FEATURED Magsasaka

Tama na Yan! Sisisihin pa ba ang mga Magsasaka?


Nanawagan na si Makabayan senatorial-candidate Neri Colmenares na itigl na ni Mar Roxas, kandidato sa pagkapangulo ng Liberal Party at ng gobyernong Aquino, ang paninisi sa mga magsasaka sa naganap na masaker sa Kidapawan.

Brgy. Malibatuan, Arakan, North Cotabato | Kuha ng Tudla Productions
Brgy. Malibatuan, Arakan, North Cotabato | Kuha ng Tudla Productions

Sa pagsisimula pa lang ng hearing sa Senado kaugnay ng Kidapawan masaker, nanawagan na si  Makabayan senatorial-candidate Neri Colmenares na itigl na ni Mar Roxas, kandidato sa pagkapangulo ng Liberal Party at ng gobyernong Aquino ang paninisi sa mga magsasaka sa naganap na masaker sa Kidapawan, North Cotabato.

Dalawa ang kumpirmadong patay, mahigit 100 ang sugatan at marami dito ang tinamaan ng bala, at hanggang ngayon ay nasa sangtuwaryo ng Methodist Church ang mga magsasakang kasama ng mahigit 6,000 nagrali sa highway ng Kidapawan ngunit marahas at malagim na dinispers ng magkaanib na puwersa ng pulis at militar noong Abril 1.  Ang hinihingi lamang ng mga magsasaka ay 15,000 sako ng bigas dahil sa ilang buwan na silang dumaranas ng gutom dulot ng El Nino o tagtuyot sa kanilang mga lugar.

Sinabi ni Mar Roxas na sinulsulan diumano ang mga magsasaka, at hindi totoo ang gutom at gawa-gawa nila ito.  Ngunit bumwelta si Colmenares na itigil na ang paninisi sa mga magsasaka at “kung busog ang mga magsasaka kahit anong sulsol mo ay hindi nila iiwan ang lupa nila para sa kapitolyo.” Totoo ang reyalidad ng El Nino, ani pa ni Colmenares, at umiiwas lamang ang gobyerno sa kapalpakan nito at sa kriminal na pananagutan sa masaker at sa pagpapabaya sa mga naggugutom na magsasaka.

Gayundin ang paninisi ng Philippine National Police (PNP).  Anito, mga pulis ang biktima ng karahasan, at ang dumalo sa rali ay hindi tagaroon.  Ngunit kabaligtaran ito ng katotohanang ang mga namatay at nasugatan ng pulisya ay pawang taga-Kidapawan City.  Gayunman, “natural lamang na may mga indibiwal at organisasyon na sumusuporta na sumama mula sa ibang lugar dahil lahat ay apektado ng El Nino.

Samantala, mariing sinabi ni Rep. Terry Ridon ng Kabataan Partylist na dapat nang sampahan ng kriminal at administratibong kaso ang lahat ng lokal na opisyal ng gobyerno, kasama na si Mayor Joseph Evangelist, North Cotabato Gov. Emmylou Talino-Mendoza, mga opisyal ng PNP, at maging si Sec. Proceso Alcala ng Department of Agriculture sa kapabayaan nilang tulungan ang mga magsasaka dahil sa El Nino na nauwi sa madugong dispersal sa Kidapawan.

Isang linggo na pero wala pang inaamin ang gobyerno, ani Ridon.  Masahol pa, marami ang iligal na hinuli at binantaan dahil sa paglahok sa barikada.  Idinagdag pa niya na dapat ilagay na sa preventive suspension ang lahat ng opisyal ng pulisya na sangkot sa masaker sa Kidapawan.

“Paano magkakaroon ng patas na imbestigasyon kung ang mga kriminal ay nasa serbisyo pa?”, tanong ni Ridon.

Ang Communist Party of the Philippines ay nagpahayag din na walang armadong NPA na nasa hanay ng mga magsasakang nagbabarikada sa Kidapawan, taliwas sa pinalalabas ng gobyerno. Kung may nagtutulak man sa mga magsasaka na magmartsa at lumaban ito ay ang kahirapan, ani ng CPP.

Isang Global Day of Action for Food, Land and Justice ang itinakda at nilahukan ng iba’t ibang grupo ng mamamayan bilang pakikiisa sa mga magsasaka ng Kidapawan.  Ilan sa mga bansang lumahok dito liban sa  Pilipinas ang  US, Netherlands, Palestine, Pakistan, Indonesia, Canada at Camboda.  Sa Pilipinas naman ay Pampanga, Negros, Bicol, Panay, Batangas, at Eastern Visayas.