Kababaihan

Serbisyong panlipunan, serbisyong pang-iilan


Ginagawang negosyo ang mga eskuwela, ospital at pabahay. Sa tulak ng lokal at dayuhang mga negosyante, ito ang “serbisyong” iginagawad sa atin ng administrasyong Aquino

Piket ng Gabriela sa harap ng tanggapan ng Department of Education noong Hunyo. (KR Guda)
Piket ng Gabriela sa harap ng tanggapan ng Department of Education noong Hunyo. (KR Guda)

Gustung gusto na ni Tristan Santamaria, 15 anyos, na maipagpatuloy ang kanyang pag-aaral sa hayskul. Noong nakaraang taon, kinailangan niyang tumigil sa pag-aaral sa Batasan National High School sa Quezon City, dahil nagkasakit ang kanyang nanay. May nadiskubreng tumor kay nanay noong Agosto nakaraang taon; pagsapit ng Enero namaalam na siya. At dahil nauna nang namatay ang kanyang ama, kay Aling Ilet, 52 anyos, naiwan si Tristan.

Noong nakaraang Hunyo 18, inenrol ni Aling Ilet si Tristan sa dating hayskul niya. Excited si Tristan. Iniwan ni Aling Ilet si Tristan sa eskuwela dahil may kailangan siyang asikasuhin. Pagbalik niya, sabi ng apo, ipinasok daw siya ng eskuwela sa home schooling. Punung puno na raw ang mga klase, at di na maipapasok si Tristan. Tuwing Sabado na lang daw ang pasok ni Tristan, at may mga asignatura na lang na gagawin Lunes hanggang Biyernes.

Si Nanay Ilet (gitna) at ang kanyang apo na si Tristan, naghihintay na makapasok sa loob ng tanggapan ng DepEd para makipagdiyalogo sa mga opisyal ng departamento. (KR Guda)
Si Aling Ilet (gitna) at ang kanyang apo na si Tristan, naghihintay na makapasok sa loob ng tanggapan ng DepEd para makipagdiyalogo sa mga opisyal ng departamento. (KR Guda)

“May mga assignment daw kami sa Science. Sa internet na lang daw hanapin ang sagot,” kuwento ni Tristan sa Pinoy Weekly. Sino ang magtuturo sa kanila? “Turuan na lang daw namin ang sarili namin.”

Ikinagalit ni Aling Ilet ang pagtaboy ng mga administrador ng eskuwela sa kanyang apong gustung-gusto nang mag-aral. Ito lamang ang huli sa serye ng mga krisis na kanyang pamilya. Noong nakaaraang taon, dinala ni Aling Ilet ang kanyang anak na nanay ni Tristan sa East Avenue Medical Center, isang pampublikong ospital. Libre, sa ngayon, ang pagpapagamot sa East Avenue, pero di libre ang mga gamot. Malaki rin ang ginastos nila, bago pumanaw si nanay. Samantala, ang kanilang komunidad sa Batasan, may banta ng demolisyon. Isang National Government Center ang gustong patayuin ng pamahalaan, at sasagasaan ang kanilang mga abang tahanan.

Hirap na rin makaagapay sa nakaraang pagtaas ng presyo ng langis (sa kabila ng mas maliliit na rolbak sa presyo kamakailan) ang asawa ni Aling Ilet, na isang drayber ng taksi. “Kahit na hirap na kami makatustos (sa pag-aaral ni Tristan, at mga anak niya), pinipilit pa rin namin. Ito na lang ang tanging pamanang maibibigay namin sa kanila,” aniya.

Tulad ng milyun-milyong iba pa, ramdam ni Aling Ilet ang mistulang pagtalikod sa kanila ng gobyerno—silang mga maralitang pinagsasamantalahan, naghihikahos sa araw-araw na pangangailangan.

