Taas-matrikula sa UP sa porma ng nirepasong iskema ng socialized tuition?
Ipinababasura ng mga estudyante ng UP ang iskemang “socialized tuition” sa naturang pamantasan dahil dito umano naidadaan ang taas-matrikula na dulot naman ng kaltas-badyet sa edukasyon

Ayaw tawagin ng administrasyon ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) na taas-matrikula ang nirepasong iskema ng “sosyalisadong pagmamatrikula” rito, pero ito ang giit ng mga organisasyon ng mga mag-aaral sa naturang pamantasan.
Sa protestang isinalubong ng mga mag-aaral ng UP sa Diliman, Quezon City, sinabi nilang mistulang taas-matrikula, o tuition increase, ang pagbago ng pamantayan sa Socialized Tuition and Financial Assistance Program (STFAP).
Sa STFAP, nahahati ang mga estudyanteng nag-aplay rito sa iba’t ibang bracket, sang-ayon umano sa income ng pamilya ng estudyante. Sa enrollment ngayong taon, naglabas umano ng memorandum ang Office of Scholarships and Student Services (OSSS) na nag-uutos sa mga estudyante na magsumite ng mga dokumentong nagpapatunay na di sila bahagi ng Bracket A o millionaires’ bracket.
Ang hindi makakapagsumite ay mapupunta sa Bracket A, para sa mga pamilyang may income na mahigit P1 Milyon.
Kabilang sa rekisito, ayon sa Student Alliance for the Advancement of Democratic Rights in UP (Stand-UP): Ang mga estudyanteng may student number na 2007 hanggang 2010 ay kinakailangang magsumite ng accomplished bracket B certification form at vicinity map.
Samantala, ang mga mag-aaral naman na may student number na 2011 hanggang 2012 ay kinakailangang isama ang Income Tax Return (ITR) o affidavit of unemployment mula sa Bureau of Internal Revenue.
Sa Bracket A, magbabayad ang estudyante ng P1,500 kada yunit. Dating itinakdang default na bracket ng lahat ng mga estudyante ng UP ang Bracket B, na nagbabayad ng P1,000 kada yunit. Sa mga estudyante namang nangangailangan ng mas mababang bayarin kaysa sa nakatkda sa Bracket B, kailangang dumaan sa proseso ng aplikasyong magpapatunay umanong nangangailangan nila ng diskuwento sa matrikula.
Ayon sa Stand-UP, hindi na nalalayo ang halaga ng matrikula sa Bracket A sa nangungunang pribadong mga kolehiyo at unibersidad na nagniningil sa mga mag-aaral para sa tubo.
“Malinaw na isa pa rin itong porma ng pagtataas ng matrikula dito sa UP,” ayon kay Aryanna Canacan, konsehal ng University Student Council.
Gayunpaman, dahil sa proseso at rekisito ng STFAP, nasa 80% ang mga mag-aaral para sa Bracket B na nakareserba sa pamilyang may taunang kita na P500,000 hanggang P1 Milyon. Nasa 11% lamang ang nakakakuha ng “suporta” na inilalaan ng STFAP para sa may mga taunang kita na mababa sa P500,000, ayon pa sa Stand-UP.
“Ito na ’yung epekto ng taun-taong pagkaltas ng badyet sa mga SUC kagaya ng UP, PUP at MSU o Mindanao State University. Napipilitang magtaas ng matrikula ang mga pamantasan dahil sa unti-unting pagtalikod ng gobyerno sa mga batayang serbisyo gaya ng edukasyon,” ayon kay Issa Baguisi, pangkalahatang kalihim ng National Union Students of the Philippines.