FEATURED

Queer Possibilities of Forgetting | Ang Sarili, Relasyon at Paglimot


Masalimuot ang paglimot, lalo na sa lagay ng bansa sa kasalukuyan at sa laging nakaambang pagsasamantala sa oras ng pagkawaglit ng alaala.

Finding is losing something else.
I think about, perhaps even mourn,
      what I lost to find this.

—“Finding is Losing Something Else,” Richard Brautigan

Sinubukan kong alalahanin ang mga kuwento ni Jao San Pedro sa akin noon, habang binabagtas ang kabuuan ng bagong bukas niyang exhibit. Sa inabot na papel ng mga exhibit staff, naroroon ang buong proseso niya sa pag-alala sa dating karelasyon. Isasalang ang boses nito sa sandamakmak na AI (artificial intelligence) generator—audio file tungong transcription ng mga salita, mga salita sa panibagong aproksimasyon ng boses, boses tungong bagong boses, mga salita bilang digital fingerprint at digital fingerprint bilang bagong mukha ng lumang pag-ibig. “Akala ko mapa,” sabi ni Ryan sa akin, boyfriend ng apat na taon. Malinaw pa sa isipan: hawak-hawak niya ang papel na gabay sa pag-aalala ni Jao, katatapos ikutin ang kuwartong nagsisilid sa mga piyesa.

Sa unang tingin, pagsubok para sa rekonstruksiyon ng unang pag-ibig ang prosesong tinahak ni Jao sa “Willing the Sun to Rise Twice.” Bumubuo ito ng wangis ng pag-ibig ayon sa parteng iniwan nito. Ang paggamit sa audio file at pagpapahaba nito sa rekisitong 30 minuto para tanggapin ng unang AI generator ay parehas sa instinct na patagalin at pahabain ang alaala. Napapahaba ang alaala mula sa punto ng pangyayari hangga’t maaari, lagpas pa sa maaari, depende sa bigat at lalim ng pagtatangi natin dito.

Ngunit hindi lamang sa pagbubuo ng dati, pagtatawag ng luma at pagbabanat ng alaala ang nais tunguhin ng exhibit. Lilitaw sa simula pa lang na tumataya ang mga piyesa para sa espasyo at posibilidad na maaaring maibigay ng paglimot.

Larawan ni Josh Paradeza

Masalimuot ang paglimot, lalo na sa lagay ng bansa sa kasalukuyan at sa laging nakaambang pagsasamantala sa oras ng pagkawaglit ng alaala. Ang daluyong ng mga bagay sa ngayon ay kontra sa malawakang pagkalimot ng kasaysayan at katotohanan. Ngunit nakakalimutan din na ang paglimot ay hindi masama o mabuti, kundi natural na proseso at aspekto ng buhay ng tao.

Estratehiya ang paglimot. Sa mga pagkakataong hindi pa kayang intindihin ng isip ang bigat ng isang pangyayari, susubukan niyang kumalimot sandali, para hindi tuluyang maparalisa ang sarili. Marker din ang paglimot. Hindi na ganoon kalakas ang dagundong ng ilang mapapapait na alaala dahil malayo na tayo rito, o kaya’y nakakagimbal ang pagsulpot nito dahil matagal na sanang lumipas at hindi na dapat sumulpot pa sa kasalukuyan.

Sa bawat pag-alala ay nauubos ang potency ng inaalala—may natural na paglimot. Lumalabo ang hitsura ng imahen, sumasailalim sa iba’t ibang antas at tipo ng refraction na iba pa sa malisyosong distortion.

Ipagpalagay na salamin ang durungawan para matanaw ang alaala, ngunit sa bawat pagtanaw dito ay mangangailangan ng pagbasag sa salamin, at ang paulit-ulit na pananalamin ay pagtingin—sa alaala o sarili—sa patuloy na nagbabagong liwanag. Maihahalintulad ang prosesong ito sa nauubos at nawawaldas na buhay ng materyal na bagay (martilyo, lapis, keyboard, atbp.) dahil sa mismong paggamit at pag-iral. Expended ang buhay ng alaala sa bawat pagtawag sa kanya.

Sa “Portrait of a Lover 1-100” makikita ang pagtawag-pagbasag. Mamumukhaan ng AI ang boses ng lalaki at susubukang alalahanin ang hitsura nito ayon sa ilang patong na refraction. Kung titingnang maigi, hindi na alaala ang tinatawag ng piyesa kundi ang nakalimutan, at ang mga dinaragdag natin para sa puwang ng mga kakulangang iyon.

Ano ngayon ang implikasyon ng willingness sa pagyakap at pagsasailalim ng alaala sa refraction? Kung sa pag-alala ay organikong sumusundot ang paglimot, ano ang ibig sabihin ng kusang pagyakap sa pagpuspos at paglubos ng alaala?

Larawan ni Josh Paradeza

Tala sa artist note ng exhibit, nakikipag-bargain si Jao sa binaries. Namamagitan siya sa 1 at 0, sa pagkakakilanlan ng mundo sa kanya at pagkakakilanlan niya sa mundo, sa dating karelasyon at dating siya, sa mga luma at mga bago.

Sa “Willing The Sun to Rise Twice,” ang proseso ng pag-alala ay karugtong, kaparis at kadalasa’y kaisa ng paglimot. At sa pagitan ng pag-alala at paglimot ay pagbubuo ng espasyo kung saan makikita ng queer na indibidwal ang sarili at kanyang mga relasyon, labas sa linear na dikta ng heteronormative time at mga institusyong umaastang monopolyo ang oras, kuwento at hinaharap ng tao. Sa pagitan ng binaries ay panibagong espasyo.

Sabi ni Judith Halberstam, nabubuo ang queer identities sa pagitan ng pag-alala at paglimot. Pag-alala dahil kailangang alalahanin ang pinagdaanan ng lipunan at kasalukuyang kaayusan nito. Ito ang base o starting point ng articulation ng mundo at ng sarili. Paglimot o pagtalikod dahil kailangang magkaroon ng puwang para sa pagbubuo ng bago.

Gusto kong isipin na higit pa sa identidad ang nabubuo ng espasyong yon, kundi posibilidad, ‘di lamang ng iisang tao o relasyon kundi ng marami pa. Sa pagitan ng pag-alala at paglimot ay may espasyo para sa iba pang posibilidad ng sarili, ng mga malalayang bukas.

Ngayon, inaalala ko ang isang tula ni Richard Brautigan, kasabay ang isa sa mga unang usapan namin ni Jao tungkol sa dati niyang karelasyon. Sinabi niya, kaya niyang tawagin ang lalaki sa pagbabalat ng kiat kiat.

Sinusubukan kong hanapin sa sariling alaala kung naamoy ko ang citrus sa walang humpay na pagdidiliryo ng “Portal 2: Machine.” Sa pagitan ng naglalabong imahen ay naroroon siya, saka mawawala, magbabago, magiging bago at kalauna’y hindi na siya ang susulpot sa mga nagbabagong imahen kundi si Jao, at ako, at ang mga taong naroroon na handang umalala at kumalimot.