Pagpupugay kay Maita Gomez: ‘Walang masama sa Kaliwa, mabuti ang Kaliwa’

July 14, 2012

Si Maita, sa isang rali kontra sa Bataan Nuclear Power Plant noong huling bahagi ng dekada '80. (Larawan mula sa Gabriela)

Si Maita, sa isang rali kontra sa Bataan Nuclear Power Plant noong huling bahagi ng dekada ’80. (Larawan mula sa Gabriela)

Sa pagkakatanda ko, sa isang artikulo sa Philippines Free Press na nabasa ko sa Bacolod, una kong nakilala si Maita Gomez. Si Quijano de Manila, ang ginamit na pangalan ni Nick Joaquin sa kanyang mga isinusulat sa Free Press, ang sumulat ng artikulo tungkol kay Maita pagkatapos siyang mahirang na Miss Philippines. Bukod sa maganda (isa siya sa Manila’s Five Prettiest noon na featured din sa Free Press), lumitaw na matalas at matalino si Maita. Maalam sa mga nangyayari sa pulitika ng bansa. Beauty and brains, ika nga. Nang tinanong siya ano ang posibleng kinabukasan para sa kanya, ang naging sagot niya ay Pangulo ng Pilipinas!

Sa UP Diliman, isa sa campus beauties si Maita—matangkad, balingkinitan at napakaganda ng mukha. Madalas sa bandang Pavilion 1 ko siya nakikita dahil pre-med (pre-medicine course) yata ang kanyang kurso. Siyempre, hindi kami tuwirang nagkakilala noon. Alta-sosyedad ang kinabilangan ni Maita—hindi lang dahil sa angking ganda, modelo ni Pitoy Moreno, laman ng “society pages” (ngayon ay lifestyle pages na kuno) kundi galing sa pamilyang hacendero na taga-Pangasinan. Kung napukaw man siya ng kaganapan ng First Quarter Storm ng 1970 o ng UP Commune ng 1971, hindi siya naging bahagi ng aking nilanguyan na organisasyon. Aletheia yata ang una niyang sinalihang makabayang organisasyon.

Panahon na ng batas militar nang nagkasama kami ng mga ilang araw sa kanayunan. Alamat na si Maita—ang beauty queen na niyakap ang pambansa demokratikong kilusan at piniling mag-underground para labanan ang diktadurang Marcos. Sa kanayunan, kung saan ang parachute na itim na ginawang pantalon ang unisex na gamit, designer pants ang dating ng mga ito kapag si Maita ang may suot.

Ka Dolor ang pagkakakilala kay Maita ng mga magsasaka sa isang baryong matagal-tagal na kanyang tinigilan. Nang napunta ako roon, may katagalan nang nailipat si Maita sa ibang larangan. Pero maraming kuwento ang mga tagaroon sa kanya. Inalagaan siyang mabuti ng samahan ng magsasaka at ng samahan ng kababaihan dahil mahusay ang kanyang pakikisalamuha sa kanila. Mabilis siyang ikinukubli kapag may dumarating na hindi tagaroon dahil pansinin nga ang kanyang anyo. Ang misteryo ng katauhan ni Ka Dolor ay nadiskubre nang sa pamimili ng mga tagabaryo sa poblacion, ang nakabalot sa biniling tuyo na dilis ay cover ng isang lumang magasin na si Maita ang nakalarawan.

Si Maita, bilang modelo (Kuha mula sa blog na http://spiritnichristian.wordpress.com/)

Si Maita (pangalawa mula sa kaliwa) bilang modelo (Kuha mula sa blog na http://spiritnichristian.wordpress.com/)

Pagkatapos ng martial law, nang magkasama kami ni Maita sa Gabriela at sa pagtatayo ng Kaiba (Kababaihan para sa Inang Bayan) bilang partidong pampulitika na puro kababaihan, nakuwento ko sa kanya ang magiliw na paggunita sa kanya ng mga kasama sa baryong yaon. Tandang-tanda niya ang naturang baryo dahil dito raw siya dinalaw ng kanyang anak na si Melissa na sa panahon ng pagtigil roon ay sumulat sa kanyang Lola. Ibinahagi ni Melissa ang masasaya niyang karanasan at ang iba’t ibang putahe na natikman niya—ulang (fresh water shrimps), labuyo (wild chicken), at sawa! Di ko ma-imagine kung ano ang naging reaksiyon ng ina ni Maita sa ganitong sulat ng apo pero malinaw sa kuwentong ito ang tindig ni Maita kaugnay ng kahalagahan na maintindihan ng kanyang anak ang kilusang kanyang niyakap.

Sa pagkakulong ko sa Kampo Crame noong 1984, ang WOMB, o Women for the Ouster of Marcos and Boycott, ang isa sa masugid na nangampanya para sa aking paglaya. Isa si Maita sa mga palaban at militanteng kababaihang bumuo ng WOMB. At sa panahon ng EDSA 1, makakatanggap ako ng maiksing sulat mula kina Maita, Irene at Gigi at sa iba pang kababaihan ng WOMB: “Huwag kayong mag-alaala sa inyong kaligtasan sa loob ng bilangguan, narito kami sa labas, kasama ang libu-libong mamamayan.”

