ATTACKKK!

Mangga


“Everyone gathered mangoes Before leaving.” – The Skull Beneath the Skin of the Mango, Martin Espada *    *    * Sarap na sarap ako sa pagpangos ng iba’t ibang uri ng mangga noong bata pa ako. Pinapaliguan ko ng toyo ang hilaw na mangga. Walang ligtas sa akin maski ang bunot hanggang sa maalis […]

“Everyone gathered mangoes
Before leaving.”
The Skull Beneath the Skin of the Mango, Martin Espada

*    *    *

Sarap na sarap ako sa pagpangos ng iba’t ibang uri ng mangga noong bata pa ako. Pinapaliguan ko ng toyo ang hilaw na mangga. Walang ligtas sa akin maski ang bunot hanggang sa maalis ko siya sa pagkakasaplot sa mapait na buto.

Naaalala ko pa na nagbabaon kami ng Indian mango kapag namamasyal kami sa dagat. Idinuduldol ko noon ang mangga sa tubig-dagat bago ngasabin. May libreng asin ang tubig. Pati pawis at libag ng mga lumalangoy. Pero ganoon din naman ang nabibili nating rock salt.

*    *    *

“Ang mangga’y pumakling payapa’t lumanay;
‘Ako’y nagbubunga sa buo kong buhay.’”
Ang Baboy at ang Punong Mangga, Amado Hernandez

*    *    *

Naduling si Mary Oliver nang matikman niya ang mangga, kuwento niya sa tula niyang “The Mango.”

Gayunman, may kakaibang epekto ang pagkain niya ng mangga. Para ba iyong engkantadong prutas na nagdadala ng pangitain. Ganito ang kanyang paglalarawan:

“All through the sweetness I heard voices, / men and women talking about something— / another country, and trouble. / It wasn’t my language, but I understood enough. / Jungles, and death. The ships / leaving the harbors, their holds / filled with mangoes. / Children, brushing the flies away / from their hot faces / as they worked in the fields. / Men, and guns.“

*   *   *

Pilipinas ba ang pumasok sa haraya ni madam matapos kagatin ang mangga? Pilipinas o India—dalawang bansang naging kolonya ng dalawang imperyalista? Dalawang posibleng pagkunan ng mangga.

*    *    *

Ang dalawang bansang nabanggit ang pinag-ugatan ng dugo ng makatang si Aimee Nezhukumatathil.

Kahit lumaki sa Amerika, hindi maihiwalay ni Aimee ang kanyang pagka-Pinay sa karamihan sa kanyang mga tula. Naroon pang ginugunita niya na noong bata pa siya, ang buong bahay nila ay napupuno ng amoy ng nilulutong lumpia ng nanay niya.

*    *    *

“Sometimes, the heart yearns
For mangoes where there are apples.”
Sometimes, the Heart Yearns for Mangoes, Jose Ma. Sison

*    *    *

Sa tulang “Origin of the Mango,” sinabi ni Aimee na pinakamatamis ang manggang Pinoy.

*    *    *

Isinulat ni JMS ang tulang “Sometimes, the Heart Yearns for Mangoes” noong March 30, 1994 habang nakadestiyero sa Netherlands.

Metonymy ang ginamit ni JMS. Ang nami-miss niyang mangga ay kumakatawan sa Pilipinas, samantalang ang mansanas ay ang bansa kung saan siya naroon.

*    *    *

Isang engkantadong prutas nga siguro ang mangga.

Noong Agosto 1968, nang bumisita sa Beijing ang foreign minister ng Pakistan, niregaluhan niya si Mao Zedong ng isang kaing ng mangga.

*    *    *

Iyon marahil ang unang pagkakataong nagkaroon ng mangga sa Tsina.

Ayon sa kuwento, ipinadala ni Mao ang kaing ng mangga sa isang grupo ng mga manggagawa sa Tsinghua University. Isa-isa namang ipinadala ang mga mangga sa bawat malaking pabrika sa Tsina.

*    *    *

“Seeing that golden mango
Was as if seeing the great leader Chairman Mao”
People’s Daily

*    *    *

Naging patok ang mangga sa Great Proletarian Cultural Revolution sa Tsina. Hindi na nakapagtataka kung bakit ginamit itong pam-black propaganda ng mga kaaway ng rebolusyon.

*    *    *

Popular ang mangga kaya nagamit din ito ni Chinua Achebe sa kanyang tulang “Mango Seedling.”

Sa “The Skull Beneath the Skin of the Mango” ni Martin Espada, isang Amerikanong reporter na may dalang mga mangga ang nagulat nang maapakan niya ang isang dilaw na bungo ng tao, “yellow / Like the flesh of a mango.”

*    *    *

“He wondered how many skulls
Are crated with the mangoes
For sale at market, how many
Grow yellow flesh and green skin
In the wooden boxes exported
To the States. This would explain,
He said to me,
Why so many bodies
Are found without heads
In El Salvador.”
The Skull Beneath the Skin of the Mango, Martin Espada

*    *    *

“The American’s arm crowded with fruit suggests the process of exploitation by American businesses, which had to rely on government repression to insure their presence,” rebyu ni John Marsh.

Dagdag pa niya, “The reporter attempts to make a joke out of the connection between decapitated bodies and the exporting of fruit to the United States–indeed, he can imagine no other historical or political explanation for decapitated bodies in El Salvador. The irony, though, is that his joke is precisely the relation between foreign exploitation, American consumption, and political violence.”

*    *    *

Tungkol sa masaker sa El Salvador ang tula. Iyon din kaya ang naisip ni Mary Oliver?

*    *     *

Samantala, habang nami-miss ni JMS ang mangga, o ang Pilipinas mismo, habang nasa malayong lugar, hindi nito napaparam ang kanyang pagmamahal sa bayan at sambayanan. Diin niya:

“The well-purposed exile continues / To fight for his motherland / Against those who banished him, / The unwelcomed exploiters of his people, / And is certain that he is at home / In his own country and the world.”