Boy gala! Travel budget ni Marcos Jr., doble sa 2024
Mula sa P670 milyon noong 2023, naging P1.4 bilyon na sa taong ito o 108% na pagtaas. Kapansin-pansin din ang astang gastador ng pangulo sa gitna ng mga problema sa loob ng bansa.
Wala pang dalawang taon, nakalipad na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nang 17 beses sa kung saan-saang bansa. Asahan nating lalo pang dadalas ang kanyang mga biyahe ngayong 2024 dahil dinoble ang pondo para sa mga biyahe palabas ng bansa.
Mula sa P670 milyon noong 2023, naging P1.4 bilyon na sa taong ito o 108% na pagtaas.
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), gumaganansiya naman daw ang bansa sa mga kasunduang nabubuo ni Marcos Jr. para sa ekonomiya.
“Itong mga investment, iyong napinal na at pinipinal pa, ay makikita sa sektor ng manupaktura, information technology, renewable energy, data centers at telecommunications,” sabi ng PCO.
Sa pinakahuling tala ng Department of Trade and Industry (DTI), nakalikom na ng P4.019 trilyon na investment pledges si Marcos Jr.
Ngunit hirit ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro, “very lavish” ang madalas na pagbiyahe ng pangulo. “Napakarami naman ang dinalang tao sa Switzerland [para sa World Economic Forum noong Enero 2023] considering na napakamahal ng mga hotel at saka cost ng transportation, food, etc.”
Opisyal na trabaho man ang ipinunta ng pangulo, kapansin-pansin ang magagarbong lakwatsa kasama ang buong pamilya, mga miyembro ng gabinete at iba pang mga opisyal, negosyante at personalidad na wala namang opisyal na tungkulin sa biyahe.
Naging tampok din sa lumipas na taon ang makailang ulit niyang pagpunta sa Singapore para manood ng mamahaling Formula 1 na karera.
Noong nakaraang Mayo, sa ikalawang pagdalaw ni Marcos Jr. sa United States, pinili pa ang isa sa mga pinakamamahaling hotel sa Washington, DC. Nasa $7,500 kada gabi ang gastos sa St. Regis Hotel, at sinama pa ng pangulo ang 10 miyembro ng gabinete.
Sunod, nilibre naman ng pangulo sina Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo, House Speaker Martin Romualdez at ang mga bilyonaryong negosyante na sina Enrique Razon Jr., Lance Gokongwei and Sabin Aboitiz sa Fiola Mare, isang mamamahaling restawran na may Michelin star.
Kapansin-pansin ang astang gastador ng pangulo sa gitna ng mga problema sa loob ng bansa. Sa dinami-dami ng Pilipinong kailangang ilikas dahil sa mga giyera, kalamidad o iba pang sakuna, ang pondo naman sa repatriation ang kinaltasan sa taong ito.
Mula P15.3 bilyon noong 2023, bumagsak sa P14.8 bilyon ang pondo para sa tulong sa mga overseas Filipino worker (OFW) na nangangailangan at dapat nang iuwi sa bansa gawa ng emergency.
Patuloy na nananawagan ang Migrante International na dagdagan ang pondo para sa emergency ng OFW at lahat ng kababayang na kailangan ng agarang byahe. Kaya tuloy luting ang “anti-migrante at anti-mamamayan na katangian ng 2024 budget.”