Media Makers

Opinion: Madilim ang kinabukasan ng mga migranteng Pilipino


Sa  unang dalawang taon ni Pangulong Benigno Aquino III, nananatiling madilim ang kinabukasan ng mga migranteng Pilipino. Araw-araw, mahigit kumulang 4000 Overseas Filipino Workers (OFW) ang lumalabas ng bansa upang makipagsapalaran at maghangad ng mabuting buhay para sa kanilang mga pamilya. Ang sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis, bilihin, kasabay ng kawalan ng trabaho […]

Sa  unang dalawang taon ni Pangulong Benigno Aquino III, nananatiling madilim ang kinabukasan ng mga migranteng Pilipino.

Araw-araw, mahigit kumulang 4000 Overseas Filipino Workers (OFW) ang lumalabas ng bansa upang makipagsapalaran at maghangad ng mabuting buhay para sa kanilang mga pamilya. Ang sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis, bilihin, kasabay ng kawalan ng trabaho at mababang pasahod ang nagtutulak sa kanila upang mangibang-bayan.

Ngunit ano nga ba ang buhay na naghihintay sa kanila sa ibang bayan?

Talamak na contract violations, maltreatment, illegal recruitment at human trafficking ang ilan sa mga kinakaharap nila doon. Katunayan, tumaas naman ang bilang ng mga bangkay ng mga OFW na inuuwi sa bansa. ngayong panahon ni Aquino, umabot ito sa 10 – 15 bangkay kada araw, mula 6 – 10 na bangkay.

Ginagawa ring negosyo ng pamahalaan ang pagpunta nila sa ibang bansa sa pamamagitan ng pagsingil ng matataas na bayarin. Kamakailan lamang ay nagtaas ng 200 porsyento ang singil sa PhilHealth. Sa bawat OFW na lumalabas ng bansa, umaabot sa P20,000 ang kailangan nilang ibayad sa pamahalaan – ngunit hindi naman ito nasusuklian ng makabuluhuang serbisyo.

Sa ilalim ng pamumuno ni Aquino, tatlong OFW ang binitay sa China. Mahigit 100 din ang nakapila sa death row at may 700 ang nakakulong sa ibang bansa. Sa mga kasong ito, walang tulong ligal na naihahain ang pamahalaan.

Ganito na lang ba ang bukas para sa mga bagong bayani?

Ipinababatid lagi ng estado na sa mga OFW lamang nakasandig ang ekonomiya ng bansa. Patuloy nitong ipinapatupad ang Labor Export Policy, na sa katunaya’y hindi naman tumutugon sa problema ng kawalan ng hanapbuhay sa bansa.

Sa halip na itulak ng rehimeng US-Aquino na mangibang-bayan ang mga mamamayan, tanging sa pagkakaroon ng nakabubuhay na pasahod at pagtataguyod ng pambansang industriyalisasyon at tunay na reporma sa lupa masusolusyunan ang suliranin ng kakulangan ng trabaho. Sa ganitong diwa, isang kasinungalingan na hindi kayang makatatayo sa sariling mga paa ang bansang Pilipinas.

Trabaho sa Pinas, hindi sa labas!

Makabuluhang dagdag sahod, ipatupad!

Labor Export Policy, Ibasura!

Itaguyod ang Pambansang Industriyalisasyon at Tunay na Reporma sa Lupa!