Hustisya sa 4 na manggagawa ng Ali Mall na nasawi, ipinanawagan
Ilang manggagawa pa ang kailangang mamamatay bago seryosohin ang occupational health and safety?” Ito ang tanong ng militanteng grupo ng mga manggagawa matapos mabalita ang pagkamatay ng apat na manggagawa sanhi ng pagkalunod sa ginagawang septic tank sa Ali Mall noong Agosto 30. Panawagan ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang kagyat na pagbibigay hustisya sa […]

Ilang manggagawa pa ang kailangang mamamatay bago seryosohin ang occupational health and safety?”
Ito ang tanong ng militanteng grupo ng mga manggagawa matapos mabalita ang pagkamatay ng apat na manggagawa sanhi ng pagkalunod sa ginagawang septic tank sa Ali Mall noong Agosto 30.
Panawagan ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang kagyat na pagbibigay hustisya sa mga biktimang nakilalang sina Romy Suarez, Rommel Suarez, Rodel Suarez, Marvin Aleman, mga manggagawa ng RCBC Plumbing Services na kinuha ng manedsment ng Ali Mall para ayusin ang water drainage ng gusali, matapos umanong may magreklamong tenant dahil sa pagbara.
Ayon sa mga naunang balita, naganap ang insidente bandang alas-3:30 ng umaga nang alisin umano ni Rodel ang mga dumi sa baradong tubo na naging sanhi naman ng biglaang pagtaas ng tubig. Tinangkang iligtas ng tatlong kasamahan si Rodel Mesa ngunit sila din ay nalunod.
“Malinaw na nilabag ng may-ari at manedsment ng Ali Mall ang occupational health and safetyng mga manggagawa,” ani Lito Ustarez, pangalawang tagapangulo ng KMU.
Kinondena rin ni Ustarez ang pamilyang Araneta na kinabibilangan ni Sek. Mar Roxas ng Department of Interior and Local Government (DILG), sa pagkamatay ng apat na manggagawa.
Sinabi din ng grupo na lumilitaw na maaring nilabag ang Rule 1120 on hazardous workplaces of the occupational health and safety standards.
Nakasaad sa panuntunan na bago pumasok ang isang manggagawa o grupo ng manggagawa sa isang saradong lugar bago magtrabaho, kailangang tiyaking makita na ang lebel ng tubig ay mas mababa sa 15 cubic meter (6 inches) at kung mayroong tubig, kailangang gamitan ng kahoy na magsisilbing tuntungan.
“Dagdag pa, kailangang mayroong aprobadong kagamitan sa paghinga at ibang personal protective equiptment na magagamit ng mga manggagawa sa pagpasok nila sa mga sarado o kulong na lugar,” ani Ustarez. Base sa mga naunang ulat, walang suot na kagamitan pangkaligtasan o proteksiyon ang apat na manggagawa habang ang mga ito ay nasa loob ng septic tank.
Umaapela din ang grupo sa Department of Labor and Employment (DOLE) na imbestigahan ang posibilidad na paglabag ang mga employer ng mga biktima. Kinondena din nila ang patuloy na na pagpayag ng DoLE na magkaroon ng self-assessment ang mga kompanyang mayroong 200 manggagawa, sa pamamagitan ng DOLE Order 57-04.
“Pinapayagan nilang labagin ang labor standards hinggil sa kalusugan at kaligtasan ng mga manggagawa,” ani Ustarez.
Kasabay ng panawagan ng hustisya para sa apat na manggagawa, kinondena rin ng grupo si Pangulong Aquino dahil umano sa pagkabigo nitong mahatulan ang mga employer na nasasangkot sa mga kaso ng kamatayan ng kanilang mga manggagawa.
Inihalimbawa ng grupo ang mga kaso ng pagkamatay ng 10 manggagawa sa kontruksiyon ng Eton Towers noong Enero 2011, pagkamatay ng anim na manggagawa sa Keppel Subic Shipyard noong Oktubre 2011 at ang pagkasunog ng Novo Jeans and Shirts Company sa Butuan City noong Mayo kung saan 17 manggagawang karamihan ay kababaihan ang nakulong at nasunog.
Nananawagan din ang KMU sa pagbubuo ng isang komprehensibong batas hinggil sa occupational health and safety na epektibong magpaparusa sa mga lumalabag.
“Ang paulit-ulit na pagwawalang-bahala sa kinakaharap na panganib ng mga manggagawa sa araw-araw ay dapat nang matigil.
Hiling namin ang hustisya para sa lahat ng biktima ng kriminal na kapabayaan ng mga kompanya at gobyerno,” ani Ustarez.