Ilang tala hinggil sa ‘Les Miserables’


1. May hawig ang Europa ngayon sa Europa ng 1830s: ang matinding krisis sa ekonomiya, kasabay ng malawakang diskuntento at pag-aalsa. Noong huling bahagi ng ika-18 siglo hanggang 1871, naganap ang serye ng bigo at matatagumpay na mga pag-aalsa. Ngayon, papatindi pa ang diskuntento, pero nagaganap na ang dambuhalang mga protesta, mula sa mga bansang tulad ng Greece […]

'Naririnig mo ba, ang himig ng sambayanan?' Mga rebolusyonaryo, sa barikada sa Paris, France noong 1832. Eksena sa pelikulang 'Les Miserables'.
'Naririnig mo ba, ang himig ng sambayanan?' Mga rebolusyonaryo, sa barikada sa Paris, France noong 1832. Eksena sa pelikulang 'Les Miserables'.
‘Naririnig mo ba, ang himig ng sambayanan?’ Mga rebolusyonaryo, sa barikada sa Paris, France noong 1832. Eksena sa pelikulang ‘Les Miserables’.

1. May hawig ang Europa ngayon sa Europa ng 1830s: ang matinding krisis sa ekonomiya, kasabay ng malawakang diskuntento at pag-aalsa. Noong huling bahagi ng ika-18 siglo hanggang 1871, naganap ang serye ng bigo at matatagumpay na mga pag-aalsa. Ngayon, papatindi pa ang diskuntento, pero nagaganap na ang dambuhalang mga protesta, mula sa mga bansang tulad ng Greece hanggang sa mismong France.

Panahon ng 1830s din ang setting ng pelikulang musical na tumatabo ngayon sa takilya ng Europa at Amerika, at kahit sa Pilipinas – ang Les Miserables (Les Mis). Dinirehe ito ni Tom Hooper, batay sa musical na akda ng Pranses na mga kompositor na sina Claude-Michel Schonberg at Alain Boublil, na batay din sa nobela ng romantikong manunulat na si Victor Hugo. Sinusundan ng nobela at musical ang karakter ng isang ex-convict, si Jean Valjean, at dumulo sa panahon ng nabigong pag-aalsa sa Paris, France noong Hunyo 1832.

Di mahirap sabihing may kinalaman ang pagtabo ng kapitalistang produkto na Le Mis sa takilya sa pagkakahawig ng kasalukuyang Europa at ang Europa na setting ng pelikula. Siyempre, nakaambag din naman sa pagtabo nito sa takilya ang malawak na pandaigdigang fan base ng naturang musical. Pero di maitatanggi ang resonance ng pelikula sa panahon ngayon.

2. Kahit sa mga progresibong Pilipino, debate kung may halaga o gamit ang isang kapitalistang produktong pangkultura tulad ng Les Mis sa pag-aabot sa malawak na bilang ng mga mamamayan para mapalahok sila sa progresibong pagbabago.

May partikular na puna pa ang ibang progresibo sa mismong nilalaman ng naturang musical. Halimbawa nito,tinukoy ng iba ang kawalang sapat na pagsasakonteksto sa rebolusyonaryong sitwasyon ng 1830s na France. Napuna naman ng iba ang sobrang sentimental at melodramatikong kuwento nito. May masasabi rin siyempre sa porma nito – inaawit ang buong kuwentona tiyak na di pamilyar sa karaniwang Pilipino. Iba pa ang puna ng iba sa pagkanta ni Russell Crowe na gumanap na Javert.

Hindi rin natuwa ang ibang progresibo na burgis na mga intelektwal, at hindi mamamayang anakpawis, ang namuno sa pag-aalsa na inilarawan sa pelikula. May nakapuna rin sa kawalan ng malinaw kalaban ng mga rebolusyonaryo – sino ang pinababagsak nila, at ano ang alternatibong sistema nila. Masyadong romantiko din daw ang pagsasalarawan sa mga kabataang nag-alsa, at di masyado ipinakita ang dahilan kung bakit sila nag-alsa.

