Main Story Rebyu

Kung bakit hit ang ‘Rak of Aegis’ sa gitna ng pagbabakasakali’t hagupit


Liban sa paghatid ng lumang awit at musika sa bagong-dagdag na kiliti nito, walang kinalaman ang dulang Rak of Aegis sa buhay ng bandang Aegis. Wala rin itong kinalaman sa musikal na Rock of Ages (Chris D’Arienzo/Broadway, 2006) liban sa laro ng salita at sumpong ng harayang sa kasaysayan ng rock, mayroong Aegis ang Pilipinas. […]

Mula sa promotional online poster ng rock musical na <i>Rak of Aegis</i>.
Mula sa promotional online poster ng rock musical na Rak of Aegis.

Liban sa paghatid ng lumang awit at musika sa bagong-dagdag na kiliti nito, walang kinalaman ang dulang Rak of Aegis sa buhay ng bandang Aegis. Wala rin itong kinalaman sa musikal na Rock of Ages (Chris D’Arienzo/Broadway, 2006) liban sa laro ng salita at sumpong ng harayang sa kasaysayan ng rock, mayroong Aegis ang Pilipinas.

Kaya naman, mismong ang kapangyarihan ng liriko at damdamin ng musika nito ang pangunahing elementong nag-ugnay sa mga pangyayari at karakter ng dula. Ang estratehiya ng pagsubok sa metapora ng pagkaroon ng sentrong atensiyon sa pagkakataong hawak ng tao ang mikropono sa magic sing ay hindi mahirap ipalunok sa manunood ng kasalukuyang dulaan ng NCR. Sa likod ng peti-burges na kagustuhang yumaman at sumikat ay ang pahiwatig ng malayang pag-awit ng kasawian, panibugho, katanungan, kasiyahan at pagbangon: mga damdaming ipinahayag ng banda sa loob at labas ng bansa.

Maaaring gawa ng mainit at bukas na pagtanggap ng manunood sa Aegis ay mapatotohanan ang rock ng masa bilang malaking salik sa pagbangon ng dulaang kumakaharap sa hamon ng paghikayat sa mga mamamayang may kakayanang pang-ekonomiya upang magtiwala at tangkilikin ang dulaang Filipino. Sapagkat bahagi ito ng tinaguriang popular na sining at sa aminin natin o sa hindi, ang awit ng pag-ibig gaya ng sa Aegis ay di-naluluoy sa tamis at pait sa kalooban ng indibidwal.

Higit dito, ang eksplorasyon sa konteksto maging sa dekontekstuwalisasyon ni Liza Magtoto sa mga awit kasama ang buháy na areglo ni Myke Salamon ay tumatagos mula pagbuhos ng damdamin sa karaoke ng isang tao o barkadahan tungong sitwasyong pampamayanan kung saan naibubulwak din ang mga napapanahong isyu ng kalamidad, dislokasyon ng lokal na industriya, pakikipagbuno sa uring matapobre, paghahanap ng katuwang sa araw-araw na pakikibaka, pagtuklas ng lugar sa mundo ng disenyo at pag-angkin sa mailap na pag-asa.

Hindi direkta ngunit ang resultang musikal ay sang-ayon sa personal na karanasan ng maralitang kabataan at katandaan bilang politikal din. Bagamat ang pangunahing porma nito ay batay sa nakalilibang na konsensus ng pagbirit at sa pagsuong sa baha with fashion.

Sa dula, ipinakilala ang mga karaniwang karakter sa Brgy. Venizia. Pangunahin dito ang saleslady na si Aileen (Kim Molina/Aicelle Santos) na nangarap madiskubre ni Ellen Degeneres sa YouTube para magkaroon ng maalwang buhay ang kanyang pamilya lalo na’t bagsak ang merkado ng sapatos na tanging inaasahan ng kanyang sapaterong Tatay na si Kiel (Robert Seña/Julienne Mendoza/OJ Mariano).

