Main Story

Pambansang badyet sa 2015, ‘pork barrel budget’ pa rin


Inuulan na ng batikos mula sa iba’t ibang panig ang administrasyong Aquino dahil sa pagkakasangkot sa eskandalong pork barrel—ng mga kaalyado man nito sa Kongreso o maging ng mismong pangulo sa uri ng Disbursement Acceleration Program (DAP). Pero hindi pa rin ito nakapigil sa pagpasok ng mala-pork barrel na alokasyon sa 2015 pambansang badyet. Sa […]

Pagdinig ng Kamara sa panukalang pambansang badyet para sa taong 2015. <strong>Pher Pasion</strong>
Pagdinig ng Kamara sa panukalang pambansang badyet para sa taong 2015. Pher Pasion

Inuulan na ng batikos mula sa iba’t ibang panig ang administrasyong Aquino dahil sa pagkakasangkot sa eskandalong pork barrel—ng mga kaalyado man nito sa Kongreso o maging ng mismong pangulo sa uri ng Disbursement Acceleration Program (DAP).

Pero hindi pa rin ito nakapigil sa pagpasok ng mala-pork barrel na alokasyon sa 2015 pambansang badyet.

Sa pagsalang ng P2.6 Trilyong 2015 proposed budget ng Development Budget Coordinating Committee (DBCC) sa House Committee on Appropriations sa Kamara, nahalata ng mga kritiko na nanatili pa rin ang mga katulad ng DAP na idineklara ng Korte Suprema nang labag sa Konstitusyon.

Ayon kay Bayan Muna Rep. Neri Colmenares, binago ng DBCC ang depinisyon ng savings sa 2015 proposed national budget para maiwasan ang desisyon ng Korte Suprema na nagbabawal sa Priority Development  Assistance Fund (PDAF) at DAP.

Bayan Muna Rep. Neri Colmenares habang tinataong si Department of Budget and Management Sec. Florencio Abad kaugnay ng panukalang badyet para sa 2015. <strong>Pher Pasion</strong>
Bayan Muna Rep. Neri Colmenares habang tinatanong si Department of Budget and Management Sec. Florencio Abad kaugnay ng panukalang badyet para sa 2015. Pher Pasion

“Una, inamin ni (Budget) Secretary (Florencio) Abad na binago nila ang depinisyon ng savings dahil sa desisyon ng Korte Suprema kaugnay ng DAP. At sa proposed 2015 budget, inamin nila na it will grant the president the power to realign the budget,” ani Colmenares, sa panayam ng Pinoy Weekly.

Sinabi ni Abad na hindi na raw masasakop ng desisyon ng Korte Suprema laban sa DAP ang savings kapag napalitan na ng Kongreso ang depinisyon nito.

“The Constitution mandates Congress to define what savings is. It is not the Supreme Court that will define what savings is,” ayon kay Abad. “Hindi ho kami ang nagbago. Binago ng Korte Suprema. That’s why we are going back to Congress to review that decision.”

Ipinakikita umano ng panukalang badyet na hindi pa rin nais tanggalin ng administrasyong Aquino ang pork barrel nito sa proposed national budget. Nagpapakita umano ito na sinusuportahan ni Pangulong Aquino ang pork barrel, ayon kay Colmenares.

Sa pag-aaral ng Kabataan Party-list sa baydet, tinatayang nasa P501.6 Bilyon ang lump sum funds sa anyo ng special purpose funds na programmed (P378.6-B) at special purpose funds na unprogrammed (P126.03-B) ang nakapaloob sa 2015 proposed budget.

Department of Budget and Management Sec. Florencio Abad habang sinasagot ang mga tanong sa kanya kaugnay ng 2015 proposed budget sa Kamara.<strong>Pher Pasion</strong>
Department of Budget and Management Sec. Florencio Abad habang sinasagot ang mga tanong sa kanya kaugnay ng 2015 proposed budget sa Kamara. Pher Pasion

Pork barrel budget pa rin ito at in the same time election budget din. Nariyan pa rin ang lump sum funds,” ayon kay Colmenares.

