Uncategorized

Jowel Morel, panig kay Ricky Lo sa isyu hinggil sa interview kay Anne Hathaway


Hanggang ngayon ay usap-usapan ang panayam na isinagawa ng Filipinong peryodistang pampelikula na si Ricardo F. Lo, mas kilala sa tawag na Ricky Lo, sa aktres na taga-Hollywood na si Anne Hathaway. Ang interbyu ay idinaos sa ibang bansa at bahagi ng patalastas, pagtitinda, promosyon at anunsyo ng pelikulang “Les Mesirables” na isa sa mga […]

Anne Hathaway, Jowel Morel
Anne Hathaway, Jowel Morel

Hanggang ngayon ay usap-usapan ang panayam na isinagawa ng Filipinong peryodistang pampelikula na si Ricardo F. Lo, mas kilala sa tawag na Ricky Lo, sa aktres na taga-Hollywood na si Anne Hathaway.

Ang interbyu ay idinaos sa ibang bansa at bahagi ng patalastas, pagtitinda, promosyon at anunsyo ng pelikulang “Les Mesirables” na isa sa mga pangunahing tauhan at persona si Anne.

Madalas kaysa hindi ay tinatawag ang proseso ng pakikipagpanayam sa mga dayuhang aktor at aktres sa imbitasyon ng prodyuser o kaya’y namamahagi ng produktong pelikula sa mga mamamahayag sa buong mundo na “junket.”

“Junket” dahil ito ay sa bisa ng paglalakbay sa ibang lugar ng isang peryodista, halimbawa, para makatagpo o makausap ang isang tao.

Sa konteksto ng peryodismong pampelikula sa Pilipinas, ang “junket” ay libreng pamasahe at akomodasyon sa isang inanyayahan para makapiling ang isang tao o grupo ng mga tao na may pakay.

Halimbawa, may paimbita ang Star Cinema o Regal Films o Viva Entertainment sa isang peryodistang pampelikula sa Cebu City dahil sa ipapalabas doon ang pelikula ng alinman sa mga ito, ang nag-imbita ang nagbabayad ng plete at pagtanggap sa mamamahayag para ikober ang okasyon at sa katuusan, makainterbyu ng mga taong may koneksyon sa pagdiriwang.

***

Sa kaso ni Ricky, mas malamang kaysa hindi, ay inanyayahan siya ng may pakana ng pagtatanghal ng “Les Mesirables” para ipamarali ang obra sa Pilipinas sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa mga taong kaugnay ng pelikula, halimbawa’y sa mga artistang sina Hathaway at Amanda Seyfried na mga bida sa produktong kultural na ito.

At iyon na nga.

Naganap ang panayam ni Lo kay Anne at kontrobersyal ang naging resulta nito sa pamamaraan kung paano kinipil ng panahon, pagkakataon, tauhan, gawa’t gawi ng peryodismo sa isang multikultural na palaruan ng buhay at iba pang element na naglulunsad at nagbubunsod ng mga rekositos sa isang interbyu.

Iba’t iba ang reaksyon ng mga tao sa panayam ni Ricardo kay Hathaway.

May nagsasabing nasupalpal ang Pinoy na peryodista ng isang banyagang bituin.

May nagsasabi namang nakakaawa si Ricky sa mga binitiwang salita ni Anne.

May nagsasabi rin na mali ang pamamaraan ni Lo sa pagkokondak ng panayam.

Samantala, may mga umuunawa kay interviewer at meron din namang nagpapaliwanag kung bakit gano’n ang mga sagot ni Hathaway sa ating kababayan at sa aking kaso, sa ating kasamahan sa trabaho—na kailangang alam ng nagtatanong at binibitiwan din ang konteksto ng bawat tao dahil iba ang takbo ng utak ng mga taga-ibang bansa, iba ang kultura at iba pa.

***

Pero malawak at malalim na isyu ang kinahinatnan ng kabuuang interbyu ni Ricky kay Hathaway.

Sa unang tanong ni Ricky kung kumusta ang pagpapapayat ni Anne ng beynte singko libras at kung paano niya nabawi ito, ayaw itong sagutin ng premyadong Hollywood actress.

Sa isa pang tanong ni Lo kung nakaranas na si Hathaway ng pagdarahop, ayaw rin itong sagutin ng aktres.

Sa paghiling ni Ricky sa kung ano ang masasabi ni Anne kay Lea Salonga, sinabi ng puti na napag-usapan na ang tungkol kay Lea.

Sa pagwawakas ng tanungan, hiniling ni Lo ang imbitasyon ni Hathaway sa mga tagapanood ng TV coverage na ginagawa ni Ricky sa mga pagkakataong ‘yon.

Ang tugon ni Anne ay si Ricky na mismo ang mag-anyaya sa mga tagapanood dahil mas mahusay ito sa ganoong pamamaraan.

***

Sa lahat ng ito, ang masasabi lang ng kontrobersyal at nakakaingtrigang Fil-Briton filmmaker na si Jowee Morel, ang gumawa ng pinakahuling pelikula ni Pilar Pilapil na “Leona Calderon,” ay “Anne Hathaway is just a bitch.”

Paano raw niya hindi masasabing “bitch” o “mataray”—sa konteksto ng opinyon ni Jowee bilang may Kanluraning sensibilidad—samantalang puwede namang hindi maging sarkastiko si Hathaway?

“Kung ako ang direktor n’yang si Anne Hathaway, pagsasabihan ko ‘yan ora mismo pagkatapos ng interview,” pahayag ni Morel.

“Ang bait-bait nga ni Ricky, e, gagano’nin pa niya?” dagdag pa ni Jowee.

Para kay Jowee, na isa ring iniinterbyu ng mga reporter sa iba’t ibang panig ng mundo, madali lang namang maging kampante at mabait sa panahon ng pakikipagtalamitam sa press.

***

Sa kaalaman din ng marami, naranasan ko na bilang interviewer ang sabihan ng may pakana ng isang panayam sa artista o sinumang taga-showbiz kaugnay sa produkto o serbisyong ibinibenta na may takdang oras ang isang pagharap sa artista.

Hindi natin alam na baka bago humarap si Ricky kay Anne ay tinagubilinan siya na may limitasyon ang oras ng interbyu kaya kailangang diretsahin ng nagtatanong ang tinatanong nang wala nang palabok.

Gayunman, sinabi naman ni Lo na baka wala sa mood si Anne nang kanyang kapanayamin.

Sa katunayan, sa mga ipinapakita ni Ricky sa publiko sa kasalukuyan sa telebisyon at sa kanyang panulat, nauunawaan niya si Hathaway at bilang pagsasakongkreto ng kanyang isip at puso, hina-“hi” pa nga niya si Anne sa “Startalk” ng GMA Network.

O kung “bitch” si Anne, marami pang pagkakataon na maituwid niya ito.