inalok nito ngunit hindi niya ito tinanggap.
“It would address some of our concerns. Kung inalok sa lahat ng talent ‘yon, [okay] sana. It’s a start toward progress, pero iilan lang kaming inalukan. Hindi patas ‘yon,” aniya.
Sa puntong ito, naisipan na ng TAG na magsampa ng regularization case sa National Labor Relations Commission (NLRC).
Noong Hun. 25, 2015, idineklara ni Labor Arbiter Julio Gayaman na regular na mga empleyado ang mga talent. Inakyat ng GMA ang kaso sa commision proper ng NLRC na kinalauna’y nagresulta sa pagpapatibay ng NLRC sa naging pasya ni Gayaman.
Ngunit umapela pa rin ang GMA pagkatapos nito ay sunod na dumulog sa Court of Appeals (CA) noong 2016. Tatlong taon makalipas, ibinasura ng Court of Appeals Special 14th Division ang naging petisyon ng GMA at pinagtibay ang desisyon ng NLRC.
Taong 2020 nang dalhin ng GMA ang kaso sa Korte Suprema. Nagpasya ang Third Division pabor sa TAG at pinagtibay rin nito ang mga naunang desisyon ng NLRC at CA. At nitong Ene. 22, ipinaalam ng nasabing dibisyon sa TAG at sa GMA ang naging desisyon ng Korte Suprema.
Itinuturing ito ng asosasyon bilang regalo nila sa mga susunod na henerasyon ng manggagawa sa industriya.
“Ang mga talent ay regular na empleyado at karapat-dapat sa seguridad sa trabaho at sa mga benepisyong itinakda ng batas. Simula’t sapul ay pinaniniwalaan na namin ito, at ngayon ay may hurisprudensiya na magbibigay proteksiyon sa susunod na henerasyon ng mga manggagawa sa midya sa Pilipinas,” pahayag ng TAG sa Ingles.

Sa kabilang banda, idiniin din nila na dapat hindi umabot nang 11 na taon ang kaso.
“Ang sabi ng [Supreme Court] Third Division, ‘plain as day’ ay regular kami. Bakit inabot ng limang taon? Hindi siya magandang signal sa mga manggagawa. Parang ang pinaparating e sige subukan n’yo magkaso, 10 taon aabutin ninyo,” sabi ni Buan.
Ayon sa TAG, maraming naapektuhan ng mahabang laban na ito. Marami ang natanggal sa trabaho, marami ang tuluyang tumigil na sa industriya, at may kasamahan silang si James Arce na namatay na noong 2023 at hindi na nakita ang pagkapanalo nila sa kaso ngayon.
Sa inilabas na 2025 World Press Index ng Reporters Without Borders, umakyat sa ika-116 na pwesto ang Pilipinas mula sa ika-134 na pwesto nito noong 2024. Ngunit para sa National Union of Journalist of the Philippines (NUJP), hindi ito nangangahulugang bumuti na ang kalagayan ng mga manggagawa sa midya, lalo na sa aspetong pang-ekonomiko, kung saan madalas ay mimimum wage o mas mababa pa ang kanilang natatanggap.
“Nananawagan kami sa mga manggagawa sa midya na ipagpatuloy ang talakayan hinggil sa kalagayan sa trabaho, kabilang ang sahod, seguridad sa trabaho, at kaligtasa. Hinihimok din namin sila na mag-organisa para sa pagtutulungan, pagpapalakas ng sentimyento sa newsroom, at pakikilahok sa mga kampanya kaugnay ng mga usaping ito,” pahayag ng unyon sa Ingles.
Iba pang isyu sa industriya
Sa tala ng NUJP noong 2025, umabot ng 177 ang bilang ng mga paglabag sa malayang pamamahayag simula nang manungkulan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Mataas ito ng 39% kaysa sa parehong panahon sa ilalim ni Rodrigo Duterte. Kahit na kabi-kabila ang pahayag ni Marcos Jr. tungkol sa pagprotekta sa midya ng bansa, hindi ito ganap na naisasakatuparan.
