FEATURED

Paninindigan kontra sa panghihimasok ng China


Diplomasya at pagtatatag ng kilusang masa ang paraan para mapagtagumpayan ang probokasyon ng China sa West Philippine Sea, ayon sa mga eksperto.

China1_forweb
Protesta sa harap ng Konsulada ng Tsina, na pinangunahan ng Bayan at P1NAS, noong Hunyo 12, 2015. Boy Bagwis

Kumpiyansa si Senior Associate Justice Antonio Carpio na magwawagi ang Pilipinas sa kaso nito kontra sa China sa International Tribunal on the Law of the Sea (Itlos).

“Sa kasaysayan ng mundo, ito ang unang pagkakataon na inaangkin ng isang bansa ang buong dagat,” aniya. Pero sa kabila nito, at sa kabila ng probokatibong mga hakbang ng China sa West Philippine Sea, malinaw at malakas ang legal na batayan ng claim ng Pilipinas sa ilang bahagi ng Spratlys at iba pang lugar sa naturang dagat. Kumpiyansa siyang kakatigan ng tribunal ang katwiran dahil walang anumang legal o istorikal na batayan ang China.

Sa isang porum hinggil sa sigalot sa South China Sea (o West Philippine Sea) na inisponsor ng alyansang P1nas sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila kamakailan, inilatag ni Carpio ang mga probisyon sa United Nations Convention on the Law of the Sea (Unclos) — sakop ng 200 nautical miles ng exclusive economic zone (EEZ) at karagdagang 150 nautical miles ng extended continental shelf (ECS) ang malaking bahagi ng mga isla ng Kalayaan at Panatag Shoal.

Sa bahagi ng China, iginigiit nitong nasa loob ng nine-dash line nito ang Kalayaan at Panatag. Ang nine-dash line ay ang marka sa pag-aari daw ng naturang bansa. Una itong dineklara ng gobyernong Koumintang noong 1947, bago magwagi ang rebolusyong pinangunahan ni Mao Zedong. Pinagbabatayan din umano ng kasalukuyang rehimen sa China ang sinaunang mga mapa na nagsasabi umanong noon pa man, deklarado nang pag-aari nito ang Kalayaan at Panatag.

Pero giniit ni Carpio na wala nang bisa ang historical claim ng China matapos mapatupad ang Unclos noong 1982. Kasama ng Pilipinas na lumagda sa naturang pandaigdigang kasunduan ang China. Sa Unclos, pinawawalang bisa ang naunang mga istandard sa pagtatakda ng teritoryo at pag-aari sa dagat.?Pero kahit pa sa batayang istorikal,

sinabi ni Carpio na may matibay na batayan ang Pilipinas, dahil nakasaad sa mapa ng Heswitang pari na si Murillo Velarde noong 1734 na bahagi ng Pilipinas ang Kalayaan at Panatag. Sa kabilang banda, may mga eksperto tulad ni Francois Xavier Bonnet na nagsasabing gawa-gawa lang ng China ang mga istorikal na batayan nito.

Kaya kumpiyansa si Carpio na papabor ang Itlos sa Pilipinas. Gayunman, inamin niyang mahaba ang laban na ito, dahil hindi basta-basta susunod ang China sa desisyon ng Itlos kung walang pandaigdigang suporta ang Pilipinas. Kaya naman mahalaga ang pagkakaroon ng isang kilusang masa tulad ng gustong buuin ng P1nas para pagkaisahin ang mga mamamayan sa paggiit ng pambansang soberanya ng Pilipinas sa harap ng probokasyon ng China.

Kasabay ng pagkakaisa ng sambayanan laban sa panghihimasok ng China, nangako naman ang P1nas na labanan ang mas masaklaw na panghihimasok ng Estados Unidos sa pulitika, ekonomiya at teritoryo ng Pilipinas.