Pagbebenta sa Philippine Orthopedic Center, tinutulan
Sinalubong ng protesta ang pre-bidding ng Philippine Orthopedic Center (POC) na ginanap sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI) sa Quezon City noong Enero 25. Ang POC ang kauna-unahang pampublikong ospital na isasailalim sa bidding sang-ayon sa programang Public-Private-Partnership (PPP) ng administrasyong Aquino. Iskemang Build-Operate-Transfer ang plano ng gobyerno sa pagtatayo ng bagong POC, na popondohan at papatakbuhin ng […]

Sinalubong ng protesta ang pre-bidding ng Philippine Orthopedic Center (POC) na ginanap sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI) sa Quezon City noong Enero 25.
Ang POC ang kauna-unahang pampublikong ospital na isasailalim sa bidding sang-ayon sa programang Public-Private-Partnership (PPP) ng administrasyong Aquino. Iskemang Build-Operate-Transfer ang plano ng gobyerno sa pagtatayo ng bagong POC, na popondohan at papatakbuhin ng pribadong sektor sa loob ng 25 taon.
Unang pagsalang
“Tiyak na tataas ang singil sa ating mga ospital sa pagpasok ng pribadong sektor. Gagawin nilang negosyo ang serbisyong karapatan ng mamamayan. Hindi sila mamumuhunan nang hindi sila kikita,” ayon kay Jossel Ebesate, tagapangulo ng Alliance of Health Workers (AHW).
Nangangailangan ng P5.7 Bilyon upang maitayo ang 700-bed capacity super-specialty tertiary orthopedic hospital. Sa halagang ito, P5.3-B ang inaasahang manggagaling sa pribadong sektor.
Nasa 500 hanggang 700 pasyente sa Out-Patient Department ang sineserbisyuhan ng POC sa araw-araw. Nasa 300 naman ang natatanggap nilang pasyente sa emergency room sa araw-araw. Nasa 90% ng mga ito ang mahihirap, ayon sa AHW.
“Mahihirap ang karamihan sa aming mga pasyente na naseserbisyuhan namin, napapagaling namin ng libre,” ayon kay Sean Velchez, tagapangulo ng National Orthopedic Hospital Workers’ Union-Alliance of Health Workers (NOHWU-AHW).

Tanong naman ni Gloria Arellano, pambasang tagapangulo ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), “Kung ngayon pa lamang na pampubliko na ang mga ospital, marami na ang namamamatay, paano pa kapag pribado na ang mga ito? Paano kaming mga mahihirap na umaasa sa serbisyo sa publikong ospital dahil sa kahirapan?” Nakiisa rin sa pagkilos ang mga maralita sa mga kalapit na komunidad sa Quezon City.
Wala ring kasiguraduhan kung ano ang gagawin sa mga manggagawa sa POC kung pumasok ang pribadong sektor, ayon kay Velchez. Nasa 900 na manggagawang pangkalusugan ang nagsisilbi ngayon sa POC, maliban pa sa may 200 RN Heals nurses.
“Kung talagang makatao at para sa Pilipino ang pagpasok ng pribadong sektor, bakit dito sa NKTI ginagawa ang pulong? Bakit hindi ito demokratikong ipalaam sa mga pasyente ng Ortho at sa mga mamamayan?” ayon kay Dante Perez, pangalawang tagapangulo ng NOHWU-AHW.
Ayon kay Perez, hindi nila nais matulad ang POC sa NKTI na bagama’t ‘gumanda’ ang mga pasilidad, natatakot umano ang mga tao na pumasok dito dahil sa taas ng mga bayarin.
“Kaming mga kawani ay nakakapagsakripisyo, pero kaya naming tiisin ito. Ang hindi namin matitiis ay ang makitang pinagkakakitaan ang mga mamamayan. Hindi namin kayang tiisin na hindi na namin magagawang manggamot ng aming mga kababayang mahihirap,” dagdag ni Perez.
Pribatisasyon, negosyo sa panahon ng krisis
Sa pagpunta ni Pangulong Aquino sa Davos, Switzerland, tiyak na ibubukas ni Aquino sa dayuhang mga negosyante ang mga serbisyong publiko, sang-ayon sa tulak na PPP ng malalaking negosyante at internasyunal na institusyon gaya ng World Trade Organization at World Bank, ayon kay Arnold Padilla ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan). Aniya, pilit pinapasok ng mga dayuhang negosyo ang mga serbisyong publiko dahil nangangailangan sila ng paglalagakan ng sobrang kapital.
“Ngunit may mga sektor na hindi dapat ibinibigay o ibinebenta dahil direkta itong pangangailangan ng mga mamamayan,” ayon kay Padilla.

Babala naman ni Bayan Muna Rep. Teddy Casino, “Ano ang nangyari sa MWSS (Metropolitan Waterworks and Sewerage System) sa ilalim ng pribadong korporasyon? Bababa daw ang presyo ng tubig pero mas lalo pang tumaas. Ano ang nangyari noong naisapribado ang power plants, sabi magkakaroon ng kompetisyon at bababa ang presyo ng kuryente. Subalit ang kuryente sa Pilipinas ang pinakamahal ngayon sa Asya. Ito ba ang nais nating mangyari sa ating mga publikong ospital?”
Isa lamang ang POC sa mga ospital sa buong bansa na nakatakdang sumailalim sa korporatisasyon, ayon kay Dr. Geneve Rivera-Reyes, pangkalahatang-kalihim ng Health Alliance for Democracy. Isasapribado rin umano ngayong taon ang San Lazaro Hospital sa Maynila at Research Institute for Tropical Medicine sa Muntinlupa.
“Hindi ito ang una’t huling pagkilos natin. Tiyak na mas iigting ang pribatisasyon kung saan ibinebenta na tayo ng gobyernong ito sa malalaking korporasyon. Patatagin pa natin ang ating hanay dahil dito nakasalalay ang buhay ng milyun-milyon nating kababayang umaasa sa mga pampublikong ospital,” sabi ni Reyes.