Kasosyo sa negosyo

Ganito ang direksiyong tinahak ng nakaraang mga administrasyon at ng kasalukuyan: Pampublikong ospital na pinatatakbong parang korporasyon; sistema ng edukasyon na nakatuon sa pagluwal ng mura at masusunuring manggagawa; at mga serbisyong dapat ibinibigay ng gobyerno subali’t ipinapasa na sa pribadong sektor.

Lantarang nakasaad sa Philippine Development Plan 2011-2016 ni Pangulong Aquino na Private-Public Partnerships (PPPs) ang centerpiece o pangunahing programang pang-ekonomiya ng administrasyong ito. PPPs ang pakikipag-partner ng gobyerno sa pribadong malalaking negosyong  lokal (minsa’y may dayuhang kapital), para sa pagpapatupad ng mga serbisyong panlipunan at imprastraktura na dati’y (at dapat na) ipinapatupad ng gobyerno lamang.

Sinasaklawan ng planong ito ang programa sa edukasyon, kalusugan at pabahay – mga serbisyong lubhang kailangan ng mga tulad nina Aling Ilet.

Kung tutuusin, di na bago sa bansa ang PPP ng administrasyong Aquino. Marami na ang karanasan ng bansa sa mga iskema ng PPP na build-own-operate, build-develop-operate, buy-build-operate, build-operate-transfer, at iba pa. Ganito ang iskemang pinatupad sa paggawa ng Light Rail Transit (LRT) at  Metro Rail Transit (MRT) sa Kamaynilaan. Dekada ’90 rin napatupad ang pagsasapribado sa serbisyo ng tubig, kuryente at iba pa.

Itinutulak ng pandaigdigang mga institusyong pampinansiya tulad ng International Monetary Fund (IMF), World Bank (WB) at Asian Development Bank (ADB) ang PPP. Sa ulat nito hinggil sa PPP, sinabi ng IMF na mapapaunlad daw ng pagpasok ng pribadong sektor ang serbisyo at maiiwasan ang depesito sa badyet.

Pero malinaw sa naging karanasan ng Pilipinas na lalong di naging abot-kamay sa mga mamamayan ang mga serbisyong pinatatakbo ng pribadong sektor. Halimbawa, nang maisapribado ang serbisyo ng tubig sa Metro Manila, tulad ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) noong 1997, ibayong tumaas ang singil sa tubig sa Metro Manila.

Noong panahon ni Pang. Fidel Ramos, isinapribado naman ang Philippine National Bank at Petron.

Matapos ang sunud-sunod na pagsasapribado ng kuryente at tubig, at pagpasok ng pribadong sektor sa ilang pampublikong imprastraktura tulad ng MRT at LRT, itinutulak naman ng naturang mga institusyong pampinansiya ang PPP sa serbisyong panlipunan.

Ospital at pabahay para kumita

Tulak ng IMF, WB at ADB, na sa katunaya’y kontrolado ng US at ibang mga imperyalistang gobyerno, ang pagsasapribado sa mga ospital at pag-phaseout sa mga ahensiya ng gobyerno na dapat na nagseserbisyo sa publiko, tulad ng mga ahensiya sa pabahay.

Kongreso ngayon ang naging lunsaran ng mga panukalang batas para mapatupad ang mga itinutulak na ito ng naturang mga institusyon. Sa Mababang Kapulungan, inaprubahan noong Mayo 16 ng House Committee on Health ang House Bill 6069 o Hospital Corporatization Bill na panukalang batas ni Bacolod Rep. Anthony Golez Jr. Target ng naturang batas ang mistulang pagsasapribado sa 26 pampublikong ospital sa buong bansa.

Kasama sa nais ng panukalang batas na patakbuhin bilang korporasyon ang pampublikong mga ospital.