Nitong Ene. 22 lang, hinatulang guilty ng Tacloban Regional Trial Court ang mamamahayag na si Frenchie Mae Cumpio at ang manggagawang simbahan na si Marielle Domequil sa kasong terrorism financing. Haharap sila sa pagkakakulong na tatagal nang 12 hanggang 18 taon.
Inaresto si Cumpio noong Peb. 7, 2020 pagkatapos magsagawa ng reyd ang mga pulisya sa kanyang bahay at makitaan umano ng granada, baril at bandilang komunista sa kanyang higaan.
Tinaguriang “travesty of justice” ng mga grupo sa karapatang pantao ang kaso ni Cumpio dahil anila wala itong matibay na basehan. Dagdag nila, biktima si Cumpio ng red-tagging ng estado.

Nagsisilbi bilang executive director ng Eastern Vista at radio news anchor ng Aksyon Radyo-Tacloban DYVL 819 si Cumpio. Dati rin siyang coordinator ng College Editors Guild of the Philippines-Eastern Visayas at patnugot ng UP Vista, pahayan ng mga mag-aaral ng University of the Philippines Tacloban.
Bukod sa ilegal na pagkakakulong, hinaharap din ng mga mamamahayag ang mga banta sa kanilang kaligtasan.
Nakatanggap ang News5 reporter na si Gary de Leon ng mga pagbabanta na papatayin siya matapos niyang iulat ang kaso ng mga nawawalang mga sabungero. Sinabi niya na pinagbantaan siya ni Julie “Totoy” Patidongan matapos niyang lumapit sa whistleblower at sa mga abogado para sa kanyang ginagawang ulat.
Ganito rin ang naging karanasan ni Emil Sumangil na nag-uulat din ng parehong isyu. Ibinahagi niya sa kaniyang guesting sa Fast Talk With Boy Abunda na halos araw-araw siyang nakatatanggap ng pagbabanta sa kaniyang kaligtasan.
Hanggang ngayon, malaking isyu pa rin sa industriya ang sapat na pasahod.
Sa pahayag na inilabas ng NUJP nitong Ene. 12, ibinahagi nilang nalaman nilang marami ang mga nagtatrabaho sa industriya ang hindi nabibigyan ng sahod o kaya’y naaantala.
Sinabi nila ito kasabay ng pahayag nilang nananawagan ng seguridad sa trabaho pagkatapos mamatay si Armelito “Itoh” Son ng Saksi Ngayon habang nagko-cover ng Traslacion 2026 sa Maynila. Ayon sa ulat, may flu-like symptoms na si Itoh noong pang Pasko ngunit patuloy pa rin sa pagtatrabaho.
Ayon sa NUJP, napipilitan ang mga nagtatrabaho sa midya na umabot sa ganitong punto dahil sa hindi sapat na pasahod.
Kinahaharap din ng midya ang impunidad.
Nitong Ene. 24 lang, umabot na ng 15 taon simula nang patayin ang brodkaster na si Gerry Orgeta sa Puerto Princesa City, Palawan. Hanggang ngayon, hindi pa rin nakakamit ang hustisya sa pagpatay.
Binaril si Ortega noong 2011 ilang sandali matapos ang kanyang programa sa radyong “Ramatak.” Kasalukuyang nililitis ang dating gobernador ng Palawan na si Joel T. Reyes ngunit mabagala ang pag-usad ng kaso.
Ginunita rin noong 2025 ang ika-16 na anibersaryo ng Ampatuan Massacre na tinaguriang “single deadliest attack on journalists in modern history” dahil 32 mamamahayag ang pinaslang.
Kung tutuusin, higit na nangingibabaw ang mga suliraning kinahaharap ng industriya ng midya kaysa sa mga tagumpay nito tulad ng pagkapanalo ng TAG sa mahigit isang dekada nilang pakikibaka.
Pero ang mga hamon ng industriya ang paniguradong magsisilbing hamon para sa mga manggagawa na patuloy na maniwala, lumaban at kumilos.
“Walang labang madali. Pero marami nang success stories. Marami nang precedent. Dumagdag pa kami. Hindi kayo nag-iisa,” sabi ni Buan.