Paliwanag ni Colmenares, parang magiging dalawa ang badyet pagdating ng 2015: ang una, aaprubahan ng Kongreso; at pagkatapos ng kalahati ng taon, ang badyet naman na aaprubahan ng presidente mula sa “savings” na makukuha nito.

Ang sampung nangungunang departamento para sa badyet sa 2015: edukasyon (P365.1-B), public works and highways (P300.5-B), national defense (P144 -B), interior and local government (P141.4-B), social welfare and development (P109-B), kalusugan (P102.2-B), agrikultura (P88.8-B), transportasyon at kumunikasyon (P59-B), environment and natural resources (P21.3-B), at siyensiya at teknolohiya (P19.4-B).

Walang dagdag-sahod

Wala namang aasahan ang mga nasa kawani ng pamahalaan ng anumang dagdag sa kanilang sahod, ayon kay Abad nang tanungin ni ACT Teachers Rep. Antonio Tinio.

Salary increase, wala ho… Ang gagawin po namin d’yan, we are targeting 2016,” ayon kay Abad.

Paliwanag ni Abad, hindi umano natapos ang sarbey para sa dagdag-sahod na ginawa sa buong bansa partikular sa mga tinamaan ng bagyong Yolanda noong naraaang taon. Dagdag pa ni Abad, inaalala din daw ng gobyerno ang impact ng paglaki ng pondo para sa makakakuha ng pensiyon sa mga retirado kung itaas na lang basta ang sahod ng mga kawani.

Sinabayan naman ng protesta ng mga kababaihan at kabataan sa labas ng Kamara ang ginagawang pagdinig para sa 2015 national budget. Giit nila na dapat managot ang mga sangkot pa rin sa pork barrel at DAP.<strong>Pher Pasion</strong>
Sinabayan naman ng protesta ng mga kababaihan at kabataan sa labas ng Kamara ang ginagawang pagdinig para sa 2015 national budget. Giit nila na dapat managot ang mga sangkot pa rin sa pork barrel at DAP.Pher Pasion

“Ibig sabihin, one year delayed ang salary increase,” paliwanag ni Tinio, dahil dapat magkaroon na ng pagtaas sa sahod ng mga kawani sa ilalim ng Salary Standardization Law (SSL). Sa SSL, dapat kada tatlong tao’y nagkakaroon ng proposal ang DBM para sa adjustment sa sahod ng mga kawani.

Kinuwestiyon naman ni Anakpawis Rep. Fernando Hicap ang paglaki ng mahihirap na Pilipino sa kabila ng sinasabing “inclusive growth” umano ng Pilipinas. Hindi raw kasi malinaw kung bakit kailangan pang taasan ang badyet para sa condition cash transfer mula P62.6-B noong 2014 patungong P64.7-B para sa 2015.

Papalaking utang

Kinuwestiyon naman nina Gabriela Women’s Party Rep. Luzviminda Ilagan at Colmenares ang panibagong uutangin ng Pilipinas na nasa P700.8-B, samantalang mayroon naman palang nakukuhang savings ang gobyerno.

Ayon sa DBCC, nasa P6.596-T ang inaasahang magiging kabuuang utang ng Pilipinas sa taong 2015. Nangangahulugan ito ng pagkakautang ng P62,856 bawat Pilipino sa 102.965 na magiging populasyon pagdating ng 2015 gamit ang pagtatantsa National Statistical Coordination Board, ayon sa datos ng Kabataan.

“Ibig sabihin nito, kahit ‘yung mga Pinoy na hindi pa pinapanganak ngayon, may utang na agad na halos P63,000 pagdating ng 2015,” ayon kay Kabataan Rep. Terry Ridon.

Kabilang din sa pagkukunan ng badyet ng DBM para sa P2.6-T badyet sa 2015 ang magmumula sa koleksyon ng buwis, non-tax revenues, at pribatisasyon. Magreresulta ito sa pagtaas ng buwis–pagtaas ng singil sa governments fees, halimbawa, at pagtataas ng mga singilin sa mga serbisyo tulad ng mga ospital at transportasyon gaya ng Metro Rail Transit at Light Rail Transit.

Samantala, mananatili sa kontrol ng Malakanyang ang napakalaking lump sum–ang bagong bersiyon nito ng presidential pork barrel.