Kabataang kababaihan sumugod sa Malakanyang, sinalubong ng dahas
Sumugod sa mismong tarangkahan ng Malakanyang ang mga miyembro ng Gabriela Youth at iba pang kabataan, dalawang araw bago ang Marso 8, Pandaigdigang Araw ng Kababaihan. Inihahayag ng kababaihang kabataan ang kanilang galit kay Pangulong Aquino sa umano’y patuloy na pag-abandona niy sa karapatan ng kabataan sa edukasyon. Pero sinalubong sila ng marahas na pagtaboy […]
Sumugod sa mismong tarangkahan ng Malakanyang ang mga miyembro ng Gabriela Youth at iba pang kabataan, dalawang araw bago ang Marso 8, Pandaigdigang Araw ng Kababaihan.
Inihahayag ng kababaihang kabataan ang kanilang galit kay Pangulong Aquino sa umano’y patuloy na pag-abandona niy sa karapatan ng kabataan sa edukasyon.
Pero sinalubong sila ng marahas na pagtaboy ng mga elemento ng Manila Police District at Presidential Security Group. Pinagtutulak at pinalo ng mga pulis ang mga estudyante. Isa ang sugatan, ayon sa Gabriela Youth, na siyang pangkabataang sangay ng Gabriela.
Dahilan ng pag-aaklas
Sinabi ng Gabriela Youth na sinisingil na nila ang administrasyong Aquino sa “tatlong taon ng walang-tigil na pagkaltas sa badyet (ng edukasyon)”. Dahil umano rito, natutulak ang mga administrasyon ng mga pamantasan na magpatupad ng mga polisiyang kontra-estudyante tulad ng taas-bayarin, polisiyang no permit, no exam, at iba pa.
Nakalapit ng Gate 4 ng Palasyo ang militanteng kabataan, na ginunita ang halos isang taon mula nang magpakamatay si Kristel Tejada, estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas-Manila, dahil sa kakulangan diumano ng pangmatrikula sa eskuwela.
Sa di-deklaradong polisiya ng komersalisasyon sa edukasyon, aktibong inilalako ng gobyerno sa pribadong sektor ang mga lupain at iba pang asset ng pampublikong mga pamantasan. Katulad umano ito ng nangyari sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman, na nagpaupa sa malalaking korporasyon ng mga lupaing para sana sa akademikong mga pasilidad.
Nasa 400 na mga kolehiyo ang inaasahang magtataas ng matrikula at iba pang bayarin sa pagbubukas ng taong pang-akademiko na 2014-2015.
Walang konsultasyon
Sinabi pa ng Gabriela Youth na di nagkakaroon ng demokratikong konsultasyon sa mga unibersidad bago magtaas ng mga bayarin. Lalo lamang umanong umiigting ang represyon sa loob ng pamantasan sa iba’t ibang porma gaya ng hindi pagpapahintulot na mag-aaral na magpahayag laban sa mga polisiyang kontra-mag-aaral.
“Patuloy na naglilingkod ang sektor ng edukasyon sa interes ng pandaigdigang mga kapitalista sa pag-apruba ng calendar shift (sa UP) para tumupad sa economic integration ng Asean (Association of Southeast Asian Nations) sa 2015. Magreresulta isa sa mga programang akademiko na nakadisenyo para maglikha ng maamo at murang (docile and cheap) na lakas-paggawa,” pahayag ng Gabriela Youth.
Nakatakdang magsagawa ng isang malaking kilos-protesta ang kababaihan sa ilalim ng Gabriela sa Marso 8, Pandaidigang Araw ng mga Kababaihan, para singilin ang administrasyong Aquino sa umano’y kriminal na kapabayaan nito sa mga kalamidad at pagtindi ng kahirapan sa bansa.
Iba pang larawan ng naturang kilos-protesta: