Main Story

2024 Budget | Pondo sa serbisyo, binabarat, ipinagdadamot


Tumaas man ang halaga na nais gugulin ng gobyerno, kapansin-pansin naman ang misprayoridad ng administrasyon sa popondohang mga programa sa susunod na taon.

Una sa dalawang bahagi

Tumataginting na P5.768 trilyon ang panukalang pambansang badyet sa 2024. Ito rin ang unang badyet na buong plinano ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Kumpara sa badyet para sa kasalukuyang taon na P5.268 trilyon na plinano ng nagdaang rehimen ni dating pangulong Rodrigo Duterte noong unang hati ng 2022, mas mataas ng P500 bilyon ang hinihinging pondo ng gobyerno.

Sa kabila ng patong-patong na krisis, walang makabuluhang dagdag na pondo sa mga programang pantawid sana ng mamamayan kasabay ng mababang pasahod at nagtataasang presyo ng bilihin.

Edukasyong ipinagkakait

Bagaman tataas ang pondo ng sektor ng edukasyon sa P924.7 bilyon mula sa P895.2 bilyon, kapansin-pansin na tila hindi naman napupunta para sa kapakanan ng mga mag-aaral ang pondo.

Sa pagbubukas ng klase ngayong taon, kitang-kita ang mga kakulangan ng mga pampublikong paaralan.

Ayon sa datos ng Department of Education (DepEd), nasa 159,000 ang kulang na klasrum nitong pasukan. Tumaas ito mula sa 91,000 noong nakaraang taon.

Maliban sa mga silid-aralan, kulang din ang bilang ng mga guro at iba pang kawani sa mga pampublikong paaralan. May mga klase na umaabot ng 52 ang estudyante kumpara sa 1:35 na istandard teacher-to-student ratio ng DepEd. Kulang din sa mga guidance counselor dahil may isang guidance counselor lang sa bawat 500 mag-aaral.

Sa katunayan, imbis na pagtuunan ng pansin ang karagdagang pondo, puro kaltas ang napala ng mga serbisyo’t tulong sa mga mag-aaral.

Mas maliit ng 36% ang pondo parang Senior High School Voucher Program o katumbas ng P14 bilyon ang mawawala. Napakaliit naman ng itinaas ng Educational Service Contracting na nadagdagan lamang ng P39.3 milyon.

Tulong pinansyal ang dalawang programang ito ng DepEd upang makapasok sa pribadong paaralan ang mga mag-aaral na hindi na kayang tanggapin pa sa mga pampublikong paaralan dahil sa dami ng estudyante.

Kapansin-pansin din na hindi nadagdagan ang mga teaching position at pondo sa dagdag-suweldo sa mga guro sa susunod na taon. Sa kasalukuyan, sumusuweldo lamang ng P27,000 kada buwan ang mga Teacher I o entry-level na guro.

Sa mga state university and college (SUC) naman, gusto pang ipagdamot ni Finance Secretary Benjamin Diokno sa mga mag-aaral ang libreng matrikula na kanilang ipinaglaban.

Ayon kay Diokno, “hindi mabisa at aksaya” lamang ang pondo sa libreng edukasyon sa mga SUC dahil kulang ang salapi ng gobyerno at kailangan daw na magbigay ng mas malaking pondo ang basic education.

Pinagbabangga ni Diokno ang basic education at kolehiyo na pareho namang nangangailangan ng pondo. Nais din ni Diokno na irepaso ang batas na nagbibigay ng libreng edukasyon sa kolehiyo dahil malaki raw ang nasasayang na pondo dito. 

“Nabanggit naman sa SONA (State of the Nation Address) na nais nating [tugunan] ang learning recovery. Ibinida pa ang libreng edukasyon. Kung nais natin ‘to at ang kabuuang pag-unlad ng mga kabataan, non-negotiable po ang pagiging karapatan ng edukasyon,” ani Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel sa kanyang privilege speech sa Kamara.

Ngunit ngayon pa lang na hindi pa narerepaso ang Republic Act 10931 o Universal Access to Quality Tertiary Education Act, makakatikim na ang 30 SUC na may kabuuang kaltas na P6 bilyon.

Ilan dito ang University of the Philippines System, Mindanao State University, Mariano Marcos State University, Eastern Visayas State University at Central Bicol State University of Agriculture na makakaltasan ng P1.2 bilyon hanggang P2.9 bilyon sa 2024.

Kalusugang kulang-kulang

Hindi lingid sa kaalaman ng marami ang hagupit ng pandemyang Covid-19 sa sistema ng pampublikong kalusugan sa bansa. Kapos na kapos ang mga pampublikong ospital sa pondo at tauhan upang tugunan ang umaapaw na dami ng mga tinamaan ng Covid-19.

Ngunit sa kabila nito, ‘di pa rin prayoridad ang serbisyong pangkalusugan pagdating sa pondo.

Malaking bahagi ng pondo ng Department of Health (DOH) ang napupunta sa Health Facility Operations Program (HFOP) kung saan kinukuha ang pondo para sa mga ospital, blood center, pambansang laboratoryo at drug abuse treatment and rehabilitation center na pinamamahalaan ng DOH.

