Tatlong indibidwal, grupo pinarangalan sa Gawad Bayani ng Kalikasan


Muling pinarangalan ang kabayanihan ng mga indibidwal at grupo na nagtataguyod sa kagalingan ng kalikasan sa pamamagitan ng pagkilala sa kanilang mga natatanging ambag sa pagprotekta sa kapaligiran gayundin sa mga buhay na nakikinabang dito. Tatlong indibidwal at tatlong organisasyon ang ginawaran ng parangal sa ikatlong Gawad Bayani ng Kalikasan nitong Disyembre 5 sa Bureau […]

Mga tumanggap ng Gawad Bayani ng Kalikasan ngayong taon. (Coleen Soriano)
Mga tumanggap ng Gawad Bayani ng Kalikasan ngayong taon. (Coleen Soriano)

Muling pinarangalan ang kabayanihan ng mga indibidwal at grupo na nagtataguyod sa kagalingan ng kalikasan sa pamamagitan ng pagkilala sa kanilang mga natatanging ambag sa pagprotekta sa kapaligiran gayundin sa mga buhay na nakikinabang dito.

Tatlong indibidwal at tatlong organisasyon ang ginawaran ng parangal sa ikatlong Gawad Bayani ng Kalikasan nitong Disyembre 5 sa Bureau of Soil Management sa Quezon City.

Isinasagawa kada dalawang taon, ito ang ikatlong pagkakataon na idinaos ang pagkilala ng Center for Environmental Concerns (CEC) mula nang inilunsad ito noong 2009.

Ang mga indibidwal na binigyan ng gawad ay sina Rodne Galicha, Armin Marin at Wilhelm Geertman habang Ang Magsasaka at Siyentipiko para sa Pag -unlad ng Agrikultura, Inc. (Masipag)  at Kababaihang Nagkakaisa ng Bihirang Lakas (KNBL) ang nabigyan ng gawad pang-organisasyon.

“Hindi lang ito para sa kanilang kagitingan,” sambit ni Frances Quimpo, executive director ng CEC-Philippines, sa bahagi ng kanyang talumpati. “Sa kabila ng kasalatan sa yaman at kakayanan ay patuloy silang umiigpaw at lumalaban sa mga pagsubok at sinisikap na kamtin ang nararapat na kasiglahan at kaayusan para sa ating mga mamamayan.”

Sa taong ito, pinarangalan ng CEC ang mga babae at lalaking patuloy na nakikibaka para sa kalikasan at karapatan ng mga mamamayang Pilipino. Bagamat may kani-kaniyang adbokasiya at inisyatiba ang mga pinarangalan ngayon, nagkakaisa naman sila sa iisang layunin, ang katuparan ng ligtas at maayos na kapaligiran para sa mga Pilipino.

Inihalintulad ni Quimpo ang kadakilaan ng mga tumanggap ng gawad kay Gat Andres Bonifacio kaugnay ng ika-150 taong anibersaryo ng Supremo ng Katipunan.

Most Distinguished Awardee ngayong taon ang lider-katutubo na si Jomorito Goaynon ng Kalumbay Regional Lumad Organization. (Coleen Soriano)
Most Distinguished Awardee ngayong taon ang lider-katutubo na si Datu Jomorito Goaynon ng Kalumbay Regional Lumad Organization. (Coleen Soriano)

Hinirang naman bilang Most Distinguished Awardee ang Kalumbay Regional Lumad Organization para sa edisyong ito ng Gawad.

“Malaking karangalan sa organisasyon namin sa Kalumbay ang ibinigay ng Gawad Kalikasan dahil binhi ito para sa pagpapalakas pa sa aming pakikibaka para protektaha ang kalikasan, lupa at lalung lalo na ang buhay para sa susunod na henerasyon, at sa paglawak pa ng aming kampanya laban sa pagsira ng kalikasan lalo na sa pagpasok ng malalaking kompanya ng plantasyon, mina at iba pa sa Northern Mindanao ” ayon kay Datu Jomorito Goaynon.

Nagpasalamat din si Aprilyn Perido, field operation head ng Alay Bayan Luson Inc. para sa post-humous na gawad para sa kanilang yumaong executive director na si Wilhelm Geertman.

Sinabi ni Perido na magsisilbi itong inspirasyon para sa mga susunod pang mga bayani ng kalikasan, at ipagpapatuloy ng Alay Bayan Luson Inc. ang kanyang adbokasiya para sa pagtatanggol ng kalikasan.

“Kung buhay pa si Kuya, dahil Kuya ang tawag namin sa kanya,” ani Perido. “Sinisiguro naming matutuwa siya at magiging inspirasyon siya sa lahat hindi lang sa amin bilang staff at mga katrabaho kundi maging sa mga susunod pang henerasyon na nais magtanggol ng ating kalikasan.”

Ipinaliwanag ni Quimpo na maganda ang hanay ng mga grupong tumanggap ng gawad para sa taong ito dahil nakita niya ang representasyon mula sa iba’t ibang mga sektor. “Mayroong katutubo, may kababaihan, mayroon din na mga propesyunal, at mayroon sa agrikultura,” wika niya pa.

Sinabi pa ni Quimpo na nagkataon din lamang halos na may tema ukol sa paglaban sa genetically modified organisms ang pagkakapili sa ilang tumanggap ng gawad, tulad ng Masipag na bukas sa kanilang adbokasiya ukol sa naturang teknolohiya.

Ipinaglalaban ng Masipag ang kagalingan ng maliliit na magsasaka, ang pag-unlad ng kalidad ng kanilang buhay, gayundin ang pagkontrol ng mga magsasaka sa sustenableng paggamit ng rekursong genetic at biological, produksyong pang-agrikultura at kaalaman.

Binanggit din ng Gawad ang pagsusulong ng Masipag ng kampanya para protektahan ang karapatan ng mga magsasaka na malayang mag-imbak, muling gumamit at magparami ng binhi at palaganapin ang mga teknolohiyang sustenable at kontrolado ng mga magsasaka.

Ang Masipag ay isa rin sa mga nagpetisyon sa pagsasampa ng Writ of Kalikasan laban sa pagtesting ng Bt talong na kinatigan ng Court of Appeals sa desisyon nito noong Setyembre 20, 2013.

“Hindi tayo anti-technology per se, kailangan lang tayong maging maingat lalo na’t mga bagong teknolohiya iyan at hindi pa natin naaaral ang magiging epekto ng mga ito sa kalikasan,” ani Quimpo.

Ang mga nabigyan ng Gawad Bayani ng Kalikasan ngayong taon ay kabilang na sa mga bayani ng kalikasan na nauna nang pinarangalan tulad nina Dr. Gerry Ortega, Leonard Co, Datu Tomas Ito, Cordillera Peoples’ Alliance, at iba pa.