Pluma at Papel

Maita (Ka Dolor) Gomez


nang sumilakbo sa iyong ugat / dugo ng mga sawimpalad / at dumagundong sa iyong puso / hagulhol ng mga dukha / tinalikuran mo, maita, / tanghalan ng balatkayo

nang sumilakbo sa iyong ugat
dugo ng mga sawimpalad
at dumagundong sa iyong puso
hagulhol ng mga dukha
tinalikuran mo, maita,
tanghalan ng balatkayo
itinakwil mo, maita,
ilusyon ng puting telon
mukha mo’y nahilamusan
sa bukal ng katotohanan
upang makitang malinaw
salungatan sa lipunan.

inilantad-nilitanya mo, maita,
inhustisya’t pagsasamantala
ng gahamang diyus-diyosan
ibinandila di lamang kapakanan
ng aping kababaihan
kundi maging sagradong mithiin
ng nilatigong masang mamamayan
nagmartsa ka sa kadensa
ng laksa-laksang mga paa
tinig mo’y umalingawngaw
sa lansangan ng protesta
buong giting na isinigaw:
“ma-ki-ba-ka! hu-wag ma-ta-kot!
“ma-ki-ba-ka! hu-wag ma-ta-kot!”

niyakap mo, ka dolor,
dibdib ng kabundukan
nakipagsayaw ka sa talahib
ng kumalingang kaparangan
perlas mong itinuring
mga hamog sa damuhan
bininyagan-binanyusan
ng matubig na mga linang
ng nagpuputik na kabukiran
damdamin mong nag-aapoy
at hitik sa pagmamahal
sa lupaing umaagos
luha ng dalamhati
ng inaaliping uri.

oo, ka dolor,naging armado
kang mandirigma ng bayan
laban sa mapanikil-malagim
na nagmumultong panahon
ng imbi’t sugapang mga panginoon
mga salot pa rin ng lipunang
namamayagpag hanggang ngayon
ibinilanggo ka man, ka dolor.
at dinusta ng diktadura
parang brilyanteng di natapyasan
o esmeralda pa ring kumikinang
matimyas-dakilang hangaring
magluningning bilyong bituin
sa mukha ng bayan ng dusa’t hilahil.

namaalam ka man, maita,
sa la tierra pobrezang pinakamamahal
at sa anino ng gabi inilulan
ng aliw-iw ng hanging nagdarasal
tumakas na hininga ng pagsinta
sulo ka pa ring magliliyab
sa dibdib ng sawimpalad
muhon ka ring di matitibag
sa lupain ng pakikitalad
kikiwal sa ugat ng mga api’t dukha
alimpuyo ng dugo mong mapanlikha
di mapapawi ng panahon
magiting mong mga gunita
manalasa man ang daluyong
sa burol ma’t kapatagan
bahain man ng delubyo
kanayuna’t kalunsuran
marmol kang monumento
sa puso ng pagbabago.

hanggang inhustisya’y nilulumot
diyus-diyosa’y laging buktot
at tunay na demokrasya’y binabansot
hanggang manggagawa’y alipin
ng grasa’t makina sa mga pabrika
hanggang libingan nitong magsasaka
malawak na bukid na di maging kanya
saan ka man naroroon
si maita ka man o ka dolor
ihahatid ng sagitsit ng kidlat
at nakagugulantang na kulog
himagsik ng tinig mong humihiyaw:
“ma-ki-ba-ka! hu-wag ma-ta-kot!
“ma-ki-ba-ka! hu-wag ma-ta-kot!”