Mga obrero ng malaking hardware nagwelga


Nagwelga ang mga manggagawa sa warehouse ng Co Ban Kiat Hardware, Inc. sa Tambo, Paranaque upang igiit na maibalik ang 103 regular at kontraktuwal na mga manggagawang diumano’y ilegal na tinanggal ng manedsment. Ang Co Ban Kiat Hardware ay supplier ng maraming mga hardware sa buong bansa at pinakamalaking supplier ng Ace Hardware. Ayon sa […]

Pagtirik ng welga ng mga manggagawa ng Co Ban Kiat Hardware, Inc. (Macky Macaspac)
Pagtirik ng welga ng mga manggagawa ng Co Ban Kiat Hardware, Inc. (Macky Macaspac)

Nagwelga ang mga manggagawa sa warehouse ng Co Ban Kiat Hardware, Inc. sa Tambo, Paranaque upang igiit na maibalik ang 103 regular at kontraktuwal na mga manggagawang diumano’y ilegal na tinanggal ng manedsment.

Ang Co Ban Kiat Hardware ay supplier ng maraming mga hardware sa buong bansa at pinakamalaking supplier ng Ace Hardware.

Ayon sa pangulo ng Co Ban Kiat Hardware Warehouse Workers Union, na si Regie Lumauag, naghain sila ng notice of strike sa National Conciliation and Mediation Board (NCMB) at itinayo ang welga dahil sa reklamong illegal dismissal, illegal lock-out at union busting.

Sinabi pa ni Lumauag na walang basehan ang pagtanggal sa regular at kontraktuwal na mga manggagawa. Itinaon din ng manedsment ang pagtanggal sa kanila noong Mayo 3, araw na kung kailan kinilala ng Deparment of Labor and Employment (Dole) na lehitimo ang kanilang unyon.

Malakas ang paniniwala ng mga manggagawa na ang pagtanggal sa kanila ay dahil sa pagbubuo nila ng unyon. Matagal na rin umanong may planong tanggalin ang regular na mga manggagawa at palitan sila ng mga kontraktuwal.

Nagwelga ang mga manggagawa sa Co Ban Kiat, pinakamalaking supplier ng mga hardware sa buong bansa.  Inasukahan ng mga manggagawa ang manedsment ng illigal dismissal, illigal lock-out at union Busting. (Macky Macaspac)
Nagwelga ang mga manggagawa sa Co Ban Kiat, pinakamalaking supplier ng mga hardware sa buong bansa. Inasukahan ng mga manggagawa ang manedsment ng illigal dismissal, illigal lock-out at union Busting. (Macky Macaspac)

“Itinayo namin ang welga dahil sa walang batayang pagtanggal sa amin. Matagal na naming nababalitaan na ngayong taon na ito ay tatanggalin ang mga tulad kong regular na manggagawa. Kaya binuo namin ang unyon para maprotektahan ang aming mga trabaho, pero ang ginawa ng kompanya (ay) tinanggal kami,” paliwanag ni Lumauag.

Bukod sa pagtanggal sa kanila, inirereklamo din ng mga manggagawa ang mababang pasahod sa kanila, pagpapatupad ng 5-5-5 (labor only contracting, lima-limang buwan ang kontrata), paglipat sa mga manggagawa sa ibang ahensiya o departamento at ginagawang kontratuwal, pagtanggal sa mga manggagawa na hindi dumadaan sa due process, at iba.

Sinabi pa ni Lumauag na anim na taon na siyang regular sa kompanya pero ang sinasahod niya ay P426 lamang.

“Dinagdagan nila ang sahod namin ng piso noong Hunyo ng nakaraang taon, pero malaki naman ang kinakaltas na buwis sa amin,” aniya.

Hindi rin nila alam kung nareremita nga ang buwis na kinakaltas sa kanila. Mula Abril 30, hindi na rin pinapasok si Lumauag dahil tinanggal siya ng manedsment sa kasong dishonesty, na ayon kay Lumauag ay walang katotohanan.

“Kinasuhan nila ako ng dishonesty dahil nag-under time ako noong Abril 27. Pero bago ako nag-under time, sumulat ako at inaprubahan nila ang request ko. Kaya walang batayan ang kinakaso nila sa akin,” ani Lumauag.

Dagdag niya, wala ring rules and regulation ang kompanya at kung ano ang kagutuhan umano ng manedsment ang siyang ipinapatupad sa loob ng warehouse.

Sa naganap na welga, humarap at nakipagdiyalogo sa mga manggagawa ang ilang kinatawan ng manedsment na sina Lorna Uri at Lourdes Chua, nangako ang mga ito na ipapaabot ang karaingan ng mga manggagawa sa manedsment, ngunit tumanggi naman silang makipanayam sa Pinoy Weekly.

Ang Co Ban Kiat Harware, Inc. ay pag-aari ni Johnny Cobankiat na nasangkot sa kasong ismagling noong 2009.