Ang kanyang prospek na si Kenny (Myke Salamon) ay bihag sa internal na pagsukat sa pamumuhunan ng isang ina kaugnay ng pag-aaral at paghahanapbuhay. Sa kabilang banda, ang ina ni Kenny na si Mary Jane (Isay Alvarez-Seña/Kalila Aguilos) ay kapitana’t kilalang tagapagtatag ng industriya ng sapatos sa barangay. Nagkataon ding landlady siya ng pamilya ni Aileen at dating ka-love team ni Kiel. Samantala, ang torpeng si Tolits (Pepe Herrera/Jerald Napoles) ay umaasang madiskubre ng kanyang big crush habang ang debeloper ng subdibisyon na si Fernan (Arnel Ignacio/Julienne Mendoza/Nor Domingo) ay tutol sa konsepto ng pagdiskubre ng mga mamamayan hinggil sa hiwaga ng pagbaha at di-paghupa ng baha.

Naitalang mismong mga dayo mula sa Europa ng ika-19 na siglo ang nagbansag sa Maynila, partikular ng lumang distrito ng Pandacan bilang “Little Venice” o “Little Italy” gawa ng maayang pagbati ng pagsikat at paglubog ng araw sa Ilog Pasig: lokasyon ng daungan o tanghalan ng palitang-kultura noon gaya ng opera at ng usapang Ingles, Kastila at katutubo. Kumbaga, ang bansag na Venizia sa lokal na heograpiya at topograpiya sa panahaong ito ay “maganda”.

May kahawig ngunit kaibang pagturan sa Brgy. Venizia nina Aileen kung saan ang “pangit” ay siyang normal at magpapasalamat pa nga ang maralita sapagkat ang “pangit” gaya ng baha ay maaaring paghugutan pa ng suwerte. Kinukunsinti ba ng dula ang pampalubag-loob o baluktot na domestikong paninisi ng mga politiko sa mga mamamayang nasasalanta sa pagbitiw ng mga pasaring gaya ng “masasanay din kayo”, “kayo kasi, putol nang putol”, “kayo kasi, tapon nang tapon”?

Hindi maikailang sa katotohanan ng pagpanay ng baha ay matututo ang maralita na tumayo sa sariling paa o kaya’y sa kawalan ng matinong gobyerno, pairalin ang bayanihan sa sariling kakayanan. Walang duda, madiskarte ang maralita.

Pambihira ang kathang-isip na Brgy. Venizia bilang kongkretong larawan ng nasalaulang daloy ng tubig sa urban maging sa rural gawa ng maka-isang panig na kumbersiyon ng lupa para sa subdibisyon. Bagamat ang pinaghalawan ng manunulat ay ang komunidad ng industriya ng sapatos sa Biñan, Laguna na nakaranas ng hagupit ni Ondoy (2009), sa entablado ni Mio Infante ay naging ganap ang “floating community” ng Malabon (araw-araw), ang “waterworld” ng Caloocan, Valenzuela at Bulacan sa piling ng habagat (2012) maging ang mga kalsada ng España at Commonwealth tuwing may malakas na buhos ng ulan at kung saan kahit kabayo ay nahihirapang tumawid (mula 1950s hanggang kasalukuyan).

Walang mga imahen ng naanod na bahay at manok ng Lumad sa piling nina Sendong (2011) at Pablo (2012) o kaya ay mga tumpok ng putikan at malamig na katawan ng mga saleslady ng SM Marikina noong Ondoy, imaheng naulit at mas matindi pa sa daluyong ni Yolanda sa Kabisayaan at ilang parte ng Mindanao (2013).

Gaya ng Aegis, ang isyu ng kalamidad ay popular ngayon. Tumpak lamang na talakayin ito ng mga likhang sining bilang isang epektibong materyal sa pag-unawa sa Batas ng Kalikasan at sa Batas ng Estadong di maka-tao/maka-kalikasan. Ngunit hindi ang trahedyang dulot ng katiwalian, ganid sa kita at pang-aabuso ng kapangyarihan ang pokus ng dula. Sa halip, may pahapyaw lamang ito sa polisiya ng land development na walang pakialam sa karaniwang tao at ang resultang ugali ng pagkanya-kanya ng pangarap.