Pagkatapos, nang mapatalsik si Marcos noong 1986, magsasama kami ni Maita sa Gabriela, sa Kaiba, sa Institute of Women’s Studies ni Sister Mary John Mananzan. Dito, makikilala ko ang kanyang self-deprecating humor. Sabi niya, sa papeles na kailangang ilagay niya ang kanyang civil statussingle, married, widowed, separated, etcetera—gusto niyang ilagay ang all of the above!

’Di matatawaran ang generosity ni Maita. Bukas ang kanyang apartment sa Malate sa mga aktibistang naliligaw sa banda roon pagkatapos ng mga habulan sa US Embassy o kaya sa rali sa Lawton. Noong dadalo ako sa ika-25 anibersaryo ng kasal ng isa sa aking mga kapatid na gagawin sa California at ako’y nangangailangan ng pormal na damit, nilapitan ko si Maita. Ibinukas niya sa akin ang kanyang closet ng mga damit. Hindi ito siksik ng kung anu-anong kasuotan. Iilan lang ang laman nito pero de kalidad, simple at elegante ang mga ito. At may napili nga ako na kumasya sa akin at ito ang nagamit ko sa bonggang silver wedding anniversary ng aking kapatid.

Noong unang bahagi ng 1990s, nagdesisyon si Maita na ituloy ang kanyang naudlot na pag-aaral. Pumasok siya sa non-formal education program ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) kung saan nabigyan ng credit ang kanyang mga isinulat. Kabilang dito ang talambuhay ni Laurie Barros, ang isang mahusay na pagsalaysay sa kasaysayan ng kilusan ng kababaihan sa Pilipinas na bahagi ng dokumentasyon ng kanyang presentasyon sa isang kongreso ng Gabriela. Kagyat siya na nag-enroll sa School of Economics ng UP kung saan natapos niya ang kanyang masterado—Master in Development Economics. Nagturo siya ng ilang panahon sa UP Manila. Naging bahagi siya ng IBON at bandang huli ay nagpokus sa pananaliksik laluna sa isyu ng mining.

Bungisngis: Si Maita, kasama sa isang press conference si Bayan Muna Rep. Satur Ocampo. (KR Guda/PW File Photo)

Bungisngis: Si Maita, kasama sa isang press conference si Bayan Muna Rep. Satur Ocampo, sa Makabayan convention noong Abril 2009. (KR Guda/PW File Photo)

Patuloy ang kanyang pakikisangkot sa kilusan. Regular siyang kalahok ng martsa sa paggunita sa araw ng kababaihan tuwing Marso 8. Nahalal siyang kagawad ng National Council ng Selda, ang samahan ng ex-political detainees. At co-chair siya ng Makabayan, ang koalisyon ng progresibong mga party-list.

Nagbigay si Maita ng espesyal na pagkalinga sa mga kabataang aktibista. Ang kanyang apartment sa Malate, na malapit sa UP Manila, ay laging bukas sa mga kasamahan at kaibigan ng kanyang mga anak, partikular si Pog at si Michael. Ipinagmalaki niya ang napiling oryentasyong seksuwal ng kanyang anak; at ang paging aktibista ng isa pa, habang estudyante pa lamang sa high school. Kaya nga di nakapagtataka na ganito ang isa sa mga naging post ni Michael sa Facebook sa araw ng pagkamatay ng kanyang ina:

2005, hindi ako pumasok sa letran hs para pumunta sa isang pagkilos sa US embassy. Kinabukasan lumabas ang larawan na ito sa dyaryo, pag-uwi ko nakita kong ginupit na ito ng nanay ko at inilagay sa aming ref. bumisita ang kapitbahay agad niyang tinuro ang larawan sa ref: “anak ko yan!”

Makulay ang buhay at pakikibaka ni Maita, ang bagong Gabriela, isang buhay na umaayon sa pagsalarawan ni Laurie Barros noong 1971:

“ The new woman, the new Filipina, is first and foremost a militant…She is a woman who has discovered the exalting realm of responsibility, a woman fully engaged in the making of history…” (Ma. Lorena Barros, “Liberated Women II” in Pugad Lawin, Taon 18 Blg 3, Enero-Pebrero 1971: 32)

Tulad ni Laurie Barros, malinaw kay Maita ang bukal ng ganitong paninindigang maging bahagi sa paglikha ng kasaysayan. Sa pagkaalaala ng isa sa mga kasamahan ni Maita sa pinakahuling National Executive Council meeting ng Makabayan kung saan pinag-uusapan ang tagline sa posibleng pagkandidato ni Teddy Casiño sa pagkasenador, inihapag ni Maita ang ganito:

“Walang masama sa kaliwa; mabuti ang kaliwa.”

Angkop na angkop ito na maging epitah ni Maita, mahal na kasama, kabaro’t kaibigan!

Maita, sa puso ng sambayanan, itatayo ang iyong bantayog!

(Unang lumabas sa Facebook page ng awtor)