Kababayan Migrante

SOS!


Nanganganib ngayon ang ating mga kababayang istranded sa Kingdom of Saudi Arabia. Nahaharap sila sa deportasyon ng gobyernong Saudi bunga ng programang Nitaqat na siyang bersiyon ng KSA ng lokalisasyon ng empleyo. Hindi na bago ang “lokalisasyon” ng mga bansang nag-i-import ng dayuhang mga manggagawa. Dahil kapag may krisis sa daigdig, parang korong umaawit ang […]

Nanganganib ngayon ang ating mga kababayang istranded sa Kingdom of Saudi Arabia. Nahaharap sila sa deportasyon ng gobyernong Saudi bunga ng programang Nitaqat na siyang bersiyon ng KSA ng lokalisasyon ng empleyo.

Hindi na bago ang “lokalisasyon” ng mga bansang nag-i-import ng dayuhang mga manggagawa.

Dahil kapag may krisis sa daigdig, parang korong umaawit ang labor-importing countries na bibigyan ng trabaho ang lokal na mga mamamayan – para pahupain ang kanilang diskuntento – sa pamamagitan ng pag-kontrol sa pasok at labas sa mga migrante.

Para bang tayo ang lumikha ng krisis. Para bang dahil nga sa atin ay nawawala ang mga trabaho. Para bang mga linta tayo na walang ginagawa kundi manipsip lamang ng serbisyo.

Kung tutuusin, hindi ba tayo’y mismong iniluwal ng krisis at ang murang lakas-paggawa ng migrante ay isa sa pangunahing pinipiga para hindi lubusang sumabog ang krisis?

Panakip-butas sa ugat ng problema – ‘yan ang trato sa mga migrante. Scapegoat, ika nga, na nagpapaypay pa sa diskriminasyon, xenophobia, sobinismong pambansa at sa panghahati sa hanay ng mga manggagawa.

Samantala bilang labour-exporting country, tipikal din ang tugon ng gobyerno ng Pilipinas sa ganitong sitwasyon: WALA.

Dahil sa pagpalo ng krisis, ang tanaw agad ng pamahalaan ay kung paano hindi maapektuhan ang industriya ng labour export program (LEP). Sa hina ng pundamental na kalagayang pang-ekonomiya ng Pilipinas, ang tanging tugon nito sa krisis ay isustine ang walang-patid na kita mula sa LEP sa pamamagitan ng pagsasawalang-kibo sa mga patakaran ng ibang bansa na lumalabag na sa karapatan ng mga migrante, o kaya nama’y pag-postura ng ban sa deployment sa ibang bansa subalit todo-bukas naman sa iba.

Lokalisasyon man o labour-export, ipit sa gitna ang mga migranteng manggagawa.

Disente at makabubuhay na trabaho sa Pilipinas: ‘yan ang nasa ubod ng hinihinging rescue ng mga migranteng Pilipino, sa KSA man o sa ibang panig ng mundo.