Patuloy na pagtaas ng matrikula, tinalakay sa Kongreso
Dahil walang ibang maaasahan na magmamana at magpapatuloy ng lipunan kundi ang kabataan, walang dahilan ang gobyerno para hindi masiguro na mabigyan ng karapatan ang mga mamamayan ng kalidad at abot-kayang edukasyon. Pero sinabi ng mga kritiko ng gobyerno sa sektor ng edukasyon, sa halip na makapasok ang kabataan sa mga pamantasan para magkaroon ng […]
Dahil walang ibang maaasahan na magmamana at magpapatuloy ng lipunan kundi ang kabataan, walang dahilan ang gobyerno para hindi masiguro na mabigyan ng karapatan ang mga mamamayan ng kalidad at abot-kayang edukasyon.
Pero sinabi ng mga kritiko ng gobyerno sa sektor ng edukasyon, sa halip na makapasok ang kabataan sa mga pamantasan para magkaroon ng kalidad na edukasyon, tila lalo lamang silang naitutulak palayo dito. Taun-taon kasi ang pagtataas ng mga bayarin sa mga pamantasan–kapwa sa pribado at pampublikong mga pamantasan.
Sa Consultative Forum On Students’ Rights and Regulation of Tuition and Other Fees sa Kamara kamakailan, dinala ng iba’t ibang grupo ng estudyante ang hinaing na ito kontra sa gobyerno.
Pinangunahan ang nasabing pagtitipon ng Kabataan Party-list, National Union of Students of the Philippines (NUSP), College Editors Guild of the Philippines (CEGP), Student Christian Movement of the Philippines (SCMP), at iba pang organisasyon ng kabataan na nilahukan ng iba’t ibang pribado at pampublikong pamantasan.
Di-abot kaya
Base sa datos ng NUSP na isinumite sa Committee on Higher and Technical Education (CHTE) ng Kongreso, mula taong 2001 ay nasa P439.59 lamang ang average na binabayarang matrikula sa National Capital Region at P257.41 naman sa pambansang saklaw.
Sa taong 2012, nasa P536.31 na ang sa NCR at P1,078.60 naman ang sa pambansang saklaw pagdating sa average ng matrikula.
Noong nakaraang taon, nasa 354 higher education institutions (HEIs) ang inaprubahan ng CHED para magtaas ng matrikula. Sa taong ito, nangangamba ang NUSP na muling maulit ang pagtataas ng matrikula dahil sa kakulangan ng CHED na pigilan ang mga ito.
Ilan sa mga pamantasan na inaasahang magtataas ng matrikula ngayong taon base sa datos ng NUSP: ang Central Mindanao University (40%), University of St. Louis Tuguegarao (15%), Ateneo de Naga University (5%), De La Salle University (5%), University of the East (3.5%), Far Eastern University (5.6%), University of Sto. Tomas (7-8%), National University (2.6-10% para sa mga freshman), at Caraga State University (3-10%).
Dahil dito, nangangamba ang mga lider-estudyante na maraming mag-aaral sa pribadong mga pamantasan ang magsilipat sa pampublikong mga pamantasan.
Pero ayon sa NUSP, nagtataas din ang state universities and colleges (SUCs) ng matrikula at mga bayarin dulot ng mababa at di-sapat na pondong ibinibigay dito ng administrasyong Aquino. Sistematikong tinatalikuran ni Aquino ang tungkuling pondohan ng gobyerno ang tertiary education, kung pagbabatayan ang mismong programa nito na Roadmap to Higher Education and Reforms (Rpher).
Ayon sa Kabataan, nasa 26 ang tinatayang SUCs na makakaranas ng kaltas sa badyet sa susunod na taon. Pito sa mga makakaltasang ito ay mula sa mga lugar na nasalanta ng bagyong Yolanda. Kabilang sa makakaltasan ang Leyte Normal University, Eastern Visayas State University, Naval State University, Mindanao State University, at University of the Philippines System.
Bukod pa sa matrikula, problema rin ng mga mag-aaral sa parehong pampubliko at pribadong eskuwelahan ang mataas na miscellaneous fees. Pakiramdam ng mga estudyante, ayon sa Kabataan, pinipiga lamang sa kanila ang mga bayaring ito, lalo pa’t kadalasa’y di nila maintindihan at hindi nila maramdaman kung saan napupunta ang mga sinisingil.
Kabilang na rito ang tinatawag nilang redundant fees gaya ng may athletic fee na may PE (physical education) fee, sports development fee pa. Mayroon ding energy fee at air-con fee.
