Diskwalipikasyon ng party-list nina Cojuangco, heneral ng HLI masaker, ipinanawagan
Itinutulak ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) at election watchdog group na Kontra Daya ang diskwalipikasyon ng mga party-list ng tiyahin ni Pangulong Aquino na si Margarita “Tingting” Cojuangco at ni Quirino Dela Torre, dating pulis heneral na namuno noong masaker sa Hacienda Luisita. Si Cojuangco ay unang nominado ng Aksyon Magsasaka-Partido Tinig ng Masa, habang si Dela Torre ay […]

Itinutulak ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) at election watchdog group na Kontra Daya ang diskwalipikasyon ng mga party-list ng tiyahin ni Pangulong Aquino na si Margarita “Tingting” Cojuangco at ni Quirino Dela Torre, dating pulis heneral na namuno noong masaker sa Hacienda Luisita.
Si Cojuangco ay unang nominado ng Aksyon Magsasaka-Partido Tinig ng Masa, habang si Dela Torre ay unang nominado ng Alliance for Rural and Agrarian Reconstruction, Inc. (Araro). Nirerepresenta umano ng dalawang party-list ang mga magsasaka.
“Ang desperadong tangka ng mga Cojuangco na sumali sa halalang party-list ay korupsiyon at lantarang pambababoy ng sistemang party-list,” ayon kay Willy Marbella, deputy secretary general ng KMP.
Nanawagan ang KMP sa Commission on Elections (Comelec) na kagyat na ibasura ang petisyon para sa rehistrasyon ng dalawang party-list. “Kung hindi, makukuwestiyon ang integridad ng halalang 2013,” ani Marbella.
“Insulto” umano sa mga magsasaka at mamamayang Pilipino na ang isang panginoong maylupa ay magrerepresenta sa mga magsasaka, lalo na at tiyahin siya ng pangulo.
Sinabi rin ng KMP na ang nominasyon ni Dela Torre ay dagdag na insulto sa mga biktima ng masaker sa Hacienda Luisita. Si Dela Torre ang hepe ng Philippine National Police Central Luzon nang maganap ang masaker ng 14 na masasaka noong 2004.
Ayon sa petisyon ng Kontra Daya sa Comelec, naging gobernador si Cojuangco ng anim na taon at asawa ni Jose “Peping” Cojuangco, isa sa mga may-ari ng Hacienda Luisita. “Cojuangco has no business representing farmers since she is a big landlord,” ayon sa petisyon.
Sinabi rin ng petisyon na malinaw na hindi bahagi ng sektor ng magsasaka si Dela Torre. “His interest, as proven by his track record is also adverse to the interest of the farmer sector which Araro claims to represent,” ayon sa Kontra Daya.
Nananatili sa kontrol ng pamilya ni Pangulong Aquino ang Hacienda Luisita, sa kabila ng utos ng Korte Suprema noong Abril 24 na ipamahagi ang mahigit 6,000 ektaryang lupa sa mga magsasaka.
Hiniling ng Kontra Daya sa Comelec na idiskwalipika ang 39 na party-list na umano’y hindi totoong nagrerepresenta ng mga mardyinalisadong sektor, at ginagamit ng makakapangyarihang angkan sa pulitika at ekonomiya para lalong palawakin ang kanilang impluwensiya.
Kabilang dito ang Ang Galing Pinoy party-list ni Rep. Mikey Arroyo; Ang Mata ay Alagaan ni Supreme Court Justice Presibitero Velasco; Alliance of Organizations, Networks and Associations of the Philippines, Inc (ALONA) ng kamag-anak ni House Minority Leader Danilo Suarez Jr.; at Alliance of Mindanao Elders at Abante Retirees na ang mga nominado ay kamag-anak ng mga miyembro ng Liberal Party ni Aquino.