Gabriela nakipagkapit-bisig vs korporatisasyon ng pampublikong ospital

July 12, 2012

Nagsilbing human chain ang mga nanay ng Gabriela, at anak nila, sa harap ng DOH compound sa Manila bilang protesta ng grupo sa planong "korporatisasyon" sa di-bababa sa 26 pampublikong ospital. Magdudulot umano ang plano ng lalong kawalan ng akses ng mahihirap sa serbisyong pangkalusugan. (KR Guda)

Nagsilbing human chain ang mga nanay ng Gabriela, at anak nila, sa harap ng DOH compound sa Manila bilang protesta ng grupo sa planong “korporatisasyon” sa di-bababa sa 26 pampublikong ospital. Magdudulot umano ang plano ng lalong kawalan ng akses ng mahihirap sa serbisyong pangkalusugan. (KR Guda)

Naglunsad ng human chain, na koordinado sa iba’t ibang lugar sa bansa, ang grupong pangkababaihan na Gabriela sa harap ng mga pampublikong ospital para ihayag ang pagtutol sa “korporatisasyon” ng pampublikong mga ospital sa bansa.

Sa harap ng tanggapan ng Department of Health at Jose Reyes Memorial Medical Center sa Manila, nagprograma ang daan-daang kababaihan ng Gabriela bago nagkapit-bisig. Anila, hindi nila hahayaan ang administrasyong Aquino na ibenta sa pribadong sektor ang serbisyong pangkalusugan, na tuluy-tuloy na ngang kinakaltasan ng badyet at pinababayaan nito.

Nagkaroon din ng human chain ang maralitang kababaihan sa harap ng Quirino Memorial Medical Center sa Quezon City at Amang Rodriguez Medical Center sa Marikina City.

Ayon sa Gabriela, hirap na nga ang maralitang mga nanay sa pagpapakain sa kanilang mga anak, lalo pang mahirap na makabayad sila sa serbisyong pangkalusugan. (KR Guda)

Ayon sa Gabriela, hirap na nga ang maralitang mga nanay sa pagpapakain sa kanilang mga anak, lalo pang mahirap na makabayad sila sa serbisyong pangkalusugan. (KR Guda)

“Iginigiit namin kina Pangulong Aquino at (DOH) Secretary Enrique Ona na itigil ang paggawa sa pampublikong mga ospital na pinakahuling biktima ng Public-Private Partnerships, na siguradong magdudulot ng mas maraming maternal at infant deaths (pagkamatay sa mga buntis na nanay at/o sanggol), mas maraming sakit, (at) milyon pang kababaihang naghihirap mula sa nagagamot-pero-di-natutugunang mga karamdaman,” sabi ni Joms Salvador, pangalawang pangkalahatang kalihim ng Gabriela.

Itinutulak ng mga alyado ng Pangulo sa Kongreso ang korporatisasyon ng mga pampublikong ospital, para maging episyente umano ang mga ito at makatipid sa gastos ang gobyerno. Kabilang sa mga ipinapanukala ang House Bill 6069 ni Rep. Anthony Rolando Golez Jr. sa Kamara at Senate Bill 3130 ni Sen. Franklin Drilon.

Nagsagawa rin ng human chain ang iba’t ibang tsapter ng Gabriela sa mga probinsiya, katulad ng Gabriela-Negros, na nilalabanan ang korporatisasyon sa Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital sa Bacolod.

Nagpiket naman sa harap ng Southern Philippine Medical Center sa Davao City ang kababaihan ng Gabriela sa naturang lungsod. Naglunsad din ang Gabriela ng mga pagkilos sa harap ng Western Visayas Medical Center sa Iloilo City, Capiz Provincial Hospital sa Roxas City, at iba pa.

Samantala, nakahandang magsagawa rin ng protesta ang mga kawani sa serbisyong pangkalusugan para labanan ang naturang mga plano na gawing korporasyon ang pampublikong mga ospital.

Magsasagawa ng protesta bukas, Hulyo 13, ang mga manggagawang pangkalusugan, kabilang ang Network Opposed to Privatization (NOP), sa harap ng National Kidney and Transplant Institute (NKTI) para ihayag ng sektor pangkalusugan ang pagtutol sa naturang mga plano ng administrasyong Aquino.

Dating administrador ng NKTI si Sec. Ona, at itinuturing niyang ideyal na modelo umano ang NKTI ng mga ospital na pinatatakbo bilang mga korporasyon at kumikita nang malaki. Pero di-hamak na mas mataas ang singil sa mga pasyente sa NKTI kumpara sa ibang pampublikong ospital, ayon sa NOP.

Nagsagawa rin ng human chain ang kababaihan ng Gabriela, kasama ang iba pang grupo, sa harap ng Western Visayas Medical Center sa Iloilo City, para iprotesta ang planong "korporatisasyon" dito. Kasama ang naturang ospital sa 26 na target ng panukalang batas. (Kontribusyon)

Nagsagawa rin ng human chain ang kababaihan ng Gabriela, kasama ang iba pang grupo, sa harap ng Western Visayas Medical Center sa Iloilo City, para iprotesta ang planong “korporatisasyon” dito. Kasama ang naturang ospital sa 26 na target ng panukalang batas. (Kontribusyon)

Paliwanag ni Dr. Julie Caguiat, isa sa mga tagatipon ng NOP, mahihirap ang pinaka-tatamaan ng pagsasapribado ng serbisyong pangkalusugan.

“Hirap na ngang mabuhay ang mga Pilipino na nasa ilalim ng poverty line. Sa isang pribatisadong sistemang pangkalusugan,ang perang dapat ginagastos nila sa pagkain ay pambayad sa halaga ng serbisyong pangkalusugan. Ito ang tutulak sa kanila sa lalong kahirapan at sakit,” ani Caguiat.