Pluma at Papel

Musika Mo’y Minamahal Ko


(Tula — malayang salin ng orihinal kong Your Music I Love) musika mo’y minamahal ko mga tunog ng tambol sa maitim, nananangis na gabi umaatungal na ritmo ng mga putok ng baril sa labirinto ng kaisipan ko hitik sa sumisikdong kadensang humahagupit na lintik sa gulugod ko naglulundo sa dagundong ng sumabog na mga bombang […]

(Tula — malayang salin ng orihinal kong Your Music I Love)

musika mo’y minamahal ko
mga tunog ng tambol
sa maitim, nananangis na gabi
umaatungal na ritmo
ng mga putok ng baril
sa labirinto ng kaisipan ko
hitik sa sumisikdong kadensang
humahagupit na lintik sa gulugod ko
naglulundo sa dagundong
ng sumabog na mga bombang
nanunuot sa kaluluwa at pandinig ko.

musika mo’y minamahal ko
dumadagok sa pandama ko
ginigising ako nang husto
pinaluluwang mga mata at ilong ko
at nginangatngat himaymay ng puso ko
humihimig ito ng mga notang mapanghimagsik
sa dugong dumadaloy sa aking mga ugat
pinupuno kalis ng katauhan ko
ng mainit na agos ng rumaragasang mithiin
para sa akin at sa iyo
para sa namimighati nating mga supling
sa ilalim ng ginintuan, di madakmang araw
upang, sa wakas,
mabulas na mamukadkad magpakailanman
kinandiling pula, pulang mga rosas
sa hardin ng walanghanggang pangarap.

musika mo’y minamahal ko
pinag-aalab nito himaymay ng laman ko
para sinlakas ng kulog na murahin, durugin
nananakmal, mapaminsalang mga diyus-diyosan
nililinis nito ang kaluluwa ko
upang siilin ng halik
buong timyas na yakapin sagradong mga adhikain
pinatatalas nito ang paningin ko
upang makita nakasusulukasok
na mga kabalintunaan sa lipunan
at nagnanana nitong mga pigsa
at nagdaralitang buhay ng masa.

musika mo’y minamahal ko
ipinaririnig nito sa akin tagulaylay
ng uring dayukdok at alipin
lirika nito’y kumukulo sa pagaspas ng amihan
itinataboy itim na balumbon ng mga ulap
sa papawirin ng kawalang-pag-asa
koro nito’y hitik sa alimura
tinatagpas ng matatalim na mga salita
ulo ng iilang hari-harian
sa nabubulok, nangangalingasaw na palasyo
ng abusadong mga hari’t senturyon
ng kasakiman at inhustisya.

musika mo’y minamahal ko
lagi’t laging pumapailanlang
mga nota ng naghuhumindig na pag-asa
mga lirika ng patuloy na pakikibaka
ng inaaliping sambayanang masa
silang itinanikala ng luha’t dalamhati
sa lupaing binaog, kahabag-habag kong bayan…
sa la tierra pobreza ng di matingkalang dusa
at himlayang lagi ng araw-gabi kong mga pangarap
oo, musika mo’y minamahal ko
dahil sa naglalagablab, mapagpalaya
at rebolusyonaryo nitong lirika!