Nasa exorbitant fees naman ang sinasabi nila na malayung-malayo sa aktwal na presyo gaya ng ID na nasa P200 lamang ang market price pero nasa P1,000 ang nagiging singil sa mga mag-aaral.
Dubious fees naman iyung di-maipaliwanag kung saan napupunta ang sinisingil, gaya ng donation fee, spiritual fee, power plant development fee, security fee, development fee, at organization fee.
Dagdag pa umano sa mga pasanin ng mga mag-aaral ang mga polisiya gaya ng “No permit. No exam policy” at “No promissory note policy.”
Kumplikasyon ng CMO 3
Ayon kay Isabel Ilayo, opisyal ng CHED na siyang sumagot sa mga paratang ng mga mag-aaral sa Kongreso, may katotohanan ang mga pagtaas na nasabi ng mga mag-aaral pero dumaan umano ang mga ito sa konsultasyon at rekisitos na nakasaad ayon sa CHED Memorandum No. 3-2012.
Paliwanag pa ng CHED na kasama ang NUSP sa pagbubuo ng CMO 3 na siyang sinusunod ngayon ng mga pamantasan kaugnay ng pagtatas ng matrikula.
Pero giit ng NUSP, bogus ang mga konsultasyon sa mga pamantasan dahil napakaluwag ng Ched pagdating sa pagtatas ng matrikula dahil na rin mismo sa CMO 3, kaya may reserbasyon na sila dito noong una pa.
Tinanong naman ni Rep. Lawrence Lemuel Fortun kung may mekanismo ba ang CHED para malaman kung tama ba ang mga impormasyon na binibigay sa kanila (ng mga administrador ng pamantasan) para magtaas ng matrikula base sa CMO 3.
Sagot ni Ilayo, sa ibang grupo pa nila ito ipinapatingin kung tama ang mga dokumento na ibinibigay sa kanila dahil sa kakulangan umano nila ng tao sa nasabing komisyon. Kaya sinabi niya sa mga mag-aaral na tulungan sila at iulat ang mga pamantasan na lumalabag dito.
Pero ayon kay Sheryl Alapad ng NUSP, nagsumite sila ng reklamo noong 2013 sa CHED base sa nakasaad sa CMO 3 pero nawala umano ito ng nasabing komisyon. Napag-usapan na rin mismo ito kasama ang Ched sa kanilang naunang dialogo pero hindi pa rin umano umaaksyon ang CHED.
“Ang haba ng panahon bago umaksyon ang CHED sa mga reklamo ng mga mag-aaral base na rin sa proseso kaya inaabutan ito ng pasukan. Kaya mahirap nang maibalik sa mga mag-aaral kapag nasingil na sa kanila ang mga bayaring ito sa bagal ng aksyon ng CHED,” ayon kay Alapad.
Ayon kay Rep. Roman Romula, chairman ng CHTE, mahihirapan na magtiwala ang mga mag-aaral sa proseso ng CMO 3 dahil isang taon ang lumipas at walang naging konkretong aksyon ang CHED tungkol dito.
Tinanong naman ni Kabataan Rep. Terry Ridon sa CHED kung pinapayagan ba nila ang pagtataas ng matrikula sa mga pamantasan base sa procedure o compliance ng mga pamantasan (sa sinasaad ng CMO 3) o base sa determinasyon ng pagiging resonable ng pagtataas.
Pero tulad ng mga naunang sagot, pawang general statements at malalabo ang karamihan sa naging sagot ng Ched na ikinadismaya ng mga mag-aaral.
“Ang naririnig namin ngayon ay pawang mga recycled answers. Inako na nga ng mga mag-aaral ang pagbabantay sa tuition increases na dapat CHED ang gumagawa. Mahirap iyon para sa amin na nag-aaral na kami, nagbabantay pa kami ng bayarin. Kaya ang gusto sana namin ngayon ay concrete answers (mula sa kanila) para malaman namin kung may aasahan pa ba kami sa CHED (o wala na),” ayon kay Cleve Arguelles, mula sa Unibersidad ng Pilipinas.
Ayon naman kay Einstein Recedes ng Student Christian Movement of the Philippines (SCMP), hindi na dapat naghihintay ang CHED ng reklamo mula sa mga mag-aaral para umaksiyon dahil kung titignan milyong-milyong piso umano ang kinikita ng maraming pamantasan.
