Motibo sa likod ng panukalang 2013 badyet, pinagdududahan


Pinagdududahan ng iba’t ibang progresibong grupo ang tunay na hangarin ng panukalang PhP2 Trilyong pambansang badyet ng gobyerno para taong 2013. Sa pahayag ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), sinabi nitong “mapanlinlang” ang panukalang badyet ng Malakanyang dahil lilikha umano ito ng ilusyong tutugon ito sa kagyat na mga pangangailangan ng mga mamamayan. Gayundin, ipinahayag ng […]

Dalawang lider ng Kongreso at ang Pangulo, noong SONA. (Malacanang Photo)
Dalawang lider ng Kongreso at ang Pangulo, noong SONA. (Malacanang Photo)

Pinagdududahan ng iba’t ibang progresibong grupo ang tunay na hangarin ng panukalang PhP2 Trilyong pambansang badyet ng gobyerno para taong 2013.

Sa pahayag ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), sinabi nitong “mapanlinlang” ang panukalang badyet ng Malakanyang dahil lilikha umano ito ng ilusyong tutugon ito sa kagyat na mga pangangailangan ng mga mamamayan. Gayundin, ipinahayag ng grupo ang pangambang gagamitin ng administrasyon ang naturang panukalang badyet para sa pangangampanya para sa darating na eleksiyon.

Sa deliberasyon ng Appropriations Committee ng Kongreso noong Miyerkules, humarap ang mga miyembro ng inter-agency na Development Budget Coordinating Council (DBCC) para depensahan at bigyang katwiran ang panukalang badyet ni Pangulong Aquino. Humarap sa Kamara ang mga pinuno ng Department of Budget and Management (DBM), National Economic and Development Authority (NEDA), Department of Finance (DOF) at  Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Ayon sa Bayan, nililinlang ng administrasyong Aquino ang mga mamamayan sa pagtawag sa panukalang badyet na “empowerment budget.” Sinabi pa ng grupo na anumang pagtaas sa alokasyon para sa batayang serbisyo ay magtatago sa katotohanang patuloy na unti-unting inaabandona ng gobyerno ang tungkulin nitong magbigay ng serbisyo sa mga mamamayan tulad ng kalusugan, edukasyon, pabahay at iba pang serbisyo.

Dagdag pa ng grupo, tanging ang Partido Liberal ng administrasyon na naghahangad na makapagpaupo ng mga senador at iba pang lokal na puwesto sa eleksiyong 2013 ang makikinabang sa tinaguriang “empowerment budget.”

Tinukoy ng grupo ang pagtaas sa panukalang alokasyon sa badyet para sa kalusugan PhP7.9-Bilyon (167 porsiyento) at pasilidad para sa edukasyon na aabot sa PhP8.9-B (54 porsiyento) para sa taong 2013.

Pero kasabay naman daw nito ang masidhing pagsusulong ng administrasyong Aquino sa Public-Private Partnership (PPP) para sa nabanggit na mga pasilidad.

“Tulad ng isang kaso ng Department of Education (DepEd) na PPP School Infrastructure Project (PSIP) na nagkakahalagang PhP16.5-B. Magtatayo ng 9,300 klasrum ngayong taon para rito. Isa pa ang plano ng Department of Health (DOH) na gamitin ang iskemang PPP para sa pagpapaunlad ng mga infrastructure at technical upgrades ng 25 ospital sa buong kapuluan,” pahayag ng grupo.

“Ang inaasahang tutubuin ng pribadong mga kontraktor na magasasagawa ng mga proyektong ito ay magpapalobo sa mga bayarin na babalikatin ng mga mamamayan,” sabi pa ng grupo.

Pinangangambahan din ng grupo ang malaking dagdag sa badyet ng Department of Interior and Local Government (DILG) na PhP21-B, at Department of Public Works and Highways (DPWH) na PhP26.5-B. Gayundin ang pagtaas ng badyet ng programang conditional cash transfer (CCT) na may PhP4.8-B sa susunod na taon.

Ayon sa grupo, maaaring gamitin ito para palakasin ang kampanya ng mga kandidato ng Liberal Party.

“Maaaring ito ang dahilan sa pagmamadali ng appropriations committee sa Kamara at Senado, na kalakha’y mga taga-LP, para tapusin sa Disyembre ang proseso ng pag-apruba sa badyet,” sabi pa ng Bayan.

Kinuwestiyon naman ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang PhP2.38-B panukalang badyet para sa Department of Agriculture (DA) at sinabing gagamitin umano para sa eleksiyon at sa konta-insurhensiya.

“Ang PhP1-B para sa ‘quick response fund’ at ang PhP1.38-B para sa Payapa and Masaganang Pamayanan (Pamana) Program sa panukalang badyet ng DA ay nakakaduda laluna na at eleksiyon sa susunod na taon,” sabi ni Antonio Flores, tagapagsalita ng KMP.

Ayon sa KMP, ang PhP1-B alokasyon para sa ‘quick response’ ay nahati sa dalawang tig-PhP500 Milyong alokasyon. Kaduda-duda umanong hinati sa PhP350-M para sa miscellaneous and other operating expense (MOOE) at PhP150-M lamang para sa capital outlay.

“Bulnerable ito sa korupsiyon. Halatang ang PhP350-M para sa MOOE na kinaltas sa QRF ay duplikado lamang,” sabi ni Flores.

Pangamba ng grupo na matulad sa kaso ng fertilizer scam noong 2004 ang nabanggit na alokasyon sa badyet ng DA.

“Wala pang katarungan ang mga magsasaka sa pandarambong ng PhP728-M pondo ng pestisidyo noong 2004. Heto na naman ang isa pa na kaduda-dudang tumataginting na PhP1-B alokasyon,” ani Flores

Binatikos din ng grupo ang alokasyon para sa programang Pamana na ayon sa grupo ay kontra-insurhensiyang programa ng gobyerno na Oplan Bayanihan na ipinapatupad ng Department of Agriculture.

“Makikita ang pagsingit sa PhP1.38-B badyet ng DA para sa programang kontra-insurhensiya na nakatuon sa panlillinlang at karahasan ng Oplan Bayanihan sa mga magsasaka sa kanayunan,” dagdag pa ni Flores.

Samantala, ipinanawagan naman ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang pagbasura sa Automatic Appropriations Law (AAL) at ituon ang pagbabayad utang sa panlipunang serbisyo.

Dapat umanong para sa mga manggagawa at kagalingan ng mamamayan ang pinakamalaking badyet.

Partikular na ipinababasura ng KMU ang Section 31 ng Presidential Decree No. 1177, na naglalaman ng awtomatikong paglalaan ng badyet para sa pagbabayad ng utang at iba pang obligasyon ng gobyerno.

Matagal na umanong pabigat sa mga mamamayan ang AAL mula pa noong panahon ng batas militar.

Ayon sa KMU, sa kabila ng paulit-ulit na pagkaltas sa subsidyo ng gobyerno para sa kalusugan, edukasyon at iba pang serbisyo, aabot naman sa 40 porsiyento ng pambansang badyet ang ibinibigay na alokasyon para sa pambayad utang.

“Ilang dekada nang prayoridad ng gobyerno ang pagdidikta ng mga institusyong nagpapautang kumpara sa pangangailangan ng mga manggagawa at mamamayan. Panahon na para itakwil ng gobyerno ang makaisang panig na mga pautang na hindi naman pinakinabangan ng mga mamamayang Pilipino. Hindi na rin dapat bayaran ang mga utang na napunta naman sa sariling bulsa ng mga opisyal ng gobyerno,” sabi ni Roger Soluta, pangkalahatang kalihim ng KMU.