Scope Out

Pagmumuni sa nasirang smartphone


Sa kabila ng pagiging riot ng social medi, napakahalaga ang responsableng paggamit sa makabagong teknolohiya para sa ikabubuti ng madla.

EDSA_bus_stop_cubao_20151010000700685

Sa saliw ng awit ng Air Supply, binabagtas ng lulan kong bus ang highway ng Timog Katagalugan patungong Kabikulan. Tangan ang panulat at flashlight habang nasa aking binti ang notepad, pinilit kong magsulat. Baka kasi paglapag ko sa lungsod ng Naga ay makalimutan ko na ang iniisip kong isulat habang nasa biyahe.

Nitong Martes lang nasira ang smartphone ko. Nakaka-badtrip. Noong nakaraang Marso ko lang binili iyon galing sa inipon ko nang ilang buwan. Sa loob ng ilang buwan ng paggamit sa smartphone, ‘di ko namalayan na parang nakadepente na dito ang pang-araw-araw na gawain ko.

Sa teleponong iyon ako nakikipag-usap sa mga tao, nagbabasa ng e-book, nagche-check ng email at siyempre gumagamit ng social media.

Sa katunayan, hindi ko maisusulat ang kolum na ito kung maayos pa ang smartphone ko. Malamang abala ako sa pakikipag-usap o sa pagkutingting sa telepono dahil nakakabagot ang mahabang biyahe. May libreng Wi-Fi pa naman sa bus na sinakyan ko.

Ngayon lang din ako ulit nagsulat na gamit ang papel. Kadalasan kasi sa laptop o smartphone ko nilalagay ang mga isinusulat ko. Siguro isang magandang pagkakataon ito para maging malaya mula sa mobile internet. Sa panahon kasi ngayon na ang mobile devices ay para na ring computer, napakadali nang kumonekta sa internet.

Napansin kong sa mga nakaraang buwang paggamit ko ng smartphone, kumonti at bumagal ako sa pagbabasa ng mga libro. Binibilang ko kasi ang mga librong nabasa ko bawat taon. Oktubre na pero siyam pa lang ang nababasa ko mula sa 20 na libro na target ko sa 2016. Hindi ko alam kung kakayanin ko pang makatapos ng 11 libro sa loob ng kulang-kulang tatlong buwan.

Hindi ko naman sinisisi ang mga smartphone dito. Dumalas lang din ang pagbabasa ko ng mga artikulo sa internet dahil laging nasa palad ko ang telepono. Kumonti man ang librong nabasa ko, dumami naman ang nabasa ko online. Madalas balita ang binabasa at mga sulatin tungkol sa iba’t ibang paksa tulad ng agham sa likod ng Jurassic World at debt crisis ng Gresya hanggang sa pag-atake ng mga puwersa ng Estados Unidos sa Syria at AlDub phenomenon.

Sa katunayan, puno ng kaalaman ang cyberspace. Kailangan lamang maging mapanuri sa source ng  mga binabasa. Hindi naman kasi lahat ng nababasa natin sa internet ay reliable sources para sa impormasyon. Maraming naloloko sa mga lampoon o satirical news sites tulad ng The Onion, So, What’s News at Adobo Chronicles.

Tinaguriang digital age ang panahon natin ngayon at ang kabataan ay tinatawag na millennials, parang bawal na ang maging tanga. GMG o Google mo, gago dahil ilang pindot lang malalaman mo na ang maraming bagay. Ang hamon ngayon ay kailangan natin maging mapanuri sa ating mga nababasa at nakikita sa mga screen ng ating computer at smartphone.

Malaki ang impact ng internet at social media sa kabataan ngayon. Binago nito ang paraan ng pakikipagkomunikasyon at palitan ng kuro-kuro sa mas mura at mas mabilis na paraan. Bigla-bigla, lahat ay entitled nang maglabas ng opinyon na maaaring makarating sa malaking audience ng cyberspace.

Naalala ko noon ang laging sinasabi na walang maling opinyon. Pero ngayon, ‘di na ko naniniwala dito. Naglipana ang mga opinyon at kuro na walang basehan, pananaliksik at pagsusuri. Kung ano lang ang maabot ng mata at tenga, iyon na. Wala ng malalimang pagmumuni.

Sabi nga sa Facebook post ng isa sa mga dati kong propesor noong kolehiyo na si Bb. Glorydee Magno, “Bakit riot ang social media: Kasi dati, ang opinion leaders—scholars, experts, real journalists, and social activists. Ngayon, anyone who has celebrity, selfie skills, masterful use of catchphrases, and half a brain becomes an opinion leader. Di ba, riot?”

Sa kabila nito, napakahalaga ang responsableng paggamit sa makabagong teknolohiya, lalo na ang internet at social media. Mahalaga ang pananaliksik at pagsusuri ng mga isyu. Mahalaga na maging palaisip ang mga mamamayan dahil ito ang humuhubog sa kanilang panlipunang kamalayan.

Sa mga manunulat na tulad ko na nakasanayan na ang proseso ng pagbabasa at pagsusuri ng maraming teksto sa pang-araw-araw na gawain. Kailangang mas maging matalino ang mga mamamayan, lalo na ang kabataan. Papalapit na naman kasi ang halalan. Kailangang maging matalino ang taumbayan sa kanilang pagboto at huwag basta-basta magpapaloko sa mga trapo. Kailangan nilang maging mapanuri sa mga kandidato. Kailangan nilang pumili nang wasto.

At nag-stop over ang bus sa kalagitnaan ng lalawigan ng Quezon.