Kawani ng NHA, nagbarikada sa QMC para igiit benepisyo, dagdag-suweldo
Isang linggo nang nagpoprotesta ang mga kawani ng National Housing Authority (NHA) para igiit sa administrasyong Aquino ang kanilang mga benepisyong napagtagumpayan sa pamamagitan ng negosasyon ng unyon at manedsment ng ahensiya. Ilang minutong binarikada ng mga kawani ng NHA, sa pangunguna ng Consolidated Union of Employees-NHA (NUE-NHA), ang kalsada sa harap ng Quezon City […]
Isang linggo nang nagpoprotesta ang mga kawani ng National Housing Authority (NHA) para igiit sa administrasyong Aquino ang kanilang mga benepisyong napagtagumpayan sa pamamagitan ng negosasyon ng unyon at manedsment ng ahensiya.
Ilang minutong binarikada ng mga kawani ng NHA, sa pangunguna ng Consolidated Union of Employees-NHA (NUE-NHA), ang kalsada sa harap ng Quezon City Memorial Circle, bitbit ang mga plakard na nananawagang ibalik ng gobyerno ang kanilang benepisyo, laluna’t magpapasko na.
“Isa sa pinakamalupit na kalamidad na sumapit sa aming mga empleyado ng gobyerno ang pagbawas ng administrasyong Aquino sa aming mga benepisyo at suweldo,” sabi ni Rosalinda Nartates, pangulo ng CUE-NHA. “Pinalalalao ito ng pagbagsak ng purchasing power ng aming suweldo dahil sa matinding krisis sa ekonomiya.”
Sinabi rin ni Nartates na karamihan sa kanila’y nakatatanggap na lamang ng humigit-kumulang P5,000 take-home pay. Nababawasan pa ito dahil sa aniya’y kaliwa’t kanang binabayarang utang.
“Nasasakripisyo kahit ang mga serbisyo (ng mga empleyado sa publiko) dahil parang di na kayang makapagkomyut ang mga empleyado araw-araw,” sabi pa niya.
Gamit ang mga pito, nag-ingay ang mga kawani sa kalsada para ipaalam din sa dumaraang publiko ang kanilang problema at hinaing sa gobyerno. Simbolo umano ang mga pito ng “disaster warning devices” na ginagamit tuwing may kalamidad — dahil mistulang kalamidad na ang paghihirap umano ng mga kawani.
“Wala kaming magagawa kundi paigtingin ang aming pakikibaka kontra sa mga polisiyang anti-empleyado ng administrasyong Aquino,” sabi pa ni Nartates.
Sa naturang protesta, naghayag din ng hinaing ang mga kawani ng NHA sa tinaguriang “mainstream media” na sa kabila ng pakikipanayam sa kanila’y hindi inilalabas ang kanilang istorya at panawagan sa gobyerno.
Nangako ang CUE-NHA na ipagpapatuloy nila sa buong linggo ang protesta, at lalahok din sa Araw ng Protesta ng mga empleyado ng gobyerno sa Disyembre 13.