Diskriminasyon laban kay Jessica Sanchez sa US, diskriminasyon sa Pilipinas
Hanggang ngayon ay isyu pa ang pagkatalo ni Jessica Sanchez laban kay Phillip Phillips sa “American Idol” bagamat karangalan na para sa Fil-Mexican na singer ang pagpuwesto sa ikalawa sa timpalak. Nais pa ng ibang sektor sa Estados Unidos na pabuksan ang opisyal na tala ng botohan dahil baka umano dinaya si Jessica. Sinukat ang […]
Hanggang ngayon ay isyu pa ang pagkatalo ni Jessica Sanchez laban kay Phillip Phillips sa “American Idol” bagamat karangalan na para sa Fil-Mexican na singer ang pagpuwesto sa ikalawa sa timpalak.
Nais pa ng ibang sektor sa Estados Unidos na pabuksan ang opisyal na tala ng botohan dahil baka umano dinaya si Jessica.
Sinukat ang pagkatalo ni Sanchez sa diskriminasyon sa mga may kulay na lahi dahil kung tutuusin ay hindi naman talaga dugong Amerikana si Jessica kahit ang himaymay ng kanyang kalamnan o ang kanyang genes mismo ay walang susog ng Amerikana.
Nagkataon lang na siya ay produkto ng kanyang mga kaanak na matagal nang naglagi sa Amerika at siyempre’y ang pagsilang niya sa US na nagbigay sa kanya ng karapatan bilang Amerikana.
Pero madalas ay ang panlabas na anyo ang hinuhusgahan ng kanyang kapwa sa pagkiling o pag-atras sa isang tao.
***
Hindi pa nga ba handa ang Estados Unidos sa isang may kulay o kayumangging idolo na sasagisag sa klase ng aliw ng bansang ito?
Kahit na nga ba may kakaibang talento sa pag-awit o sa musika kung hindi naman tunay na Amerikana sa dugo ay hindi na bibigyan ng pagkakataon ng madlang Amerika na maging idolo nila?
Kung gayon ay bakit tayong mga Filipino kung makaangal sa diskriminasyon ng mga puti laban sa mga may kulay, halimbawa’y sa kayumanggi ay hanggang doon na lamang?
Kung ipaglaban natin si Sanchez ay hanggang doon na lamang.
Bonggang-bongga ang pagsuporta ng sangkafilipinuhan kay Jessica noon pa lang na napapasama na siya sa mga unang hilatsa ng paligsahan.
At lalo na naman nang siya ay mapabilang sa Top 3 ng mga kalahok ay lalo pang sumidhi ang pagsilakbo ng damdamin at isip ng mga Pinoy na ibigay-todo na ang pagtangkilik kay Sanchez.
Kahit hindi naman puwedeng bumoto ang mga Filipino sa sistema ng pagpili ng populasyon sa mananalong American Idol ay sagad hanggang sa buto ang pag-ayuda sa kanya.
Lalo pa nga sa pagkataranta sa pagtulong kay Jessica ang mga Filipinong botante sa US at may akses sa pamamaraan ng pagboto sa “AI.”
***
Kung nagagawa nating suportahan nang walang maliw ang mga kababayan natin sa ibang bansa lalo na sa mga pangmasang gawain tulad ng pagkanta, bakit hindi natin ito maisapraktika sa sarili nating bayan?
Bakit nananaig pa rin ang mentalidad na kolonyal o paghanga sa puti at Kanluranin.
Mahalaga rin naman ang pag-angkat ng mga banyagang gamit o produkto para sa kaalaman pero mas maigeng tangkilikin muna ang sariling atin.
Kung nagagawa ito ng buong Amerika sa kanilang mga mang-aawit, bakit hindi natin ito magawa sa sarili nating bakuran?
Mas pinapaboran natin ang kolonyal at imported kaysa sariling atin.
Mas hinahangaan natin dahil sa kaibhan ang mga taga-ibang bansa lalo na at puti samantalang ang mga kababayan natin ay nangungulelat sa sariling bayan kung mga konsiyerto na ng mga taga-ibang bansa ang panonoorin.
Hindi ba’y ito ay isa ring mukha at kahulugan ng
colonial mentality?
Halimbawa, ang naipagkaloob bang pag-hosanna sa Pilipinas kay Jessica Sanchez ay naipagkaloob natin kay Brillante Mendoza nang manalo siya ng Palm d’Or Best Director sa 2009 Cannes International Film festival samantalang ito ay pangunahing karangalan na nakamtan ng isang Filipino sa isang prestihiyosong labanan sa pandaigdig na film festival?
***
Hindi ibig sabihin na mas ligtas, mas iwas-gulo, mas madali ang pag-awit ng isang piyesa ng pag-ibig o pagsintang purorot ni Whitney Houston ay hindi na natin pasasalubungan ng masigabong palakpalan at papupurihan ang mga alagad ng sining na naglalantad ng kabulukan ng isang lipunan o bansa tulad ng Pilipinas sa pamamagitan ng pagpinta ni Mendoza nang napakaganda sa pangit na larawan sa pelikula tungkol isang bahagi ng sosyedad?
Madali lang nga naman ang pagkanta ng awit ng pag-ibig sa kasintahan at ito ang alam ng mas nakararaming mamamayan kaysa paglalantad ng kapangitan ng buhay na sumasalalim sa uri ng pagkatao ng bawat isa at pamahalaan kaya hindi natin nabibigyan nang sapat na pagkilala lalo na nang masa o kahit ng mga naghaharing-uri talaga ang mga progresibong artista.
Ilan lang ang nanonood ng mga obra ni Mendoza kung pagbabatayan ang suportang dapat ilagak para sa kanya at ilang milyon ang nagkakandarapa sa paghanga sa mga tulad ni Jessica Sanchez na nagpapanatili lamang sa nakasanayang kaayusan?