Main Story Rebyu

Mula sa Kung Ano ang Noon (From What is Before): Ganun pa rin Ngayon


Rebyu ng pelikulang Mula sa Kung Ano ang Noon (From What is Before) (2014), dinirehe ni Lav Diaz Kapirasong kasaysayan mula sa alaala ng mga misteryo at histerya sa nayon sa panahong niluluto ng Rehimeng Ferdinand Marcos ang Batas Militar. Mga simbolikong larawang bukas sa maraming pagtuklas at pag-unawa. Ito ang mga ibinahagi ni Lav […]

Eksena mula sa pelikulang "Mula sa Kung Ano ang Noon".
Eksena mula sa pelikulang “Mula sa Kung Ano ang Noon”.

Rebyu ng pelikulang Mula sa Kung Ano ang Noon (From What is Before) (2014), dinirehe ni Lav Diaz

Kapirasong kasaysayan mula sa alaala ng mga misteryo at histerya sa nayon sa panahong niluluto ng Rehimeng Ferdinand Marcos ang Batas Militar. Mga simbolikong larawang bukas sa maraming pagtuklas at pag-unawa.

Ito ang mga ibinahagi ni Lav Diaz sa pelikulang Mula sa Kung Ano ang Noon (From What is Before) na naglagay sa Pilipinas sa kauna-unahang pagkakataon mula 1946 sa mapa ng Locarno International Film Festival sa Switzerland. Nakamit ng pelikula ang pinakamataas na karangalan, ang Golden Leopard Award, nitong taon.

Ipinagpalagay na ang alaalang binanggit ay mula sa 12 taong gulang na si Diaz dalawang taon bago idineklara ang Batas Militar. Naging saksi ang awtor-direktor kung paano nagimbala ng diktadura ang simpleng pamumuhay ng mga mamamayan sa isang nayong bundok noong dekada ’70.

Gaya ng panaginip, napapadpad sa iba’t ibang lokasyon ang mga karakter. Sa ganitong paraan naipapabatid ni Diaz ang saklaw ng pelikula: di lamang ng isang nayon sa Timog o kaya Kanlurang rehiyon, kundi ng buong bayan. Bagamat nag-iiba ng tekstura sa ekspresyon at wika, nananatiling pamilyar ang tereyn ng luntiang bukid: ang bundok, ang ilog, ang dagat, ang ulan, ang araw maging ang ihip ng hangin, dagundong at kidlat, lagaslas, lawiswis at titig ng kalabaw. Pamilyar din ang mahaba at mabagal na lakaran paitaas-paibaba. Maaaring nakakatortyur ang paghihintay sa paggalaw ng mga tableau ni Diaz, ngunit sa huli’y ang buntong-hininga ng panglaw at ang masigasig na pag-aabang sa mabuting kahantungan ng manlalakbay.

Sa unang bahagi, natutunghayan ang sayaw ni Bai Rahmah (Bambi Beltran) na minsan lamang mangyari sa “10 tag-init, 10 tag-ulan at 10 kabilugan ng buwan”. Walang subtitle ang awit ng Shahman (Abraham Abdullah), ngunit mahinuhang ito’y ritwal para sa ikagagaling ng maysakit at para maitaboy ang mga pangitain o masasamang enerhiya.

Bilang katutubong gawain, ipinagpalagay na lahat ng dumadalo rito ay may bitbit na pag-unawa at malinaw ang pakay o layon ng pakikiisa sa ritwal. Sa larawan ni Diaz, istatik lamang ang taumbayan, liban sa aliw na palakpak ng isang may kapansanan, si Joselina (Karenina Haniel). Mapapansin sa sumunod na mga eksena ang pagkasalaula ng malakas na kapit sa kolektibong aktibidad na ito dahil sa mga kababalaghang animo’y galing sa kalikasan ngunit sa totoo’y gawa ng tao o kaya’y resulta ng masamang budhi nito.

