La Viña, Akap Ka Manila Bay, pinarangalan
Kinilala sa 8th Gawad Bayani ng Kalikasan si Antonio La Viña at Akap Ka Manila Bay sa kanilang adhikaing pangkalikasan at patuloy na pagtatanggol sa mga komunidad na apektado ng pagkasira ng kapaligiran.
Pinarangalan ang abogadong si Antonio La Viña at ang organisasyong Alyansa ng mga Mamamayan para sa Pagtatanggol sa Kabuhayan, Paninirahan at Kalikasan ng Manila Bay (Akap Ka Manila Bay) sa 8th Gawad Bayani ng Kalikasan sa University of the Philippines Diliman, Quezon City noong Okt. 12.
Kinilala si La Viña, isang environmental justice advocate lawyer, at binigyang-diin sa wikang Ingles ang halaga ng pakikiisa, “Tumungo sa mamamayan, makipamuhay sa kanilang pakikibaka. Hindi mo matatalakay ang katarungang pangklima kung hindi mo mismo mararanasan ang kawalan ng katarungang pangklima sa mga katutubo, magbubukid, manggagawa, maralitang lungsod at iba pang sektor.”
Liban kay La Viña, binigyan din ng kapantay na pagpupugay ang Akap Ka Manila Bay na patuloy na nangunguna sa pagtatanggol sa mga karapatan ng mga komunidad sa baybayin ng look laban sa mga mapaminsalang proyektong reklamasyon.
Kinilala din sina Grizelda Mayo-Anda, abogado at tanggol-kalikasan; Charito Medina, siyentipiko na nagtataguyod ng sustainable farming practices; at Nestor Rotaquio, magsasaka at lider-pambansang minorya na nangunguna sa mga lokal na kampanya laban sa ilegal na pagmimina.
Ayon kay Mayo-Anda, “Tayo ay kumukuha ng inspirasyon at lakas sa mga mangingisda at magsasaka habang tayo ay naglalakbay. Napakalaki ng hamon sa mga abogadong nagsisilbi dahil ang hamon ay tumitindi.”
Ginawaran din ang Katipunan ng mga Lehitimong Magsasaka at Mamamayan sa Lupang Ramos (Kasama-LR) na matapang na ipinaglaban ang kanilang karapatan sa lupa at kalikasan laban sa pang-aabuso ng mga ahente ng estado; ang Pangasinan People’s Strike for the Environment (PPSE) na nangunguna sa pakikibaka laban sa mga minahan sa kanilang lalawigan; at ang Wild Bird Club of the Philippines, isang organisasyong nagtataguyod ng conservation ng mga ibon at buhay-ilang sa bansa.
Nagsisilbing plataporma ang Gawad Bayani ng Kalikasan ng Center for Environmental Concerns (CEC) upang itanghal ang mga indibidwal at organisasyon para hikayatin ang mas malawak na mamamayan na makilahok sa mga inisyatibang ekolohikal sa gitna ng mga banta sa kalikasan na kinakaharap ng bansa—mula sa polusyon, pagkawala ng mga kagubatan hanggang sa pagbabago ng klima.
Ani CEC executive director Lia Mai Torres, nawa’y magsilbi ang mga parangal at pagkilala bilang lakas ng mamamayan sa patuloy na pagtatanggol sa mga karapatang pangkalikasan ng mamamayan sa gitna ng matinding pagsubok at atake sa kapaligiran at taumbayan.