Pluma at Papel

Tula | Lumuluha Tayo’t Nananaghoy


lumuluha tayo’t nananaghoy / di dahil ipinagdaramdam natin / sarili nating mga kasawian / o dinudurog sarili nating mga puso / ng mga dagok ng karalitaan.

lumuluha tayo’t nananaghoy
di dahil ipinagdaramdam natin
sarili nating mga kasawian
o dinudurog sarili nating mga puso
ng mga dagok ng karalitaan.
lumuluha tayo’t nananaghoy
dahil napagmasdan natin
mga aninong walang masulingan
at mga katawang ginagahasa ng karimlan
sa mga gabi ng paglalakbay at paglalamay
sa paghahanap ng liwanag
sa gubat ng dilim at sagimsim
lalo’t walang kumikindat ni isang bituin
sa papawirin ng ating sagradong mithiin,

lumuluha tayo’t nananaghoy
dahil patuloy na binubukalan ating mga mata
ng mga luha ng dalamhati ng lahi
habang naglilingkisan sa telon ng balintataw
mga eksena ng malagim na pelikula
sa pinakasisintang la tierra pobreza.
lumuluha tayo’t nananaghoy
dahil hitik sa matimyas na pagmamahal
ating mga puso
di para sa ating sarili
di para sa ating sikmura’t katawang dinudusta
sa maalindog na mga templo’t palasyo
ng mga mapagsamantalang pinagpala.
bawat araw, namumukadkad ang pagmamahal
sa himaymay ng ating laman
dahil mga ugat nati’y karugtong ng mga ugat
ng mga sawimpalad, ng uring dayukdok
at binubusabos ng mga diyus-diyosan
silang walang habas na ikinakadena
sa bilangguan ng dalita’t dusa.

lumuluha tayo’t nananaghoy
dahil dugo nati’t dugo nila’y
nagmumula sa iisang batis
ng sagradong mga pangarap at adhikain
at kapwa natin nakikita mabining pagdausdos ng hamog
sa dila ng naninilaw na mga damo
sa burol man o sabana ng pakikibaka.
oo, tigib ng pagmamahal ating mga puso
para sa laya’t ligaya ng bayang pinakasisinta.
oo, lumuluha tayo’t nananaghoy
dahil puso nati’y hitik ng matimyas na pagmamahal
dinadaluyan ng malasakit at pakikiramay
sa lahat ng naglalagos mga titig
sa mga bubong na pawid sa kabukiran
sa inaagiw na mga eskinita sa kalunsuran
at nagdarasal na mga barungbarong
sa balikat ng nagbalatay na estero
mulang tripa de gallina hanggang canal de la reina.

lumuluha tayo’t nananaghoy
dahil bumubulwak sa ating mga puso
matimyas na pagmamahal
ngunit nag-aalab ating mga utak
habang nagdiriwang sa mesa
ng karangyaan at mapagsamantalang kapangyarihan
silang mga diyus-diyosan ng balintunang lipunan
at titiguk-tigok naman lalamunan
ng masang sambayanang ibinubulid
sa kumunoy ng kahimahimagsik na karalitaan.
oo, lumuluha tayo’t nananaghoy
ngunit ito’y di magpakailanman
kapag tuluyang naglagablab mga apoy
ng sigang sinindihan sa ating dibdib
ng mga aninong kalansay na ngayon
magbabanyuhay rin ang lahat
bawat patak ng ating luha’y huhulmahin
sa pandayan ng layang dakila
at magiging mga punglong itutudla
sa puso’t lalamunan
ng uring baligho’t gahaman
para sa ganap na katubusan
ng kadugong dayukdok at alipin
at ganap ding kasarinlan
ng lugaming la tierra pobreza!