Cooking shows at K-12


tala sa cooking shows at ang programang K-12

tala sa cooking shows at ang programang K-12

 

Napapanood ako ng cooking shows hindi dahil gusto kong magluto.  Natitiyak kong hindi rin edukasyong kaalaman ang dahilan kung bakit popular ang genre na ito sa telebisyon, na aktwal na magluluto ang manonood pagkatapos tumunghay.  Popular ang cooking shows dahil sa pagbuyanyang ng popular na konsepto ng “posibilidad.”

Ang ipinapalaot na konsepto ng posibilidad ng networks ay isang anyo ng transcendence (o pag-igpaw) sa pang-araw-araw na buhay.  Sa cooking shows, ang pagtunghay sa mas masarap na ulam, elaborate na sangkap at preparasyon, First World na kusina kundi man setting (beach front, resort, restaurant), at modalidad ng pagkain (maayos na kubyertos, may napkin, matched na plato’t gamit).

Kung ito ay travel cooking show pa nga, ang posibilidad ng paglalakbay sa ibang espasyo, lugar at bansa.  Sa programang Bizarre Foods, ang posibilidad ng novelty—pinaghalong tapang ng loob, anxiedad, at pikit-mata, halimbawa pero pawang saykosomatiko—na kainin ang hindi ordinaryong kakainin.  Sa reality television na Fear Factor, ang pag-ako ng moral dilemma, na nakapostura sa isang posibilidad:  kakainin ba ang bayag ng kambing, buhay na bulate o balut para sa libo-libong premyo?

Ang K-12 na programa ni Noynoy Aquino ay isa ring pagtunghay sa posibilidad—bilang napag-iwanang bansa sa global na panuntunan ng 12 taon para sa batayang edukasyon, ang Filipinas ay may posibilidad na umalagwa na’t marealisa ang pangako ng kumpletong taon sa edukasyon.  Ang realidad, wala pa ring malinaw na kabuuang plano, lohistiko para sa implementasyon, at ang epekto sa kolehiyo.

Ang tanging naririyan sa K-12 ay ang bisyon—ang umagapay sa global na panuntunan.  Dahil sa kasalatan ng resources, maging ang deprioritisasyon ng edukasyon at ang hindi matinag na prioritisasyon sa defense spending at debt servicing sa pambansang budget, ang bisyon ay nananatiling isang aparisyon:  imposibleng makamit at ang pinanghahawakan lamang ay ang salita ng mga nakakita’t nakakakita sa imahen.

Ang cooking shows ay nagtatagumpay sa paglikha ng virtual na mundo ng pagdanas.  Wala tayo sa England, hindi kumakain ng limang kilong hamburger sa Chicago, pero parang nandoon tayo.  Sa katunayan, pinakamaganda pa nga ang posisyon ng manonood kaysa sa mga kasama ng host chef, natutunghayan niya ang nasa balikat ng chef, pati na rin ang pinakamagandang anggulo ng pagluluto o pagkain.

Pero wala siya roon kahit pa best shots at angles ang kanyang pinapanood.  Nasa sala o kwarto siya, nanonood matapos kumain ng regular na pagkain sa tanghalian o hapunan.  Maaring makumbinsi na subukang magluto, kundi man tangkilikin ang restaurant na ineendorso ng cooking show.  Sa kanyang aktwal na mundo, ang manonood ay salat sa kondisyon ng posibilidad na inaalok ng cooking shows, pero nananalig na baka naman.

Na sa hinaharap ay baka naman maenganyo, makayanan, magkaroon ng lakas ng loob, magkaroon ng sigla, magkaroon ng pambili.  Na ang “baka naman” ay isa ring posibilidad o posibilidad na may posibilidad, ang akto ng dobleng positibisasyon ng bagay at karanasan, at kung gayon, ang netong efekto ay isang negasyon—ang pagsasawalang-bisa ng pagnanasa at pagkilos tungo sa mobilidad.

Ang K-12 ay may ganitong netong efekto rin.  “Baka naman” dahil wala na tayong magagawa, naipolisiya na, makakabuti naman, sa wakas ay nakasunod din ang bansa sa global na panuntunan sa edukasyon.  Pero sa kawalan ng bisyon at kabuuan, ang ginagawa ng serialisadong taunang pagpapatse ng K-12 at ang periodikong reimbensyon sa sistemang edukasyon ay gawin tayong regular na manonood.

Pero tulad sa cooking shows, walang pangako na kahit na panoorin ang kabuuan ay hahantong ang aktwalidad ng posibilidad.  Ang mangyayari nga lamang ay ang posibilidad ay magiging higit na malayong posibilidad, at kung gayon, tila sado-masokistang pagturing na “baka naman” mataas na uri ng bagay at karanasan ang pinagnanasaan ng posibilidad.

Ang katotohanan, ang posibilidad sa cooking shows at K-12 (sa kasalukuyan nitong estado) ay isang virtualisasyon ng karanasan at pagnanasa:  mula sa labas, tumanaw tayo sa loob, at mula sa virtual na posisyon sa loob, may iba tayong higit na magandang natatanaw sa labas (na wala naman doon), ang sinasambit sa ofisyal na diskurso ng isang mas maunlad at marangyang kinabukasan.  In the meantime, ang mga nakikinabang ay higit na nagkakaroon ng pagkakataong kumita at mamolitika.

Tulad ng feel good na pagsasara ng segment sa cooking shows, walang ibang pakiwari ang isinasaad sa pagtatapos ng implementasyon sa K-12:  ang temporal na pag-angat at estatiko dahil nakapagtapos din ang mga mag-aaral at anak.  Ang kasalatan ay naiibsan ng pagtatapos—kahit dagdag pa sa pinakamasahol na kondisyon—para isaisip ang lubos.  Muli’t muli, nareimbento ng estado ang pagpapataas ng pangarap, at ang dagdag na pagpapahirap sa mayoryang mahirap.