Makibaka: Rebolusyon. Hindi eleksiyon.


Rebolusyon ang tanging solusyon para pawiin ang kahirapan at maitatag ang tunay na gobyerno para sa mamamayan. Hindi ito mangyayari sa pamamagitan ng eleksiyon.

Boy Bagwis

 

Pagkilos ng mga miyembro ng Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (Makibaka) sa ika-45 na taon ng kanilang anibersaryo. <strong>Boy Bagwis</strong>
Pagkilos ng Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan sa Divisoria sa Maynila. Boy Bagwis

 

Rebolusyon ang tanging solusyon para pawiin ang kahirapan at maitatag ang tunay na gobyerno para sa mamamayan. Hindi ito mangyayari sa pamamagitan ng eleksiyon.

Ito ang sigaw ng higit 100 miyembro ng Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (Makibaka) sa kanilang isinagawang lightning rally sa Divisoria, Manila bilang pagdiriwang sa ika-45 anibersaryo ng pagtatatag ng Makibaka. Ginawa rin ito bilang pagpupugay sa ika-47 anibersaryo ng New People’s Army sa darating na Marso 29.

Ang New People’s Army ang sandatahang lakas ng Communist Party of the Philippines na nagsusulong ng rebolusyon sa Pilipinas.

Ayon sa grupo, pinaniniwala lang ng naghaharing mga uri sa lipunan na ang tanging solusyon sa mga problema ng bayan gaya ng kahirapan ay eleksiyon. Hindi rin diumano totoo ang sinasabing malaya na mapipili ang mga “nararapat” na kandidato para maupo sa puwesto.

Ani ng Makibaka, imposibleng makamit ang tunay na pagbabago mula sa mga kandidato na pawang kinokontrol din at pinopondohan ng mga malalaking negosyante at panginoong maylupa, maging ng mga dayuhan. Kaya naman hindi tunay na interes ng mga mamamayan ang isinusulong ng mga ito at pawang mga interes lamang ng mga naghaharing uri, ayon sa grupo.

Kinondena rin ng Makibaka ang talamak na dayaan at karahasan sa eleksiyon gaya ng pagbili ng boto at paggamit ng mga private armies.

<strong>Boy Bagwis</strong>
Boy Bagwis

Nagbabala din ang makibaka sa pagpapatuloy ng “Daang Matuwid” na nagdala sa ibayong kahirapan ng mga mamamayan, kapabayaan, korapsiyon, pagsusulong ng mga neo-liberal na interes para sa mga dayuhan at lokal na naghahari.

Mas higit na may kakayahan umano ang Administrasyong Aquino sa dayaan dahil hawak nito ang pondo ng gobyerno at may kontrol sa Commission on Elections.

Gayunpaman, hindi rin umano nagbibigay ng alternatibo ang iba pang mga kandidato. Lahat sila’y tinitignan kung paano mapaglilingkuran ang Estados Unidos, sa kapahamakan ng pambansang soberanya. Ipagpapatuloy lamang umano ng mga ito na maging atrasado ang agrikultura at walang maitatatag na pambansang industriya dahil pananatilihing nakaasa ang bayan sa mga imperyalista gaya ng US.

Ang laging kapalpakan ng mga nagdaang rehimen ang nagpapakita na hinding-hindi magiging solusyon ang eleksiyon para lutasin ang mga problema ng lipunan. Patunay lamang na matagalang digmang bayan ang tanging solusyon para makamit ng mga Pilipino ang tunay na pambansang demokrasya at kalayaan, pagtatapos ng Makibaka.