“Mismong datos na ng gobyerno ang nagpapakita ng bilang ng hindi nakakapag-aral sa kolehiyo dahil sa taas ng matrikula. Dito pa lamang dapat naaalarma na ang CHED sa bilang ng mga drop-outs at mga hindi nakakatuntong ng kolehiyo,” ayon kay Recedes.
Ayon naman kay Ilayo, nasa mga regional offices ang pagpapasya kung papayagan nila ang pagtaas ng mga matrikula kung nakasunod ang mga ito sa mga rekisito ng CMO 3. Hindi rin naman daw pinapayagan ang lahat ng pamantasan na magtaas. Kaya sa 451 na pamantasan na may proposal magtaas noong 2013, nasa 354 lamang ang pinayagan.
Tinatanggalan ng karapatan
Ang kawalan ng demokratikong karapatan ng mga mag-aaral sa loob ng mga pamantasan ang isa rin sa itinuturong dahilan ng pagtataas ng matrikula.
Ayon sa College Editors Guild of the Philippines (CEGP), nakapagtala sila ng mahigit 230 campus press freedom violations noong nakaraang taon sa buong bansa. Karamihan umano sa mga publikasyon, nakakaranas ng harassment mula sa administrasyon kapag nilalaman ng kanilang mga publikasyon ang tungkol sa pagtaas ng matrikula at iba pang bayarin at mga polisiyang nakakaapekto sa mga mag-aaral sa mga pamantasan.
“Paano magkakaroon ng demokratikong partisipasyon ang mga mag-aaral sa mga pamantasan pagdating sa usapin ng pagtaas ng matrikula kung hindi nila malalaman ang mga panukalang pagtaas dahil hindi sila hinahayaang maglabas ng ganitong mga isyu sa kanilang publikasyon?” ayon kay Mark Lino Abila, pangkalahatang-kalihim ng CEGP.
Ayon kay Recedes, mismong mga student handbook ang ginagamit para sikilin ang karapatan gaya ng karapatan ng mga ito na organisahin ang mga sarili at karapatang makapagpahayag sa mga isyu sa pamantasan.
“Maraming mga pamantasan ang hindi pinapayagan ang kanilang mga mag-aaral na magtayo ng mga organisasyon lalo na iyong mga progresibong organisasyon na nagtataguyod ng karapatan ng mga mag-aaral. Bawal silang maging miyembro ng LFS (League of Filipino Students), CEGP o NUSP. Kaya ang tanong natin sa CHED, ano ba ang mas mataas; ang Konstitusyon ng Pilipinas o ang student handbook?” ayon kay Recedes.
Dagdag naman ni Sorsogon Rep. Evelina Escudero, pawang “do’s and don’ts” ang makikita sa mga student handbook at hindi nakasaad ang mga karapatan ng mga mag-aaral.
Ayon naman kay Ilayo, nakasaad sa bagong CHED Memorandum No. 9 na kanilang inilabas ang karapatan ng mga mag-aaral para magkaroon ng organisasyon.
Para naman kay Ridon hindi sasapat ang CHED Memorandum No.9 para masiguro ang mga demokratikong karapatan ng mga mag-aaral. Kailangang maglabas ng memorandum ang CHED kaugnay ng mga karapatan ng mga mag-aaral habang hinihintay ang kanilang isinumiteng panukalang batas kaugnay nito sa Kongreso.
CMO 3 magpapatuloy
Kaugnay nito, bibigyan umano nila ng panahon ang CHED para maayos ang problema sa CMO 3 kaugnay ng pagtataas ng matrikula, ayon kay Romulo sa panayam ng Pinoy Weekly.
Aniya, nakitang mabagal ang nagiging aksyon ng CHED para alamin kung resonable ba ang pagtaas ng mga matrikula o kung ginamit ba nang tama ang CMO 3.
Ang CMO 3 pa rin ang siyang pagbabatayan ng CHED kaugnay ng mga panukalang pagtaas ng bayarin sa mga pamantasan, ayon naman kay Ilayo sa panayam ng Pinoy Weekly.
Habang wala pang malinaw na gagawing hakbang ang CHED sa panawagan ng mga mag-aaral at dinidinig pa rin sa Kongreso sa kasalukuyan ang mga hinaing ng kabataan, mananatiling milyung kabataan pa rin ang hindi makakapasok sa mga pamantasan at milyung kabataan sa kasalukuyan ang patuloy na pinagkakakitaan.
Pero wala sa mga mag-aaral at kabataan ang makikipagtitigan lamang at hayaang patuloy silang nakawan ng kanilang karapatan na matagal nang naipagkakait sa maraming mamamayan.