Main Story Pambansang Isyu

‘Great awakening’: Kung paano pagsisikapan ang kampanyang pirma vs. pork barrel


Isa sa mga nauna sa pila sa pagpirma ng petisyon kontra pork barrel ang 68-anyos na si Betty Duja, taga-Brgy. Basac Pardo, Cebu City. “Lalong nagiging degraded ang ating bansa dahil sa pork barrel. Dati, wala tayong kaalam-alam tungkol sa paggasta sa ating budget. Ngayon, malinaw na lalong naghihirap ang mga Pilipino dahil sa mga […]

signupvspork cebu
Kailangan ang anim na milyong pirma para maipasa ang isang batas na magtatanggal sa pork barrel. Ilang-Ilang Quijano

Isa sa mga nauna sa pila sa pagpirma ng petisyon kontra pork barrel ang 68-anyos na si Betty Duja, taga-Brgy. Basac Pardo, Cebu City. “Lalong nagiging degraded ang ating bansa dahil sa pork barrel. Dati, wala tayong kaalam-alam tungkol sa paggasta sa ating budget. Ngayon, malinaw na lalong naghihirap ang mga Pilipino dahil sa mga ‘nasa itaas’ na sarili lamang nila ang iniisip, aniya.

Isang lector sa kanyang parokya, desidido si Nanay Betty na makakalap ng maraming pirma para sa people’s initiative. Regular siyang bumibisita sa mga preso sa Cebu City Jail—at layunin niyang papirmahin ang bawat isa sa 2,700 na preso dito.

Hindi birong kampanya ang people’s initiative. Kung tutuusin, para itong kampanya sa eleksiyon. Para magtagumpay, kailangan ang pirma ng 10% ng mga rehistradong botante sa buong bansa, at 3% naman sa bawat distrito.

Bawat distrito ang pagpapapirma sa people's initiative. Ilang-Ilang Quijano
Bawat distrito ang pagpapapirma sa people’s initiative. Ilang-Ilang Quijano

Ngunit kaiba sa eleksiyon, walang pulitiko na magpopondo para sa kampanyang ito. Kundi, ang mga mamamayan mismo ang kikilos—gamit lamang ang kanilang pagkakaisa, oras, at limitadong rekurso.

Sa People’s Congress na ginanap sa Cebu City noong Agosto 23, sabik ang mga lider mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa na umpisahan ang makasaysayang kampanyang ito. Nagbuo ang kongreso ng mga coordinating committee sa antas pambansa, probinsya, at distrito para masigurong makalap ang tinatayang anim na milyong pirmang kailangan.

Ang mga pirma para sa people’s initiative ay kokolektahin bawat distrito at isusumite sa lokal na Commission on Elections (Comelec) para sa beripikasyon. Saka ito kokolektahin sa pambansang antas para sa isang petisyon na isusumite sa Comelec national. Target ng People’s Initiative Against Pork Barrel na maisumite na ang petisyon sa Enero 2015.

Para mabigyan ng oras ang lokal na Comelec na i-verify ang mga pirma, kailangan umanong makalap na ang mga ito sa Nobyembre 30—o sa loob ng tatlong buwan.

Ayon kay Marc Lino Abila, tagapangulo ng College ng Editors Guild of the Philippines at convenor ng Youth Act Now, agad silang magpapatawag ng pulong ng mga campus publication. “Sila ang magiging daan sa mga eskuwelahan at komunidad para ipaalam sa mga estudyante at mamamayan kung ano ang people’s initiative at kung bakit ito kinakailangan,” aniya.

Idiniin ng People’s Congress na isang malawakang kampanyang impormasyon at edukasyon ang kailangan para magtagumpay. Ngunit tila handa para dito ang iba’t ibang organisasyon.

Kasama ang pork barrel ng pangulo sa mga ipagbabawal ng panukalang batas ng people's initiative. Ilang-Ilang Quijano
Kasama ang pork barrel ng pangulo sa mga ipagbabawal ng panukalang batas ng people’s initiative. Ilang-Ilang Quijano

Ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)- Central Visayas, nagbuo na ng teams para sa house-to-house sa iba’t ibang probinsya, ayon kay Jaime Paglinawan, tagapangulo ng grupo. “At saka ‘yung market hopping, pagpunta sa mga parokya, at iba pa. Malaking trabaho ito, pero kailangang kailangan,” aniya.