Pagpaplano ng pag-aalsa. Eksena sa pelikulang 'Les Miserables.'
Pagpaplano ng pag-aalsa. Eksena sa pelikulang ‘Les Miserables.’

3. May punto  sila, siyempre. Hindi naman ito nalalayo sa mga puna sa Les Mis ng maraming (mainstream na) kritiko sa US at Europa, tulad ng pagiging melodramatiko nito. Mula pamagat hanggang poster art, hanggang bawat malaking musical number, walang iniiwan sa imahinasyon kung kanino dapat makisimpatiya ang manonood. Dapat makisimpatya sa mga aliping bihag sa“Look Down.” Dapat maasar at magalit kay Javert. Dapat maawa kay Fantine sa “I Dreamed A Dream”, kay Cosette sa “Castle on a Cloud” at kay Eponine sa “On My Own“. Dapat tularan ang kabutihan nila. Dapat masuklam sa mga Thernadier. Diretsong morality play ang Les Mis, walang bahid ng irony, walang sopistikasyon sa pagkukuwento at karakterisasyon.

4. Sa dinami-dami ng mga nobela ng paghihirap at pag-aalsa, bakit Les Miserables pa ang ginawang musical nina Schonberg at Boublil? Si Hugo na marahil ang pinakatanyag na Romantikong manunulat ng France, pero hindi lang siya ang nagsulat hinggil sa rebolusyonaryong kasaysayan ng naturang bansa. Hindi man nagsulat ng nobela sina Karl Marx at Friedrich Engels, pero marami silang sinulat tungkol sa mga rebolusyon at pag-aalsa ng France, mula French Revolution hanggang Paris Commune. Bakit hindi ang mga sulatin nina Marx at Engels?

Malinaw na hindi Marxista sina Schonberg at Boublil, o kahit may simpatya man lang sa mga Marxista. Katunayan, ubod ng sama ang mga karakter na nagrerebolusyon sa musical na sinulat nila matapos ang Les Mis – ang mas sikat sa mga Pilipino na Miss Saigon. Lumalabas na napaka-konserbatibo ng pagtingin ng dalawa sa Vietnam War, kahit na tila matagal nang may consensus sa kawastuhan ng ipinaglaban noon ng mga Vietnamese, sa laban nila sa mananakop na mga sundalong Amerikano.

Pero sa Les Mis, sa nobela ni Hugo at sa musical, malinaw ang simpatya sa mga nag-aalsa laban sa mapang-aping sistema. Minsan nang sinabi nina Schonberg at Boublil na noong una’y marami ang bumatikos sa kanila sa pagpili sa nobela ni Hugo para gawing musical. Mistulang sagrado kasi sa mga French ang nobela, at ang optimismo ni Hugo sa hinaharap. Pero hindi man kasingtalas ng mga sulatin nina Marx at Engels, kongkreto sa Les Mis ang batayan para umasang magiging maganda ang hinaharap – iluluwal ito ng pagkakaisa at pakikibaka ng mayorya ng inaaping mamamayan para ibagsak ang bulok na lipunan. Rebolusyon – at ang halaga nito para bumuti ang buhay ng nakararami – ang nasa puso ng mensahe ng Les Mis.

Minsan na ring sinabi ng prodyuser ng musical na si Cameron Mackintosh na may universal appeal ang nobela ni Hugo dahil nakikita ng iba’t ibang lahi ng mundo ang kanilang kuwento sa Les Mis. Ito ang kuwento ng kanilang mga bansa at lahi. Dumaan sa panahon ng pag-aalsa laban sa piyudal na pagsasamantala ang mga Europeo, dumaan sa marahas na pagpapatalsik ang dating mga kolonya ng mga bansang Europeo. Ang kuwento ng pagsasamantala at pag-aalsa ay kuwentong pamilyar sa maraming lipunan, at madaling makasimpatya kina Valjean dahil nakikita nila ang sarili nilang kasaysayan sa kuwento nina Valjean.

