Nasaan Ang Alpha At Omega?
sa gubat ng sagradong mga pangarap matagal na kitang hinahanap sa pagitan ng dilim at liwanag. hinahanap kita kung dapithapong naghihilamos ng dugo mukha ng naghihingalong araw hinahanap kita kung madaling-araw buwan ay namumutla-nakatulala nasaan ang alpha at omega ng ating pakikibaka? naglumot na ang mga dekada sa pader ng alaala sa daluyong ng habagat […]
sa gubat ng sagradong mga pangarap
matagal na kitang hinahanap
sa pagitan ng dilim at liwanag.
hinahanap kita kung dapithapong
naghihilamos ng dugo
mukha ng naghihingalong araw
hinahanap kita kung madaling-araw
buwan ay namumutla-nakatulala
nasaan ang alpha at omega
ng ating pakikibaka?
naglumot na ang mga dekada
sa pader ng alaala
sa daluyong ng habagat ng inhustisya
ilang mulawin na ang nangabuwal
sa gabi ng mga paglalamay
ng mga aninong walang mukha ni pangalan.
nanunumbat pa rin sa kalawakan
panaghoy ng inaaliping lahi
sa bawat pagpatak
ng mga talulot ng luha ng dalamhati.
nasaan ang alpha at omega
ng ating pakikibaka?
nasa humihiyaw bang lansangan ng mendiola
sa kadensa ng laksang sapatos ng protesta
laban sa mga diyus-diyosang mapagsamantala?
o nasa kagubatan ng pagsinta
habang nagbabanyuhay ang mga damo
mga talahib ay nag-aalipato?
nasa melodiya ba ng mga punglo at bomba
laya’t ligaya ng ating la tierra pobreza?
nasaan ang alpha at omega
ng ating pakikibaka?
habulin-apuhapin maging sa balumbon
ng abuhing ulap
huwag bayaang tangayin ng habagat
himagsik ng mga sawimpalad
dadaloy rin sa dibdib at ugat ng masa
dugo ng natipong ngitngit ng mga dekada
mamumukadkad din sa hardin ng adhika
pulang mga rosas ng ating alpha at omega
sa walang humpay na pakikibaka
oo, para sa pinakasisintang la tierra pobreza!