Si Lean sa bagong henerasyon ng kabataang Pinoy


Kilalang kilala ng mga kabataang Pinoy na middle class ngayon ang mga produktong pangkultura mula sa Kanluran na katulad ng Glee at Smash (mga musical sa telebisyon mula sa Hollywood, US) at iba pang musical mula sa Amerika at Europa. Pero, ang hindi alam ng marami, may mga musical na likha ng mga artistang Pilipino — […]

Dalawang "Lean", kapwa lider-kabataan: (Kaliwa) Vencer Crisostomo at Third Alub. (Macky Macaspac)
Isang eksena sa LEAN, base sa Lean The Musical ni Gary Granada.
Isang eksena sa LEAN, base sa Lean The Musical ni Gary Granada. (Pher Pasion)

Kilalang kilala ng mga kabataang Pinoy na middle class ngayon ang mga produktong pangkultura mula sa Kanluran na katulad ng Glee at Smash (mga musical sa telebisyon mula sa Hollywood, US) at iba pang musical mula sa Amerika at Europa. Pero, ang hindi alam ng marami, may mga musical na likha ng mga artistang Pilipino — na mas makabuluhan at may halaga sa atin ngayon kumpara sa anumang nilikha sa Broadway, Hollywood o West End.

Isa na rito ang Lean The Musical, musical na tungkol sa buhay ng kabataang lider-aktibista na si Lean Alejandro. Sinulat ito ng tanyag na kompositor na si Gary Granada, at unang tinanghal noong dekada ’90, tampok ang mga icon na sa Pinoy rock na sina Chickoy Pura, Cookie Chua at Bayang Barrios.

Ngayong Setyembre, itatanghal ang LEAN, isang musical na batay sa likha ni Gary Granada. Inihahandog ito ng UP Repertory Company at Sinagbayan, isang progresibong grupong pangkultura. Ginamit ng bagong produksiyon ang ang musika ni Granada, pero nilapatan ito ng bagong bisyon at iskrip. Dinirehe ito ni Kathryn Manga, artistang panteatro mula sa Sinagbayan at alumna ng UP Rep. Nilapatan ng progresibong musiko na si Karl Ramirez ng bagong musical arrangement ang music and lyrics ni Granada.

Dalawang "Lean", kapwa lider-kabataan: (Kaliwa) Vencer Crisostomo at Third Alub. (Macky Macaspac)
Dalawang “Lean”, kapwa lider-kabataan: (Kaliwa) Vencer Crisostomo at Third Alub. (Macky Macaspac)

Kung malalaking pangalan ng Pinoy rock ang nagtanghal sa orihinal na Lean The Musical, aktuwal na mga kabataan at estudyanteng aktibista naman ang  mga magsisipagtanghal sa bagong LEAN. Pinangungunahan ito ni Vencer Crisostomo, kilalang progresibong lider-kabataan at tagapangulo ngayon ng Anakbayan, at ni Odraude “Third” Alub, isa ring lider-kabataan mula sa University of the Philippines-Los Banos.

Hindi man “propesyunal” na mga mang-aawit at aktor, dala ng mga kabataang cast ng LEAN ang aktuwal na pag-iisip at emosyon ng mga aktibista sa kanilang pagtatanghal ng mga aktibistang karakter.

Sa panahon ng malawakang paglaban sa pork barrel at kampanya para sa dagdag-badyet sa mga serbisyong panlipunan tulad ng edukasyon, napapanahon ang pagsasabuhay sa entablado ng buhay ni Lean Alejandro. Huwarang aktibista si Lean na matapang na pinamunuan ang kilusang estudyante sa UP at sa buong bansa noong panahong umiinit ang malawak na paglaban sa diktadurang Marcos. Panahon na ng administrasyon ni Corazon Aquino, nang pangkalahatang kalihim na siya ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), nang paslangin ng pinaghihinalaang mga militar si Lean, noong 1987.

Hustisya pa rin hanggang ngayon ang hangad para kay Lean — tulad ng hustisyang hangad para sa maraming kabataan at iba pang lumalabang mamamayan na pinaslang mula noong panahon ng diktadurang Marcos hanggang ngayon.

 

Ipapalabas ang LEAN ngayong Setyembre 9, 14, 16, 21 (3pm at 7pm) at Setyembre 13 at 20 (7pm lang) sa Dalisay Aldaba Recital Hall, UP Diliman, Quezon City. Para sa mga katanungan hinggil sa tickets, kontakin si Jenica (09163210485). Presyo ng tiket: 250php, at 200php para sa mga estudyante ng UP.