Fantine (Anne Hathaway) at Jean Valjean (Hugh Jackman), sa pelikulang 'Les Miserables'.
Fantine (Anne Hathaway) at Jean Valjean (Hugh Jackman), sa pelikulang ‘Les Miserables’.

5. Lumalabas na relihiyoso si Hugo. Katoliko siya, at ang ipinapakita niyang Katolisismo sa Les Miserables ay ang Katolisismong maka-mahihirap. Kung hindi man tuluyang sumisimpatiya, kahit papaano’y walang nakikitang mali sa armadong pag-aalsa ang Katolisismo ni Hugo. Katunayan, si Bishop Myriel – ang  nagbigay ng yaman kay Valjean para makapagbagong-buhay – ang tumanggap kay Valjean sa liwanag ng kabilang-buhay sa dulo ng pelikula. At ang kalangitan, umaawit ng “Do You Hear The People Sing?”, ang anthem ng pag-aalsa ng mga rebolusyonaryong nasa barikada. Isang malaking barikada ng mga mamamayan ang Kalangitan ni Myriel. Iwinawagayway ng mga namayapang bayani ng barikada, mula kina Gavroche at Eponine, hanggang sa mga estudyanteng rebelde sa pangunguna ni Enjolras, ang watawat ng rebolusyong burgis ng France na tricolor, gayundin ang proletaryadong watawat na pula.

6. Hindi maitatangging nakakapukaw ng damdamin ang kantang “Do You Hear The People Sing?”— at dahil lamang sa kantang ito, maaaring magkasilbi na sa mga progresibo ang musical. Simpleng anthem ito ng pag-aalsa, pagpapahayag ng pag-asa at pagkakaisa. Magagamit ito sa halos lahat ng konteksto ng pakikibaka. Katunayan, minsan nang narinig ng manunulat na ito ang kantang ito na inawit sa isang aktuwal na kilos-protesta – sa rali ng iba’t ibang lahi at grupo kontra sa World Trade Organization sa Hong Kong noong 2005.

Kapitalistang produkto ang Les Miserables. Pero anumang likhang-sining ay puwedeng magamit ng mga progresibo labas sa naunang intensiyon ng mga naglikha nito. Hangga’t epektibo ito, sang-ayon sa mga gustong makamit ng progresibo, walang dapat pumigil sa kanila na gamitin ito.

7. Simplistiko nga ang pagsasalarawan ng Les Mis sa mahihirap, sa mga Valjean at Fantine ng mundo. Kinakatawan ng dalawang karakter ang extreme na sirkumstansiya ng kahirapan at desperasyon. Pero hindi ba’t parami nang parami ng mga mamamayan ngayon ang natutulak sa parehong sukdulang mga sirkumstansiya? Sa kabila ng mga kahinaan sa kanilang mga karakter (laluna kay Valjean, na nagpayaman at naging makitid ang pananaw sa buhay), positibo nilang kinatawan ang pagiging mahirap, ang pagiging api. Malayung malayo ito, halimbawa, sa sinikal na pagsasalarawan ng mainstream media sa mga mahihirap ng maralitang mga komunidad (mga “iskuwater”), lalo na tuwing may gulo sa rali o sa tangkang demolisyon sa kanilang mga bahay. Malayo ito sa kahit sa pagsasalarawan ng mainstream media sa mga magsasakang lumusob sa tanggapan ng National Anti-Poverty Commission noong nakaraang buwan.

At sa dulo ng pelikula, nasawi man ang mga rebolusyonaryo, umasa si Hugo na magwawagi rin sila. Hindi niya alam kung papaano – lumalabas na sina Marx at Engels ang mas nakaalam – pero umasa siyang pagkatapos ng rebolusyon, darating ang magandang hinaharap, at maririnig ang boses ng mga mamamayan, umaawit.