Sinasabing kabisado ng mga mamamayan ang agham ng kalikasan, ngunit hindi ang “katotohanang” hatid halimbawa ng demonyong-tao. Nauna nang nagtaka si Sito (Perry Dizon) sa pagkawala ng balon (wild dove) na sa tuwina’y inaabangan kasama ng kanyang ama noon at ngayon ng kanyang ampong si Hakob (Reynan Abcede). Dalawampung taon nang nakalipas ay kinuha diumano ng duwende ang kaibigan niyang si Teban.

Ngunit tumambad ang higit na misteryosong mga imahen gaya ng pagkasunog ng tatlong kubo sa isang gabi, pagkaroon sa kalye ng di kilalang bangkay na tila may kagat ng asawang sa tainga, pagkarinig ng mga nakaka-ulol na hiyaw mula sa gubat, paglalakad ng hubo’t hubad ng di makakalakad na “anak ng kapre” (Joselina) at ang pagkapugot ng ulo / pagkataga ng mga baka sa rancho.

May teorya ang mga mamamayan dito sa huling pangyayari: na ito’y dala ng galit ng magsasaka sa asendero, ngunit sa buong alaala’y nanatili itong haka-haka at nanaig ang propaganda ng Bureau of Health na ang pagkamatay ng mga baka ay dala ng dumapong sakit dito.

Sa bahagi ng batang si Hakob, isang hiwaga ang kanyang kapanganakan at nais tuloy tawirin ang isla ng mga limot sa Culion, Palawan. Samantala, tumitindi ang panganganilangan ng taumbayan sa pagpagamot. Tinugunan naman ito ni Itang/Pacita (Hazel Orencio), kasangkapan ang kapatid na si Joselina. Bagamat gamit ni Itang ang katutubong kaalaman sa halamang gamot, batid din niyang ginawa niya iyon upang kumita at mabuhay silang magkapatid. Isa itong ritwal-ritwalang pinag-isipan nang husto ni Itang at hindi lubusang sinang-ayunan ni Fr. Guido (Joel Saracho) sa konteksto ng Katolisismo at konsepto ng pang-aabuso.

Sumunod naman ang rebelasyon ng mga trahedya: pagpatay ng isang puwersa sa sanggol ni Babu Amrayda (Ching Valdes-Aran), pagkawala ng trabaho ni Sito bilang bantay ng baka sa rancho, paulit-ulit na paggahasa ni Tony (Roeder Camanag) sa walang muwang na si Joselina, pagkampo ng mga militar sa nag-iisang eskuwelahan sa bayan sa pamumuno ni Lt. Perdido (Ian Lomongo), paglason ni Itang sa buntis na si Joselina at tuloy pag-alay ng kanilang katawan sa Banal na Bato. Rumurok pa ito sa malawakang paglikas ng mga kababaryo kasama si Hakob at ng mga kaanak ni Sito.

Ang mapantig na awit ni Babu Amrayda’y hinagpis ng isang Inang Bayang ninakawan ng kinabukasan ang anak: “Si Lamlaman ang anak na isinilang kasama ng mga puno at ilog sa kagubatan ay sinira ng takot at ngayo’y tinangay ng kadiliman.”

Matapos ang dalawang taong paghasik ni Heding (Mailes Kanapi) ng kuwentong katatakutan kasabay ng paglako ng banig, kaldero, balde at kung anu-ano na lang, ang baryo ay mistulang naging ghost town. Matapos ang mahigit limang oras na pakidalamhati ng mga manonood sa ordinaryong mga karakter ng pelikula habang nakipagbuno sila sa mga hiwaga ng buhay, ang malinaw na alaalang si Heding ay isang lintik palang tiktik na sarhento sa ilalim ni Lt. Perdido at ni Pangulong Marcos. Namutawi ang halakhak nito ng tagumpay kasabay ng tagay ni Lt. Perdido sa kanyang promosyon habang sa radyo ay narinig ang boses ni Marcos sa pagbigay-katwiran ng Martial Law.

