Pambansang Isyu

Tulong sa biktima ng Bagyong Pablo, sigaw ng mga lumusob sa DSWD


Dinagsa ng iba’t ibang grupo ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) kaninang umaga para kalampagin ang tanggapan ni Sek. Dinky Soliman na ipamahagi na ang relief goods para sa mga nasalanta ng Bagyong Pablo. Kasabay nito ang paglusob ng mga biktima ng bagyo sa tanggapan ng DSWD Region XI at pagkumpiska ng 500 […]

Tagasuporta ng mga biktima ng Bagyong Pablo, lumusob sa DSWD (Darius Galang)
Tagasuporta ng mga biktima ng Bagyong Pablo, lumusob sa DSWD (Darius Galang)

Dinagsa ng iba’t ibang grupo ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) kaninang umaga para kalampagin ang tanggapan ni Sek. Dinky Soliman na ipamahagi na ang relief goods para sa mga nasalanta ng Bagyong Pablo.

Kasabay nito ang paglusob ng mga biktima ng bagyo sa tanggapan ng DSWD Region XI at pagkumpiska ng 500 sako ng bigas at 300 kahon ng noodles mula sa bodega ng ahensiya na hindi umano nagbibigay ng relief.

“Gusto naming iparating sa pamahalaan, partikular sa departamento na ito, na napabayaan nila ang kanilang obligasyon sa mga biktima ng bagyo,” ani Sammy Malunes, tagapangulo ng Koalisyon ng Progresibong Manggagawa at Mamamayan (KPMM). “Pinangakuan sila ni Dinky (Soliman) ng 10,000 sako ng bigas, pero walang natupad sa kanyang komitment.”

Pagkumpiska ng mga mamamayan sa relief goods sa warehouse ng DSWD Region XI (Nico Alconaba)
Pagkumpiska ng mga mamamayan sa relief goods sa bodega ng DSWD Region XI (Nico Alconaba)

Tinuligsa ng KPMM ang korupsiyon sa pamamahagi ng tulong sa mga biktima ng kalamidad sa Compostela Valley at Davao Oriental. Nauna nang nagbarikada ang mga biktima noong Enero 15 para igiit ang relief at hustisya.

“Pinopondohan ng halos P49 Bilyon kada taon (ang DSWD). Obligasyon  nilang tumulong sa ganitong sitwasyon. Anong gusto nilang mangyari sa mga mamamayan, magnakaw?” dagdag ni Malunes.

Sumama sa protesta ang mga nasalanta rin ng mga kalamidad sa Kamaynilaan.

Isa rito si Nancy Abarido, residente ng Bgy. Bagong Silangan at presidente ng Pinagkaisang Lakas ng Mahihirap sa Bagong SilanganNalubog ang kanyang bahay noong habagat at Bagyong Ondoy.

“Alam namin ang pakiramdam ng nabubuhay sa relief goods. Tiniis namin ang NFA rice na nabubulok sa mga bodega ng DSWD. Nararamdaman namin ang nararamdaman ng ating mga kapatid sa Compostela Valley sa balitang kinukurakot ng mga tauhan ng DSWD ang mga donasyong nakalaan para sa kanila,” ani Abarido.

Nang lusubin ng mga grupo, wala sa kanyang opisina si Soliman.

Ikinabahala ito ni Malunes, laluna at papalapit ang eleksiyon. “Out of town siya, siguro sumama sa mga kampanya ng kanyang partido. Ang panawagan namin ay huwag unahin ang pangangampanya, o ang pagtitiyak ng panalo ng Liberal Party sa eleksiyon. Ang tiyakin niya ay ang kapakanan ng mga mamamayan,” sabi ni Malunes.

Bukod sa KPMM, ilang miyembro rin ng kabataan, maralitang tagalungsod sa ilalim ng Anakpawis, kababaihan ng Gabriela, at mga miyembro ng Bayan Muna ang sumali sa paglusob sa DSWD.

Iba pang larawan:

Wala si Soliman nang lusubin ang kanyang opisina. Ani Malunes, posibleng nangangampanya para sa Liberal Party. (Darius Galang)
Wala si Soliman nang lusubin ang kanyang opisina. Ani Malunes, posibleng nangangampanya para sa Liberal Party. (Darius Galang)
Panawagan ng Bayan Muna: Huwag ipagkait ang relief sa mga biktima ng bagyo. (Darius Galang)
Panawagan nila: Huwag ipagkait ang relief sa mga biktima ng bagyo. (Darius Galang)