Malaking bagay para sa people’s initiative ang tulak ng Simbahang Katoliko. Ayon kay Fr. Ben Alforque, convenor ng Church People’s Alliance Against Pork Barrel, maaaring magtakda ang mga parokya ng mga araw para sa pagpapapirma. Bukod sa misa tuwing Linggo, nariyan rin ang araw ng nobena tuwing Miyerkules, at iba pang okasyon gaya ng fiesta.

Maaari rin umanong makatulong ang mga eskuwelahang Katoliko sa pagpapapirma ng mga estudyante na nasa wastong gulang, kanilang mga magulang, at faculty.

Ayon kay Sr. Mary John Mananzan, may 70 obispo sa buong bansa ang pumabor sa people’s initiative, sa isang resolusyon ng Catholic Bishops Conference of the Philippines. Sumuporta na rin sa kampanya ang Association of Major Religious Superiors in the Philippines.

Kaya inaasahang magiging malaganap ang pagpapapirma sa tulong ng mga taong simbahan. “It will be everywhere. Basta lang you have the necessary form at ‘yung kopya ng bill na naka-attach. There are going to be different ways,” sabi ni Mananzan.

Hindi lang ang simbahang Katoliko ang kalahok sa kampanya, kundi maging ang iba’t ibang simbahan.

Ayon kay Bishop Lito Cruz ng Iglesia Filipina Independiente (IFI), “Ang aming congregation ay may usual days of workship, so isa ‘yon sa pwedeng gamitin sa pagpapapirma. Tapos yung aming organized laymen sa women and youth levels, magkakampanya rin.” Ang IFI ay may 2,000 parokya sa buong bansa, at ayon kay Cruz, suportado ang people’s initiative ng lahat ng obispo sa 42 nitong diocese.

Makabayan bloc, imomobilisa ang kanilang mga tsapter para sa pagpapapirma. Ilang-Ilang Quijano
Makabayan bloc, imomobilisa ang kanilang mga tsapter para sa pagpapapirma. Ilang-Ilang Quijano

Hindi rin magpapahuli ang mga Overseas Filipino Workers (OFW). Ayon kay Eman Villanueva, tagapangulo ng Bayan-Hong Kong, “Magpapatawag ng meeting ng lahat ng Filipino groups including church congregations. Sa tingin ko hindi naman mahihirapan kumbinsihin ang mga kababayan natin sa labas ng bansa dahil sa totoo lang ay matagal na silang sukang-suka sa pork barrel.”

Magtatayo umano ang kanilang grupo ng signing booths sa iba’t ibang lugar na tipunan ng mga OFW tuwing Linggo, gayundin maglulunsad ng mga porum at teach-in.

“Ang mga OFW, na-e-expose sa iba’t ibang systems of government, kung saan wala naman ganyang sobrang kapangyarihan ‘yung elected government officials in terms of public funds. Kaya may malawak kaming suporta na inaasahan,” dagdag ni Villanueva.

Sabi naman ni Bong Labog, tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno, agad nilang tatalakayin ang mga dokumento ng People’s Congress sa kanilang kasapian. “Ang isang bentahe sa organized groups, maliban sa meron silang mga komunidad na kinabibilangan, meron din silang kamag-anakan sa iba’t ibang rehiyon at probinsa na pwede nilang makatulong bilang extended structure na mangangalap ng pirma sa kani-kanilang distrito,” aniya.

Magtagumpay man o hindi ang people’s initiative, ayon kay Mananzan, malaki pa rin ang magagawa ng kampanya sa pagmumulat ng taumbayan. “The educational aspect of it is in itself a very great awakening of the people. But I’m still hoping na mangyari. Kasi if we succeed, then we now have the mechanism to pass any law we want that is pro-people. Hindi na tayo aasa sa Senado at Kongreso na wala naman interes kundi ang sarili nila. Ito talaga sa tao.”

Pero para sa ikatatagumpany ng people’s initiative, kailangan umano mag-ambag ng bawat Pilipino. “Everyone has to give, either time or resources, lahat ng kakayanin. To succeed in this, each one of us has to give,” aniya.

Para sa karagdagang impormasyon kung paano lumahok sa people’s initiative, bisitahin ang website ng People’s Initiative Against Pork Barrel.