Sa dulo ng pelikula, nabanaag din ang mga katotohanan sa likod ng mga misteryo. Ang hiyaw mula sa gubat ay naging kongkretong hiyaw ng kabataang sinasaksak nang dahan-dahan ang tagiliran habang pilit siyang pinapaamin ng Seksing Vigilante (Kristine Kintana) na mahal niya ang UP… mahal niya si Marcos. Ang eksenang tortyur na ito ay pamilyar sa tulang “Mga Bahagi ng Bangungot” (“Fragments of a Nightmare”) ni Amado Guerrero. Eksenang maiksi ito, ngunit masaklap na karanasan ng maraming kabataang tumuligsa sa diktadura ni Marcos.

Sa unang dating ng shot ni Diaz sa mga vigilanteng naglilinis ng baril sa kubo, iisipin mong sila ay mga “rebeldeng NPA”. Sa malaon, mauunawan mong ito’y tropa ng lantay-militar sa ipinakita nitong arogansiya sa pagtawid sa di maayos-ayos na tulay at sa pagharang sa inosenteng mga mamamayan gaya ni Fr. Guido. Mauunawaan ding ang tanging papel ng Batangueñong dayo na si Heding ang “clearing” o paglinis ng bayan, isang operasyong militar kung saan winawalis ang mga mamamayan: pinapatay ang mga umaangal habang ang iba ay nirerekluta sa paniniktik at puwersang para-militar gaya ng Civilian Home Defense Forces (CHDF) na kilalang Cafgu sa panahon ni Pang. Corazon Aquino.

Mula sa pelikulang "Mula sa Kung Ano ang Noon".
Mula sa pelikulang “Mula sa Kung Ano ang Noon”.

Karahasan at pananahimik ang sagot sa sosyo-politikal na problema ng kawalang serbisyo at ng pag-iral ng government neglect sa loob ng maraming taon. Kahit sa hinagap ng mga tagabaryo ay simpleng problema lang sana ito kung gugustuhing atupagin ng gobyerno. Mahinahong ipinaliwanag nina Sito na “tahimik ang baryo bago dumating ang mga militar”. Ang nilalatag ng estado kung gayon na tipo ng “katahimikan” ay problematiko.

Sa proseso, ang ibang mamamayan ay nawiwindang, nasisiraan ng loob, naprapraning, nagiging dekadente kundi man tuluyang umalis sa lupang sinilangan. Nilusaw kung gayon ng paghubad sa maskara ni Heding ang mga misteryo sa bayang siya din ang lumikha bilang aparato ng kapangyarihang militar.

Sa isang mukha ng masalimuot na kalagayan, ang ibang mamamayan ay biglang naglalaho naman tungo sa gubat upang umanib sa NPA. Hindi tahasang sinabi kung ganito nga ang nangyari kay Teban. Wala ring pahayag na ang bayan ni Sito ay naaabot ng pag-organisa ng Kilusan laban sa Diktadura at para sa Pambansang Demokrasya.

Sang-ayon sa kongklusyon ni Heding, ang baryo ay “tahanan ng mga komrad at simpatidor ng mga Komunista”. Kung kaya, idineklara ni Lt. Perdido ang lugar bilang bahagi ng war zone. Ipinagmamayabang niyang masugid siyang mag-aaral ng kasaysayan, ngunit ang kanyang baluktot na lohika ng pag-iral na kapayapaan (peace and order) ay di maunawaan ng kaguruan sa baryo (Evelyn Vargas at Teng Mangansakan). Tinatanghal ni Lt. Perdido ang sarili niyang pangalan.

