Sa Enero 15, 2015 (sa pagdalaw ni Jorge Mario Bergoglio — Papa Francis ba o Kiko?)
pagsayad na pagsayad ng mga paa sa lupa sa lupain ng mga indio sa enero 15, 2015 ni jorge mario bergoglio (papa francis ba o kiko?) huwag kang bastos, impakto kung maaari’y lumuhod ka sa maruming lupa mag-antanda at magpatirapa siilin ng halik maalikabok o maputik na kalsada maaaring taglay ng kanyang talampakan isang libo’t […]
pagsayad na pagsayad
ng mga paa sa lupa
sa lupain ng mga indio
sa enero 15, 2015
ni jorge mario bergoglio
(papa francis ba o kiko?)
huwag kang bastos, impakto
kung maaari’y lumuhod ka
sa maruming lupa
mag-antanda at magpatirapa
siilin ng halik
maalikabok o maputik na kalsada
maaaring taglay ng kanyang talampakan
isang libo’t isang laksang orasyon
at milagrong magpapalaya sa iyo
sa karalitaan, inhustisya’t kaalipinan
kapag iniwasiwas niya kanyang mga kamay
(papa francis ba o kiko?)
singhutin mo ang hangin
buong giliw na samyuin
amoy monosidyo man ng mga tambutso
o anghit ng daragsang milyong deboto
huwag kang ngumiwi, impakto
tanda iyan ng kawalang-galang
basta maghosana sa kaitaasan
purihin ang kanyang kamahalan
(papa francis ba o kiko?)
maging akong ereheng naturingan
dahil di naniniwala sa mga ritwal
ng mga sakristan at pari sa simbahan
sa paulit-ulit na pagrorosaryo
minemorya’t pare-parehong mga dasal
ngayo’y ganap na nagpupugay, humahanga
sa mga salitang kanyang binitiwan
sumanib yata puso’t isipan
ni karl marx sa kanyang kamahalan
(papa francis ba o kiko?)
kaya simbahan, sabi niya. dapat kalingain
mga sawimpalad at maralita
at sumpain daw nawa’t kabakahin
iilang dorobong diyus-diyosang
namamayagpag sa bulok na lipunan
silang mapagkunwaring mga santo’t santa
sa mga pabrika’t empresa
at asyenda ng pagsasamantala
silang mga mandarambong sa burukrasya
silang mga hari-hariang walang kabusugan
sa pawis at dugo ng masang sambayanan
silang patuloy na taliba ng inhustisya
at naglulublob sa pambansang yaman
at saganang grasyang
mula diumano sa poong maykapal
isinabog niya sa lupa’t umaapaw
sa di matingkalang habag at pagmamahal
para dapat sa lahat niyang nilalang.
huwag kang bastos, impakto
erehe ka man o demonyo
baka tainga mo’y pungusin
ng matapang na si san pedro
anghel de la guardia
ni jorge mario bergoglio
(papa francis ba o kiko?)
sit laus plena
sit sonora
sit jucunda
sit decora
basta mag-antanda at magdasal
baka umulan ng kanin at litson sa kalsada
mapuno ng puto seko’t puto bungbong
mga barungbarong sa canal de la reina
bumaha ng bigas at de lata
sa mga dampa sa mga nayon ng pangamba
at di dalawin ng bagyo’t kalamidad
nananangis na mga lugar
ng lungkot at kawalang-pag-asa.
malay mo, impakto
baka may milagro nga
kahit maging si padre burgos ay di naniwala
basta mag-antanda at magdasal
huwag kang bastos, malay mo, impakto
baka paglisan ni jorge mario bergoglio
(papa francis ba o kiko?)
sa binaog na lupain ng mga indio
libre nang pabinyag, pakasal, pamisa
sa lahat ng simbahan nila
at libre na rin mga maralita
para makatikim kahit aspirina
sa mamahaling ospital nila
at makapag-aral na rin sa wakas
anak ni juanang basa’t pedrong tigas
sa pangmayamang paaralan nila
kahit hanggang kolehiyo’t unibersidad
upang si demonyong juan at pobresitang petra
di lumaking gago’t tanga
at may kahanga-hangang talino na’t
maaaring makihalubilo’t makipagtsismisan
sa nagbabanal-banalang alta sosyedad
at makipagdaupang-palad, makipagngitian
sa mga santo-santita’t patron
ng hitik sa ipokrisyang urbanidad at moralidad.
ngunit, ngayon pa lamang…
diyos ama, diyos anak, diyosa espiritu santa
akong erehe mong anak
buong pagpapakumbabang humihingi ng tawad
mea culpa, mea culpa, mea maxima culpa
patawarin anak mong nagkasala
baka kapag nagmisa
si papa francis sa luneta
ni hindi ko masulyapan man lamang
kumikinang niyang tiara
tiyak na guguwardiyahan siya
ng mga impaktito’t impaktita
ng umaalingasaw na burukrasya
gayunpaman, papa francis o kiko
servus servorum dei
hosana in excelsis
benedictus qui venit
in nomine domini
purihin ka ng inaliping mga indio
sa mahigit na tatlong dantaon
at alipin pa rin nga hanggang ngayon.
o, diyos ni abraham…
mea culpa, mea culpa, mea maxima culpa
(papa francis ba o kiko?)
patawarin anak mong nagkasala
pagtitiisan ko na lamang titigan
sa bote ng hinebra ng la tondena
sa restawran ni chekwa sa ermita
iyong anghel de la guardia
michaelem archangelum
nakaamba kumikislap na espada
sa plato ng pulutang kambing
may bendita ng ketsap papa
diyos ama, diyos anak, diyosa espiritu santa
mea culpa, mea culpa, mea maxima culpa
patawarin anak mong nagkasala
dalangin ko na lamang sa tuwi-tuwina
sumanib nawang ganap sa katauhan mo
kamahal-mahalang jorge mario bergoglio
(papa francis ba o kiko?)
marangal at mapagmahal na puso’t diwa
ng idolo naming milyong maralita
sa lupain ng dalita’t dusa
si karl marx na lalaging dakila
sa mata naming busabos at timawa
sa pagsasamantala’t inhustisya
ng iilang diumano’y pinagpala
sa lipunang lubhang balintuna!