Pero bukod dito, matagal nang ipinaplano ng nakaraang mga administrasyon, sa tulak din ng IMF at World Bank, ang pagbenta ng lupaing kinatitirikan ng mga ospital, tulad ng sa Welfareville at National Center for Mental Health. Noong panahon ng administrasyon ni Gloria Macapagal-Arroyo, pinlano rin ang pag-merge ng mga ospital na pinatatakbo bilang pampublikong korporasyon, tulad ng Philippine Heart Center, Lung Center of the Philippines, National Kidney Transplant Institute, Philippine Childrens Medical Center, at East Avenue Medical Center, para gawing isang “Philippine Center for Specialized Health Care.”

Kung natupad ang naturang plano, ni hindi sana naitakbo sa East Avenue ang nanay ni Tristan. Lalong napagastos sana sila sa pribadong ospital, at lalong nahirapan si Tristan na makabalik sa eskuwela.

Samantala, sa Mababang Kapulungan din ipinasa ang panukalang pag-isahin ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno na may ugnay sa pagbibigay ng serbisyong pabahay. Nakatakdang pag-usapan sa Kamara, matapos ang State of the Nation Address (SONA) ni Aquino, ang House Bill 6231, na naglalayong magtatag ng isang “Department of Housing, Planning and Urban Development” at maga-abolish sa iba pang ahensiya at korporasyon ng gobyerno.

Kasabay na itinutulak sa Senado ang Senate Bill 3199 ni Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na counterpart ng nabanggit na DHPUD Bill. Ayon kay Marcos, sa ilalim ng isang sentralisadong ahensiya, maaaring pumasok ang gobyerno sa Public-Private Partnerships, mangutang at humingi ng assistance sa pandaigdigang mga organisasyon (at korporasyon) para sa mga programang pabahay.

Malinaw sa panukalang ahensiyang ito ang pagpasa ng serbisyong pabahay sa pribadong sektor—na walang ibang pakay kundi ang magkamal ng tubo.

Para sa Confederation for Unity, Recognition, and Advancement of Government Employees (Courage), nangangahulugan lamang ito ng pagpawi sa mga serbisyong binibigay ng iba’t ibang ahensiya at pampublikong korporasyon. Bukod pa ito sa panganib sa mga 5,000 empleyado na matatanggal sa trabaho sa naturang mga ahensiya.

Dahil sa bantang ito, nagkakaisa ang malawak na bilang ng mga kawani sa loob at labas ng nanganganib na mga ahensiya. Pahayag ni Rosalinda Nartates, pangulo ng Consolidated Union of Employees-National Housing Authority: “Hangga’t kaya namin, lalabanan namin ang pagpasa ng [DHPUD]. Minamadali ng Kongreso ang pagpasa sa [DHPUD] bilang regalo sa Presidente upang ipagmalaki nito sa kanyang SONA.”

Edukasyon para sa merkado

Aling Erlinda Obligado ng Batasan Hills. (KR Guda)
Aling Erlinda Obligado ng Batasan Hills. (KR Guda)

Magkapitbahay sa Batasan Hills sina Aling Ilet at Aling Erlinda Obligado, 37 anyos, at ina ng apat na nag-aaral pang mga bata. Grade 5 ang panganay na anak na babae ni Aling Erlinda, sa San Diego Elementary School sa Payatas.

“Hinati na nila sa dalawang klase ang mga klasrum. Mahigit 60 estudyante sa isang klase,” sabi niya. Kuwento ni Erlinda, nahihirapang makapokus sa pag-aaral ang kanyang mga anak, dahil sa laki ng klase. Nangangamba rin siya pagkatapos ng Grade 6, dahil mapapasailalim na sa K+12 ang kanyang anak.

“Sa construction lang ang asawa ko. Kahit sa pagkain lang, hirap na kami. May mga panahong natutulog ang mga anak ko na walang laman ang tiyan,” sabi niya, bago napatigil sa pagsalita dahil sa pagkaluha.