Ang malinaw sa pelikula’y nakaranas ang bayan ng malagim na yugto sa panahon ni Marcos. Ang malinaw rin ay may kakayanan ang ordinaryong tao upang maninindigan para sa katarungan. Sa indibidwal na kapasidad nila, lumaban ang ilang karakter at inangkin ang katwiran. Marahas ang aksiyong tulak rin ng dahas. Nailigtas ni Sito ang sanggol na si Hakob mula sa akmang pagpatay dito ng isang lalaking pinaniniwalaang sariling ama nito. Ang pagbawi sa buhay ni Tony ay pagbigay-hustisya kina Itang, Joselina at sa di pa naisilang na sanggol nito. Samantala, ang ipinamalas ni Itang na karunungan sa halamang lunas ng sakit maging sa tipong pampatupok ng buhay ay isang katutubong kapangyarihan. Maaalalang pinaslang ang kapangyarihang ito ng mga katutubong Filipino sa ilalim ng Batas Militar ng Espanya at ng Amerika. Nararapat lamang mabalikan ito ng mamamayan bilang proteksiyon sa sariling buhay liban sa sustenableng armas ng kalusugan. Si Joselina naman ay kakakitaan ng lakas sa mga yogang posisyon nito sa kabila ng kapansanang mental at pisikal.

Sa pagwakas ng pelikula, namilosopo ang Makatang “nagpakalayong maghanap ng tulang matatagpuan lamang sa sariling lupa kaya ngayo’y nagbalik upang dito mamatay”. Bukambibig nito ang “Basag na Uniberso”, “ang patay na bayan”, “bayan ng mga patay” o “ang sumpa ng malalang sakuna”. Idiniin ng monologo nito ang paghahanap sa sariling bayan at sa katwiran ng buhay.

Sa tono ni Crisostomo Ibarra at ng mga bayaning nagbalik sa mga epikong bayan, nanalig siyang “isang araw ay wawasto rin ang lahat”. Mataas ang paghanga nito sa gaya ni Sito na “lampas sa pagtatanim ang kaalaman at di sumusuko sa anumang pagsubok”. Samantala, hinikayat niya ang manunood upang maglimi “sapagkat tayo lahat ay nagkamali”. Sa puntong ito, ideyal ang tinutukoy na bayan: binubuo ng makatwirang mga mamamayan at ng makatwirang pamahalaan. Sa huling eksena ring ito, sinabi ni Sito na “mahirap arukin ang buhay”. Natatakot siya sa bagay na di niya alam: isa pang mahalagang puntong magandang paglimian.

Simboliko ang larawan ng pagpalutang ng pinaapoy na katawan ng Makatang tinupok ng kanser. Hindi makaalagwa ang apoy na nakikibaka sa ulan, ngunit ang ritwal ng Malay ay katuparan ng huling kahilingan para sa kadalisayan.

Para sa manunood na Swiss, maaaring kongkreto sa kanilang kamalayan ang ugnayan ng pamahalaang Marcos at ng pamahalaang Switzerland sa pagkalinga ng Swiss Bank sa diktador at ng mga nakaw na kabang-bayan kasama ng mga ginto at alahas (ill-gotten wealth ng mga Marcos). Maaaring para sa kanila, tapos na ang usaping ito sa pagbalik ng nakaw na yaman sa rehimeng Fidel Ramos noong dekada ’90.

Ngunit isang katotohanan pa rin sa bansa ang patuloy na kahirapan, kawalan ng akses sa serbisyong panlipunan, pagkatali ng mga magsasaka sa sistemang asyenda at pagdami ng kaso ng sapilitang pagkawala/pampulitikang pamamaslang. Nariyan din ang histeryang likha ng presidential sister na si Kris Aquino sa mga pasabog na kuwento tungkol sa kanyang sex life o kaya kalituhan kung saang bansa siya magsa-shopping.

Nawa’y sa paglibot ng pelikula sa mahigit 30 bansa bilang bahagi ng gantimpala ng festival ay maitambol ang mithi ng mga mamamayang Pilipino na makabangon mula sa bangungot ng kawalang demokrasya. Samantala, maipaunawa rin nito ang katotohanan ng prinsipyadong armadong pakikibaka sa Luzon, Visayas at Mindanao para sa tunay na pagbabago ng kalagayan ng ordinaryong mga mamamayan.