Pangunahing rom-com (romantic comedy) ang katangian ng dula at pagbakasakali ang resolusyon nito sa lebel man ng personal at pampamayanan. Si Aileen ay nagpaka-viral para mapansin ng tadhana gaya ng pag-ambon nito kay Charice Pempengco. Para sa pogi points, si Tolits ay dinamayan si Aileen sa dramatiko at sinematikong pag-awit nito sa gitna ng kulog at kidlat. Si Mary Jane ay pinamunuan ang pag-organisa ng konsiyerto at ng mga produktong gawa sa baha upang mapagkakitaan. Si Mercy (Kakai Bautista/Neomi Gonzales), ang Nanay ni Aileen na tinamaan ng leptospirosis ay umasang mapansin ng anak na nabulid na sa konsepto ng kayamanan at kasikatan. Samantala, ang karakter ng mapagkunwari na si Fernan ay nabili ang Kapitana sa pag-alay niya ng kapital para sa artipisyal na palabas.

Tanging si Tatay Kiel ang patuloy na nanlilibak sa normal na para sa kanya ay kamalian kahit sa mismong pagpatol ng buong komunidad kasama ng kanyang anak sa isang enterprise. Naniniwala siyang sa walang malay na pakikipagkutsabahan sa ugat ng baha ay pulidong mabubura ang pananagutan nito sa taumbayan. Sa aktitud niya ay maunawaang mabuway ang konsepto ng corporate responsibility na pinagkakakitaan pa halimbawa ng mga kompanyang multinasyunal habang pinaniniwala ang taumbayan na nagsisilbi sila sa kanilang kapakanan.

Bilang nagsatauhan ng isang manggagawa, buo rin ang determinasyon nitong itulak ng kanilang barangay ang kolektibong pagkilos sa pamamagitan ng petisyon laban sa may-ari ng Villa Arkadia. Ang kanyang karakter din ang nagbulalas ng kahibangan ng kabarangay sa bandang huli kung kailan hinahanap na nila ang baha upang patuloy itong mapagkakitaan. Ngunit sa pananaw ng Kapitana, ang lohika ni Kiel ay hibok lamang ng mainit na ulo at sawing pag-ibig.

Sa kabilang banda, bilang baklang may karapatang magmahal, sinuportahan ni Jewel (Phi Palmos/Ron Alfonso/Jimmy Marquez) si Kenny sa pagbida nito ng kanyang disenyong sapatos (aktuwal na disenyo ni Maco Costudio). Tanging nais ni Kenny ay ang tiwala ng kanyang Ina.

Sa puntong ito, may pagkilala sa kamatayan ng lokal na industriya ng sapatos gaya ng naranasan ng mga sapatero ng Laguna at Marikina. Isang mungkahi ng dula ang paglikha ng bago upang malabanan ang patuloy na pagdagsa ng mga produkto galing Tsina at Amerika. Ngunit kapos ang pagkilala sa pag-iral ng kompetisyong ito sa ilalim ng globalisasyon at ng ekonomiyang neo-kolonyal na kontrolado ng isang estado na sana’y buong naisatauhan nina Mary Jane at Fernan. Dahil abstrakto ang estado sa dula, abstrakto rin ang dating ng paniningil sa pananagutan ng gobyerno para sa kabuhayan at dalisay na serbisyong panlipunan.

Gayunpaman, tumpak ang timing ng “Gumising na tayo…” na inawit ng mga tauhan para sa direktang kausap nitong karakter upang resolbahin ang kanilang nakaraan at kasalukuyang tunggalian. Ito’y para rin sa sarili bilang pagkilala ng kahinaan at kalakasan ngunit kapanatagang “…bumabangon pa rin…” (“Basang-Basa sa Ulan”).

Sa huli, ito’y para rin sa publikong sa humigit-kumulang tatlong oras ay paulit-ulit na tinamaan ng lintik na pana ni Kupido sabay naluha sa tuwa at humalakhak sa mangha sapagkat sa gitna ng karalitaan ay ang mga bulâ ng bata at pagsulpot ng makukulay na bulaklak. Huwag nang banggitin ang animo’y cloud seeding na sa pananaw ng manunood ay posible lamang maranasan sa pelikula o kaya sa rali.