Hindi lamang si Aling Erlinda ang kumakaharap sa problemang ito, kundi ang milyun-milyong maralitang mga magulang. Ayon sa Alliance of Concerned Teachers (ACT), di bababa sa P12,000 kada taong dagdag sa pag-aaral ang kailangang bunuin ng mga magulang para mairaos lamang sa batayang edukasyon ang kanilang mga anak. Malinaw sa sitwasyon ngayon—lalupa’t walang makabuluhang dagdag-sahod  sa mga manggagawang tulad ng asawa ni Erlinda—na hindi ito makakayanan ng maraming maralitang magulang.

Gayunman, itinutulak pa rin ito ng administrasyong Aquino.

Tulad ng PPP, pag-abolish sa mga ahensiyang nagseserbisyo at korporatisasyon sa pampublikong mga ospital, dikta rin ng IMF at World Bank ang programang K+12. Ayon sa administrasyong Aquino, bahagi ito ng pagsabay natin sa “pandaigdigang mga istandard” sa edukasyon, nang sa gayo’y makasunod ang Pilipinas sa demands ng merkado sa ibang bansa.

Sa diyalogo ng militanteng grupong pangkababaihan na Gabriela sa Department of Education (DepEd) noong Hunyo 24, sinabi ni DepEd Undersecretary Rizalino Rivera na nakatuon ang K+12 sa paglikha ng mga gradwado na tutugon sa kung ano ang kailangan sa merkado. Katunayan, ang mga kursong vocational na ituturo sa hayskul at karagdagang dalawang taon sa ilalim ng K+12 ay nakatuon sa kung ano ang mga trabahong kailangan sa lugar. Itatakda ng eskuwelahan, lokal na gobyerno at/o ng mga pribadong kompanya o industriya kung ano ang mga trabahong kailangan nila at iyun ang mga vocational courses na ituturo nila.

Kung tutuusin, pasok ang K+12 sa pangkalahatang programa ng gobyerno na ilako ang lakas-paggawa ng mga Pilipino, hindi lamang sa lokal at dayuhang mga kapitalista sa Pilipinas, kundi sa mga kapitalista sa ibang bansa. “Labor export policy” ito, na matagal nang ipinapatupad. Pero ngayon, dahil sa K+12, mas tutugon na ang sistema ng edukasyon sa pangangailangan ng mga negosyo.

Kasabay ng K+12 ang taun-taon ding pagkaltas sa badyet ng edukasyon. Isa sa pinakamalaking kinakaltasan ang tertiary education, o ang State Universities and Colleges (SUCs). Kung sabagay, naisip ng gobyerno, dahil hindi na kinakailangang makatuntong ang kabataan sa kolehiyo para magkatrabaho, mas madali nang bawasan ang badyet sa SUCs.

Dahil sa taunang mga kaltas-badyet na ito, natutulak ang SUCs na maghanap ng pagkakakitaan, para lamang mapanatili ang kanilang mga pamantasan. Sa Unibersidad ng Pilipinas kamakailan, biglang binago ng administrasyon ng UP ang Socialized Tuition and Financial Assistance Program (STFAP) para mas mahirapan ang mga estudyante na makakuha ng diskuwento sa matrikula. Para sa militanteng mga grupo tulad ng Anakbayan at League of Filipino Students (LFS) sa UP, mistulang taas-matrikula ang ginawang ito ng administrasyon.

Samantala, natulak din ang administrasyon ng UP na pumasok sa leasing ng mga lupain ng pamantasan—kahit na ang lupaing ginagamit ng UP Integrated School. Nakipagsosyo ang UP sa Ayala Corporation para sa pagtatayo ng isang “town center” na mistulang mall sa dating lote at magiging karatig ng eskuwelahan.

Pangarap sana ni Aling Ilet na pag-aralin sa kolehiyo si Tristan at ang nakababatang anak niya, sa hinaharap. Pero dahil sa pagsasapribado ng administrasyong Aquino sa mga serbisyong panlipunan, lalong lumalabong makamit ang pangarap na ito ni Aling Ilet at ng milyun-milyong maralitang Pilipino.