Dula at pelikula


rebyu ng Walang Sugat, (Carlos Siguion-Reyna, direktor; Tanghalang Pilipino; 10 n.u., 26 Agosto 2012 na pagtatanghal)

rebyu ng Walang Sugat, (Carlos Siguion-Reyna, direktor; Tanghalang Pilipino; 10 n.u., 26 Agosto 2012 na pagtatanghal)

 

Madalang akong manood ng dula, pero by choice ito.  Malaking risk ang panonood ng dula para sa akin.  Walang excitement sa maraming pagkakataon—namimilipit ako sa upuan, iniisip, “Ano ba ang ginagawa ko rito?”  Tila hindi nakahabol ang dulaan sa iba pang pagkaunlad ng mga sining, lalo na ng sining biswal, pelikula, at multi-media na panitikan.

Kaya medyo mabigat ang paa ko nang manood ng Walang Sugat.  Pero nagkamali ako.  May inobasyong ginawa ang production team sa pangunguna ni Carlos Siguion-Reyna:  nakapagpasok ito ng impluwensya mula sa pelikula kahit walang gamit ng mismong medium sa pagsasadula.

Sa tatlong tier na expresionistang entablado ni Tuxqs Rutaquio, nagkaroon ng tatlong one-dimensyonal na sub-entablado si Siguion-Reyna, na nakakapagtampok ng pangunahing eksena na humahalaw sa karagdagang pwersa mula sa dalawa pa.  At may cinematic flow mula sa sing-song ng pangunahin at pagpapayaman ng dalawa pang sub-entablado.

Sa texturang talon sa background, ang primaryong kulay ng pag-iilaw ni Katsch SJ Katoy ay nagbigay ng batayang meditasyon sa itinatampok na kaganapan.  Sa unang awit pa lamang, ang pagbuburda ay ipinakita bilang subersibong aktibidad dahil sa ilalim ng mga tela ay ang mga primaryong kulay ng bandila—na ang displey ay bawal sa panahon ng Amerikanong kolonialismo—na naglalaman ng mensahe para sa rebolusyonaryo.

Itinuloy ang diin sa mga kulay sa kabuuan ng dula.  Sa aking pagkaalaala, minsanan lang lumabas ang pula sa sandali ng pakikipagdigma.  At matapos, ang kaisa-isang imahen sa background—ang tangke mula sa war ship ng Amerika sa Manila Bay—ay nanakop din sa mga kulay at naging meditasyon at kaganapang nauna rito.

Ang koreograpiya ni Nonoy Froilan ay may postmodernong sipa.  Ang tigas at tibay sa kilos at galaw sa politikal na dula ay nagkaroon ng feminine na rendisyon, tulad sa eksena ng “Bayan Ko,” na ang epekto ay ang sabayang alienasyon at humanisasyon ng kondisyon ng mamamayan at ng mismong politikal na eksena.

Itong bersyon ng Walang Sugat, isa sa tinaguriang “seditious Tagalog sarsuelas,” ay ang pinakamasinop sa paglalahad ng naratibo, inobatibo sa ilan nang pagsasadula nito sa ilang dekada, at marahil, pinakapulido sa rendisyon ng musika’t awit.  Pinakatampok ang staging ng eksena na siempre, sa unang pag-awit ng “Bayan Ko,” ang signature song ng dula.

Sa eksena, ang tatlong bahagdan ng entablado ay namaximisa para sa nakakapunit-puso’t nakakaantig-damdamin na epekto sa manonood.  Isang paslit ang unang nagboluntaryo, at dumaloy ang sumunod na aksyon na malinaw ang pagtatampok at pagpapayaman mula sa ibang bahagdan.  Sa una’t huling pagkakataon, ang kolektibong desisyon ng pag-aalsa ay makatarungan at napapanahon.  Na sa susunod pang paggamit ng kanta ay nagmumukha nang elehiya sa pagyao sa unang dakilang pagkakataon para sa independensya.

Masinop ang paglalahad ng naratibo.  At ang inaasahan sa tradisyonal na porma ng dula—ang pagturing na ito ay natatanging porma—ay nanatili kahit pa sa mga inobasyon mula sa pelikula.   Pangunahin sa sarswela ang dulaang simboliko dahil dito lumalabas ang politikal na mensahe na hindi lubos na kayang i-stage, lalo pa sa panahon na ipinagbabawal ito.

Nandito na nga ang pagsilip sa kulay ng bandila, ang pagkakahiwalay ng iba’t ibang sangay ng kapangyarihan sa lipunan sa tulong ng stage design—lalo na ng konsolidasyon ng maykaya laban sa mamamayan sa pagpasok ng Amerikanong manananakop, at ang pagwawakas na call-to-arms dahil nga sa hindi inaasahang maniobra ng bagong mananakop.

Nandito rin sa dula ang “suyuan sa ilalim ng hagdanan” ng mga katiwala na nagpapakita ng hayag na malayang sexualidad at hindi aral na talino kumpara sa impit na pribilehiyadong orientasyon ng kanilang magsing-irog na amo.  At sa panahon ng telenobela at komersyal na pelikula, patok lang ang serialidad ng exposisyon at rebelasyon sa pagtatapos.

Kapuri-puri ang akting at tinig ni Cris Villonco, na nabigyan-buhay ang babae sa panahon ng masidhing pakikipagtunggali para sa kanyang irog at ligaya.  Ang komedikong akting naman ni Jonathan Tadioan bilang katiwala ay isa pang natatanging pagganap, na kay daling naiangat ang galing sa akting kumpara sa gumanap sa kanyang among lalake.

Ang mainstream na dulaan ay kailangang manguna sa paghahalaw ng impluwensya mula sa pinagkaunlad sa iba pang mga sining.  Hindi ibig sabihin nito ay higit pang (Third World) Broadway-ish na nagiging direksyon nito, na ang mga tradisyonal na porma at akda ay biglang nagiging parang pinagnakawan lamang ng idea, at ang bagong lenggwahe ng dulaan ay ang pomp-and-pageantry ng komersyal na dulaan ng Kanluran.

Kasabayan kong nanood ang mga mag-aaral mula sa pribadong high school.  Maingay ang mga ito, at nag-running commentary pa sa mga tagpo’t eksena na nakakuha ng kanilang interes.  Pero inisip ko na lang, kung sa panahon ng pagkadula nito, ganito rin naman kaaktibo ang ordinaryong manonood—na ipinagbawal na sa sine’t sa mismong mainstream na dulaan.  Kaya natanggap ko na lang na bahagi ito ng viewing package—na sa loob ng tatlong oras, makabuluhan at malikhain nahuli ng dula ang interes naming manonood.