Magkakaroon ng kabuuang kaltas na P10 bilyon ang mga DOH-retained hospital sa buong bansa. Kabilang dito ang apat na specialty hospital tulad ng Lung Center of the Philippines, National Kidney and Transplant Institute, Philippine Children’s Medical Center at Philippine Heart Center.

May kaltas din ang mga rehiyonal na ospital kasama ang Mariano Marcos Memorial Hospital and Medical Center sa Ilocos Norte, Eastern Visayas Regional Medical Center sa Tacloban City at Southern Philippines Medical Center sa Davao City.

Sa kanayunan, hirap pa rin ang mga Rural Health Unit (RHU) at health center dahil malaki ang populasyong kailangang paglingkuran. Umaabot sa 41,477 katao ang pinagseserbisyuhan ng bawat isang health center sa bansa batay sa datos ng DOH noong 2022.

Hindi na nga sapat ang serbisyo sa mga malalayong lugar, bumaba pa ang pondo ng mga RHU ng 36% at natapyasan din ang pagpapatayo ng mga bagong RHU at Super Health Center ng 64.3%.

May malaking tapyas din na P2.58 bilyon ang Public Health Program ng DOH na pinagkukunan ng pondo para sa mga bakuna, family planning at gamot para sa mga pasyenteng may Human Immunodeficiency Virus, tuberculosis, cancer at iba pang sakit na kasama sa programa.

Mahihirapan pa rin ang mga mahihirap na pasyenteng magpagamot dahil kakaltasan ng P10.4 bilyon ang Medical Assistance to Indigent and Financially-Incapacitated Patients Program.

Katulad sa pampublikong paaralan, wala ring mga dagdag na posisyon at dagdag-sahod para sa mga manggagawang pangkalusugan. Tinapyasan pa nga ng badyet para sa sahod ang 14 na ospital ng DOH.

Serbisyong binabarat

Bagaman bahagyang humupa ang implasyon batay sa datos ng gobyerno, kapos na kapos pa rin ang maraming mamamayan dahil sa mataas na gastusin sa mga batayang pangangailangan.

Napakaliit ng mga inapruhang dagdag-sahod sa mga manggagawa at kulang na kulang ang ayudang ibinibigay ng pamahalaan upang maibsan ang paghihirap ng mamamayan. Kulang na nga ang ayuda, babawasan pa ng pondo.

Sa susunod na taon, tatapyasan ang maraming programa sa ilalim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). May dagdag mang badyet para sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na P10.2 bilyon, hindi rin ito makahabol sa nagtataasang presyo ng mga bilihin at serbisyo.

Isa lang ang 4Ps sa maraming programa ng DSWD. Nadagdagan man ito, may kaltas naman sa marami pang programa.

P16.8 bilyon ang kaltas sa Assistance to Individuals in Crisis Situation, P1.1 bilyon sa Supplementary Feeding, P948 milyon sa Disaster Response and Management, P837 milyon sa Sustainable Livelihood at P500 milyon sa Quick Response Fund.

Babawasan naman ng P6.4 bilyon ang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (Tupad) na programa ng Department of Labor and Employment para mabigyan ng hanapbuhay ang mga biglang nawalan ng trabaho, seasonal worker at underemployed. Binibigyan din ng programa ng training ang mga benepisyaryo upang makahanap ng bagong mapapasukan.

Hindi rin nakaligtas ang programa para sa mga migranteng manggagawa. May tapyas na P69 milyon ang Overseas Employment and Welfare Program ng Department of Migrant Workers at P6 milyon sa Social Welfare for Distressed Overseas Filipinos and Trafficked Persons ng DSWD.

Sa agrikultura, kahit na kalihim na ng Department of Agriculture si Marcos Jr., mukhang walang maaasahan ang mga magsasaka na signipikanteng tulong sa produksiyon. Sa harap ng krisis sa pagkain, walang makabuluhang hakbang ang pamahalaan para tugunan ang panawagan na palakasin ang lokal na produksiyon.

Kakarampot ang 1.9% na dagdag na badyet sa National Rice Program na nasa P 30.9 bilyon at 5.1% sa National Corn Program na nasa P5.3 bilyon. Napakaliit din ng pondo sa Organic Agriculture Program na P921.9 milyon at bumaba pa ng 7.6% ang badyet para sa National Livestock Program na nasa P4.3 bilyon.

Walang dagdag na pondo ang fuel assistance na mananatiling nasa P510.4 milyon sa mga magsasaka at P489.6 milyon sa mga mangingisda sa kabila ng mataas ng presyo ng mga produktong petrolyo.


Kitang-kita na hindi prayoridad ng panukalang badyet ng administrasyon sa susunod na taon na magbigay ng sapat at maayos na serbisyo sa mamamayan.

Sa gitna ng mga krisis na kinakaharap ng taumbayan, tila sa ibang mga bagay na hindi pakikinabangan ng mamamayan pa mapupunta ang mga dambuhalang pondo.

Hihimayin natin ang mga kontrobersiyal na pondo sa susunod.

Basahin ang ikalawang bahagi