Nalubos ng tambalang Maribel Legarda bilang direktor at Liza Magtoto bilang manunulat ang paghatid ng isang rock musical na aniya’y hit na hit. Mainam ding kilalaning hindi ito magiging ganap kung wala ang demokratikong partisipasyon ng lahat ng kalahok sa paglikha ng dula mula sa artistikong tim, mga tauhan kasama ng koro, ang tim sa pamamahala, house crew at ang mga miyembro ng bandang Aegis na pawang kababaihan.

Sa ika-isandaang pagtanghal ng dula noong Agosto 22, 2014, pumapangalawa na ang Rak of Aegis sa “longest running play” sa kasaysayan ng PETA kasunod ng Mga Kuwento ni Lola Basyang (panulat ni Christine Bellen mula sa kuwento ni Severino Reyes). Kapwa ito ipinagmamalaki ng produksiyon sa larangan ng kontemporaryong dulaang Filipino.

Hindi ito ang unang pagkakataon kung kailan itinatampok ang pinoy rock sa entablado. Nariyan ang [rock] Supremo (libretto at musika ng 11 bandang Pinoy mula sa panulat ni Andres Bonifacio / Ballet Philippines-RockEd, 2013); Sa Wakas: A New Pinoy Rock Musical (panulat nina Andrei Nikolai Pamintuan at Mariane Abuan mula sa Sugarfree at musika ni Ejay Yatco, 2013); Joe: A Filipino Rock’sical (libretto at musika ni Vince Tañada / Phil. Stagers Foundation, 2012); Noli Me Tangere: The Musical (libretto ng Pambansang Alagad ng Sining Bienvenido Lumbera at musika ni Ryan Cayabyab / Tanghalang Pilipino, 2011); Rizal X (kolaborasyon ng Happy Days Ahead, Dong Abay at ng mga manunulat, propesor at estudyante / Dulaang UP, 2011); U Ave (kolaborasyon ni Rommel Rodriguez at Sinagbayan, 2009); EJ: Ang Pinagdaanang Buhay nina Evelio Javier at Edgar Jopson (libretto ni Ed Maranan at musika ng The Dawn / Tanghalang Pilipino, 2008); at Lean (libretto at musika ni Gary Granda, 1997: muling itinanghal ng UP Repertory Company sa dagdag na areglo ni Karl Ramirez, 2013). Antabayanan pa ang Mandirigmang Mabini, Musical ng Tanghalang Pilipino-RockEd sa 2015.

Sa layong makapag-anak ng isang repertoire ng Pilipinong rock musical, maaaring halawin ang karanasan ng PETA sa paglikha ng trending sa Rak of Aegis. Ang mabubuong repertoire ng alinmang organisasyong pangteatro at kultural ay maaaring maipamalas ng isang bansang naniniwala sa pag-unlad ng kultura at sining kasabay ng tao. Sapagkat maaari ring sagutin ng teatro ang patlang sa edukasyon ng 100 milyong Pilipino.

Dagdag dito, ang pagkaroon ng repertoire ay paggiit din sa espasyong ikinabubuhay ng mga manggagawang pangkultura at alagad ng sining gaya ng pag-iral sa sustenableng mga tanghalan sa kapitbahay na Asya, West End at Broadway.

Sa kabilang banda, may pangangailangan ding maenganyo ang talentong Pilipinong magsilbi sa sariling bayan at ibayong ilapit ang sining sa mamamayan sa pamamagitan halimbawa ng pagtatanghal ng mga musikero labas sa kuwadradong tanghalan. Dito, tinitiyak ang pagsatinig ng mga pangarap ng maralita’t sambayanan gaya ng inaawit ng People’s Choral, The Jerks, Musicians for Peace, Tanghalang Bayan ng Kulturang Kalye (TABAKK), Gazera, Musikang Bayan at Dap-ayan ti Kultura iti Kordilyera (DKK) maging nina Gina Francisco, Rica Nepomuceno, Mina Garcia, Jess Santiago, Bobby Balingit, Dong Abay, Tony Palis, Karl Ramirez at BLKD.